Capitulum 2

273 5 1
                                        

Habang naglalakad kami ay hindi ko alam ang gagawin. Iniisip ko kung ano ang itsura ng impyernong matagal ko nang kinatatakutan. Itinanong ko na iyon kay Dante dahil mukhang may alam siya tungkol doon.

Ayon kay Dante, ang impyerno ay nahahati sa siyam na bilog o ang 9 Circles of Hell. Ang kalulugaran mo sa siyam na iyon ay nakadepende sa kasalanan mo. Ang unang parte ng impyerno ay ang Limbo o ang Pre-Hell, ang una naming pupuntahan.

Pero habang naglalakad kami sa lagusan ay hindi ko napigilang huminto. Nakakakilabot ang mga tunog na aking naririnig mula sa kabilang dulo ng kweba. Mga ungol na tila nahihirapan at mga daing na parang sinasaktan. Hindi pa miminsan ay may naririnig akong impit na sigaw at mga angil na tila nagagalit.

Pagkarating namin sa dulo ng kweba ay may nakita kaming isang ilog. Ayon kay Dante ay Acheron ang pangalan ng ilog na iyon. Muntik na akong masuka sa aking nakita sa may pampang ng ilog. Mayroong mga taong nakatayo at may iilang nakaluhod sa may pampang na walang kahit isang saplot ang inaatake ng mga naglalakihang bubuyog at mga lamok. Umaalingawngaw ang mga malalakas na panaghoy at mga daing ng sakit. Sa kanilang paanan ay may sangkaterbang uod na nagkukumpulan.

Napaiwas ako ng tingin at bumaling kay Dante na parang wala lang ang nakikita niyang kalunos-lunos na nangyayari.

Maya-maya pa ay may dumating na bangka at lulan nito ang isang lalaki. Balbas-sarado at puno ng poot ang mata. Bumaba ito ng bangka at itinulak ang ilan sa mga nandoon papunta sa bangka. Kasabay ng paghampas sa mga tao gamit ang sagwan ay sumisigaw ito na parang nag-uutos sa mga tao.

"Siya si Charon. Ang bangkero ng ilog Acheron."

Napatingin ulit ako sa bangkerong si Charon. Pasakay na itong muli sa bangka at umalis na.

Pagbalik niya ay kami na ni Dante ang sumakay sa bangka. Mukha namang kalmado siya dahil hindi siya nagsasalita at nakatingin lang sa kawalan.

Naglayag na kami sa ilog. Naglalakasang mga alon ang sumalubong sa amin at kinakabahan ako dahil anumang oras ay maaaring tumaob ang sinasakyan naming bangka. Upang maibsan ang takot na nararamdaman ko ay kinausap ko si Dante na prenteng nakaupo sa dulo ng bangka.

"Dante, ano ang meron sa Limbo at bakit ito tinawag na Pre-Hell?" tanong ko.

"Tinawag itong Pre-Hell dahil lugar ito ng mga pagano o ang mga taong hindi nakilala ang panginoon. Wala silang pinaniniwalaang diyos noong panahon nila kaya sila napunta sa Limbo. Pero iilan lang ang napupunta sa Limbo. Ang iba ay hinahatid ni Charon sa ibang daungan kung saan naghihintay si Minos. Ang naghahatid sa mga nandito sa kung anong Circle ang pupuntahan nila."

Napansin kong nakahinto na kami. Sa aking palagay ay nasa Limbo na kami. At hindi ito ang inaasahan kong itsura ng impyerno. Ang iniisip ko dati ay mainit, maingay at puno ng dagat ng kumukulong langis. May mga umaaligid na mga demonyong naghahabaan ang mga sungay at buntot. Pero ako pala ay nagkakamali. Ayon kay Dante ay lugar ito ng mga pagano at mga hindi nabinyagang mga tao.

