IS THIS THE REAL LIFE?IS THIS JUST FANTASY ?
Kung bibisitahin ng sinuman ang ikatlong palapag ng lumang gusali sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Pasay City tuwing alas-diyes ng umaga, wala silang makikitang kakaiba.
Normal ito. Nakakabagot pa nga kung tutuusin. Ang DZMR 109.6 "The Midnight Rhapsody"-isang independent na istasyon ng radyo na pilit sumasabay sa agos ng malalaking broadcast networks-ay mukhang isang tipikal, pagod, at ordinaryong opisina sa ilalim ng sikat ng araw.
Sa umaga, ang bintana ng main lobby ay sumasalamin sa nakatutunaw na sikat ng araw na tumatama sa CCP Complex. Maririnig ang ingay ng mga sapatos ng mga sales representative na nagmamadaling pumasok bitbit ang kanilang mga nagyeyelong kape.
Ang maruming puting dingding, na may mga bakas ng lumang pintura at mga nakapakong parangal mula pa noong dekada nubenta, ay nagmumukhang maliwanag at buhay dahil sa liwanag na nanggagaling sa labas.
May amoy ng mamahaling panlinis sa sahig, hinaluan ng pilit na halimuyak ng pabango ng mga sekretarya, at ang walang katapusang ugong ng photocopier sa sulok.
Ang huni ng aircon ay tila isang banayad na kanta na nagpapatulog sa mga empleyadong nagrerepaso ng mga logbook.
Sa umaga, ang DZMR ay isang ligtas na kanlungan ng mga taong nagtatrabaho para sa pamilya. Isang uniberso ng reyalidad.
Ngunit ang umaga ay isang malaking kasinungalingan. Isang maskara lamang.
Dahil kapag sumapit na ang alas-dose ng hatinggabi, tuluyan nang nagbabago ang mukha ng istasyon. Ang maliwanag at buhay na opisina ay dahan-dahang nilalamon ng isang malamig, madilim, at nakalulunos na atmospera.
Sa mga oras na ito, ang DZMR ay pag-aari na ng mga anino at ng natitirang boses na gising sa frequency ng mga sawi, baliw sa pag ibig at naghahanap ng karamay: si DJ Neo.
Click.
Pinihit ni Neo ang master fader ng sound mixer. Ang pulang ilaw sa ibabaw ng makapal na salaming pintuan ay biglang sumindi, nagbabala sa sinumang dadaan sa madilim na pasilyo:
ON AIR.
Mula sa loob ng sound booth, na nababalutan ng makapal at kulay abong acoustic foam, ang katahimikan ay hindi lang basta kawalan ng tunog-ito ay may bigat.
Isang uri ng katahimikan na tila humihigop sa hangin sa loob ng silid. Ang tanging liwanag na nagmumula sa kanyang unahan ay ang asul na silaw ng dalawang computer monitor at ang malambot, madilaw na liwanag ng isang lumang desk lamp na nakatutok sa kanyang mga script.
Tumingala si Neo sa malaking salamin sa kanyang harap-ang salaming naghihiwalay sa sound booth at sa technical control room.
Sa umaga, malinaw mong makikita ang technician na kumakaway habang humihigop ng tsaa. Pero ngayon, madilim ang kabilang silid.
Dahil sa reflection ng ilaw ng desk lamp, ang nakikita lang niya sa salamin ay ang sarili niyang mukha-maputla, may malalalim na itim sa ilalim ng mga mata, at tila estranghero sa sarili niyang paningin.
Para siyang nakatingin sa isang multo na nakakulong sa kabilang panig ng mundo.
Inilapit ni Neo ang kanyang labi sa windshield ng condenser mic. Sa labas, ang ulan ay nagsimula nang humampas sa malaking glass window ng gusali na nakaharap sa Manila Bay.
Ang anino ng mga puno ng niyog sa tabing-dagat ay tila mga mahahabang kamay na kumakaway, nagbabadya ng isang bagyong paparating.
"Magandang gabi, Maynila. limang segundo na makalipas ang alas-dose ng hatinggabi," ang boses ni Neo ay lumabas sa monitor speakers-mababa, buo, at may banayad na lungkot na pamilyar na sa kanyang mga tagapakinig.
ESTÁS LEYENDO
PLAYBACK : Ang Katapusan
Misterio / SuspensoSi Neo ay isang sikat na midnight radio DJ. Umiikot ang buhay niya sa bawat caller at kantang pinapatugtog niya gabi-gabi at sa malala niyang insomnia ... Si Freddie naman ay ang dating midnight DJ ng 109.6 DZMR station bago siya pinalitan ni Neo...
