Iyak siya nang iyak at sobrang sakit ng nararamdaman niya. Sobrang sakit pala iyong ganitong pakiramdam. Iyong malalaman mong nawala na iyong tanging tao na dahilan kung bakit gusto mong mabuhay.

Ang sama-sama niya bang tao para parusahan siya nang ganito? Bakit sinaktan siya nang sobra? Bakit siya pa? Bakit ang baby niya?

"Hillary..."

Itinaas niya ang isang kamay na sinasabing huwag itong lumapit sa kanya. "Stay away, Axer. Ang sama-sama mo!" Hindi na niya mabuo ang bawat salita dahil sa paghikbi. "Please, huwag ka nang magpakita sa akin. Kahit anino mo ay ayaw ko nang makita!"

Nakita niyang tinakpan ni Axer ng dalawang kamay ang mukha nito. "Hindi lang ikaw ang nawalan... ako rin, Hillary."

Muli na naman siyang napahikbi dahil sa narinig. Hindi niya matanggap na wala na ang baby niya. "Kahit ano pang sabihin mo at kahit ano pang gawin mo, hindi na mababalik ang buhay na nawala! Ang sama mo, Axer! Pati anak natin na walang kasalanan, idinamay mo!" Yakap-yakap niya ang sarili at nagpatuloy sa pag-iyak. Halos ilagay na niya ang mukha sa sahig dahil sa labis na sakit na nararamdaman ngayon.

Lumapit ito sa kanya at mahigpit siyang niyakap.

"Leave me alone!" sigaw niya at halos tumumba silang dalawa para lang makaiwas siya sa yakap nito.

Tumayo si Axer at sinuntok ang pader. "Damn! Damn! Bakit ganito? Bakit?!" At muli na namang sinuntok ang pobreng pader dahilan para dumugo ang kamay nito.

May paki pa ba siya? Ito ba nagkaroon ng pakialam sa kanya? Hindi. Dahil kung may pagmamahal talaga ito sa kanya ay hindi mawawala ang anak nila. Hindi mawawala ang baby niya.

"Tama na, Axer. Wala ka nang magagawa. Umalis ka na! Hindi makaya ng sikmura ko ang makita ka!"

Tumingin ito sa kanya at katulad niya, luhaan din. Alam niyang nasasaktan din ang lalaki pero pakiramdam niya, mas siya ang sobrang nasasaktan.

"Mahal kita, Hillary, at handa akong pagbayaran lahat-lahat," pagmamakaawa nito sa kanya.

Umiling siya. "Umalis ka sa buhay ko, iyon lang ang gusto ko sa ngayon dahil hindi ko pa rin talaga matanggap na nawala ang anak natin dahil sa iyo!" Tiningnan niya ito nang mata sa mata. "Alam mo, mahal naman kita, minahal na kita pero..." Kinagat niya ang ibabang labi para kahit paano ay mapigil ang paghikbi. "Pero sinayang mo lahat ng iyon dahil sa ginawa mo. Alam mo ba na ang saya-saya ko nang makita kita uli? Akala ko kasi pumunta ka sa bahay dahil gusto mo akong makausap." Tumawa siya nang pagak at nagpunas ng luha. "Hindi pala, gusto mo lang pala akong parusahan, gusto mo lang pala akong saktan. You won, nasaktan mo na ako. Pinatay mo pa nga ako."

Ginamit niya ang buong lakas at tumayo. At muli na namang nanikip ang dibdib niya nang makita ang sobrang sakit sa mga mata nito.

"I'm so sorry. Please don't leave, don't leave me, Hillary."

"Hindi mo alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon!" Napasubsob siya sa dibdib nito dahil sa dami ng emosyon na bumabalot sa kanya. "It feels like hell, Axer!"

Mas pipiliin pa niyang masaktan nang paulit-ulit sa pag-ibig kaysa mawalan ng sariling anak.

"Hillary, magsimula uli tayo. Hindi naman natin kakalimutan si baby, nasa puso pa rin natin siya."

Umiling siya. "Wala siya sa puso mo, Axer, dahil kung nandito siya..." Dinutdot niya ang dibdib nito. "Hindi siya mawawala sa atin."

Niyakap siya ng lalaki. Kung dati gustong-gusto niya ang mga yakap nito, ngayon ay hindi na.

Umalis siya sa yakap nito at hinawakan ang magkabilang pisngi nito. "Kalimutan na lang natin ang lahat, Axer." Pinunasan niya ang luha na tumulo sa mga mata nito, gaya ng ginawa nito sa kanya noon. "Sana hindi na lang tayo nagkakilala." Ngumiti siya pero alam niyang hindi umabot 'yon sa mga mata niya. "Sana hindi tayo nasasaktan nang ganito." Tinanggal niya ang mga kamay sa mukha nito. "Mahal kita, Axer, pero ang sakit na kasi kaya tapusin na natin kung anuman ang mayroon tayo."

EHS 3: His Sweetest KarmaWhere stories live. Discover now