Kung titingnan, ang limbo ay parang isang bayan na may isang malaking palasyo sa gitna. May mga naglalakad na mga tao sa paligid ng palasyo. Teka, bakit ganito dito? Nandito ang mga bayani ng mga Griyego, ang mga makata at manunulat na sina Homer, na may akda ng Oddesey at Illiad, si Aristotle at ilan pang sikat na manunulat. May kalong-kalong silang mga sanggol at tila ito'y kanilang inaaalagaan.

"Dante, bakit sila nandito? Hindi ba't sila ang mga sikat na Griyegong manunulat?" baling ko kay Dante dahil sa nakita ko.

"Gaya nga ng sinabi ko, nabuhay sila noong mga panahong hindi pa nabubuhay ang tagapagligtas nating si Hesus. Wala pa silang pinaniniwalaang panginoon noon kaya sila nandito."

"At ang mga sanggol na kalong nila?"

"Sila naman ang mga batang namatay bago pa man sila mabinyagan."

Naiintindihan ko na kung bakit sila nandito. Magulo pero naiintindihan ko na. Nagpatuloy na kami sa paglakad hanggang sa makarating kami sa harap ng palasyo.

Maya-maya'y tumunog ang kampana na nasa tuktok ng isang tore. Nagulat ako ng magsipagpuntahan ang mga taong nasa paligid at waring nakapila papasok ng palasyo. Pumasok din kami ni Dante sa loob pero dumaan muna kami sa pitong tarangkahan bago tuluyang makapasok sa loob.

"Ang pitong tarangkahan na nasa ating harapan ay ang pitong birtud. Kailangan ito upang makapasok sa loob ng palasyo."

Pagkarating namin sa loob ay para iyong simbahan. Pagkatapos naman ay nagpunta ang lahat sa isang hapag-kainan na kasing laki ng simbahan. Umupo na ang lahat at nagsimula nang kumain.

Iniwanan na namin ang mga tao roon at kami ay umalis na. Pagkalabas namin ay may nakita namin ang ilan na hindi makapasok sa loob. Ayon kay Dante ay sila ang mga taong hindi pa handang tanggapin ang panginoon sa kanilang sarili. At ayon kay Dante, may araw sa bawat taon na maaaring makaalis ang mga nandito kapag napatunayan nilang kapanalig na sila ng panginoon. At mukhang ngayon iyon. Lumabas na ang mga tao at nagtipon-tipon sa labas ng palasyo.

Maya-maya ay biglang nagliwanag ang paligid at kasabay nito ay ang pagkawala ng ilang tao na kasama sa nakatipong tao sa gitna. Sila siguro yung mga taong tinanggap na ang panginoon sa kanilang puso't isip. Ang iba naman ay umalis na bagamat makikita mo ang dismaya sa kanilang mga mukha.

Naglakad na kami ni Dante hanggang sa marating namin ang daungan kung saan naghihintay si Charon. Mukhang ihahatid niya kami kay Minos.

Sumakay na uli kami ni Dante sa bangka at nagsimula na uli kaming maglayag. Kung malaki ang alon sa dinaanan namin kanina ay mas di hamak na malaki ang mga alon dito. At kasabay pa nito ang malalakas na hangin na parang tatangayin ako sa lakas. Napahawak ako sa magkabilang gilid ng bangka para hindi ako tangayin.

Mabuti na lamang at nakarating kami ng ligtas sa pampang. Nagpatuloy na kami ni Dante sa paglalakad. Paakyat kami sa burol at ng marating namin ang tuktok ng burol at tumambad sa akin ang isang nilalang na my buntot ng ahas at may katawan at ulo ng tao. May nakapalibot na siyam na ahas sa kanyang leeg na tila kwintas at may nakapatong na koronang gawa sa buto sa kanyang ulo. May mga nakapila sa kanya na parang may inaantay.

Umungol si Minos nang makita niya kami. At laking gulat ko nang akma siyang susugod sa amin.

Langit, Lupa, Impyerno (Impyerno)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon