Losing A Pet is the most difficult part of owning One

138 1 0
                                    

Paglisan. Ito na marahil ang pinakamadalas maranasan ng mga tao sa kanilang buhay. Nandyan ang lilisan ang mga klasmeyt mo patungo sa iba’t ibang kolehiyo; ang magulang mo na piniling lumisan ng bansa para guminhawa ang inyong buhay; o kahit simpleng materyal na bagay na nagbigay sayo ng lungkot o saya tulad ng cellphone na ninakaw ng snatcher o kaya’y ang paborito mong pantalon na sinungkit ng kapitbahay --- mga paglisan na madaling tanggapin.

Iniwan kami ng aming ama noong kami’y mga bata pa lamang upang mangibang bansa. Hindi na sya kailan pa bumalik. Ni sulat o tawag, wala. Hindi rin sya nagpadala ng pangtustos sa aming pag-aaral at araw-araw na pangkain. Hindi ko masasabing naging importante sya sa buhay ko dahil mabibilang ko sa mga daliri ko kung ilang taon lang kami nagkasama. Maari nating sabihin na nabuhay ako nang walang ama at kaya ko rin mabuhay na wala sya ngayon na matanda na ako. Ito marahil ang isang uri ng paglisan na hindi mo mararamdaman dahil "wala lang" --- literal na wala lang. 

Naranasan ko na rin lisanin ng mga importanteng tao sa buhay ko na tumulong maghulma kung ano man ako sa kasalukuyan. Tulad ng pagkawala ng aking lolo na namatay dahil sa malubhang sakit. Kaya ko sigurong ihalintulad ang paglisan na ito na parang kagat lang ng langgam. Masakit sa umpisa pero kayang tiisin. 

Pero bakit karamihan sa mga tao umiiyak tuwing may ililibing. Isa lang magsimulang umiyak, mahahawa na ang iba kahit hindi naman nila kamag-anak o matalik na kaibigan ang namatay. Bakit napakadali lang sa kanila na magpatulo ng luha? 

Dahil sa mga karanasang ito, naitanim ko na siguro sa aking isipan na parang bale wala lang ang paglisan. Hindi kailangang iyakan, hindi kailangan pagluksaan. Sabi nga ng mga nakakatanda, kahit ano man ang gawin mong pagpigil sa paglisan ay dadating at dadating ang panahon na kailangan mo itong tanggapin. 

Pero bakit karamihan sa mga tao ay umiiyak tuwing may ililibing kahit alam nila na wala naman talagang halaga para sa kanila ung namatay na tao? Bakit napakadali para sa kanila na magpatulo ng luha dahil sa paglisan ng isang tao? Hindi ko kayang gawin, lalo na kung para ipakita lang sa ibang tao na ako'y nakikiramay rin. Malungkot ako para sa kanyang paglisan, pero hindi ko sya iiyakan. Siguro dahil na rin sa mga naranasan ko noong bata pa ako kaya matibay ang loob tuwing may lumilisan. Ewan ko ba! 

Akala ko hindi na ako magkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng ibang emotion tuwing may lumilisan. Iba pala ang magpaparamdam sakin nito.

Bata pa ako madami na kaming mga alagang Aspin. Pero para sa akin noon, mga aso lang sila --- kailangan pakainin, painumin, paliguan. Andyan sila para bantayan ang aming bahay, magmasid at protektahan ang kapaligiran. Andyan sila kapag kailangan mo ng kalaro at kasama. Kapag namatay ang isa sa kanila, ililibing lang. Tapos, yun na yun. 

Pangarap ko noon na magkaroon ng imported na aso. Gusto ko ung malaki, malakas tumahol, mabait sa akin pero kakagat ng ibang taong papasok sa bakuran namin. Doberman! Tama, yun ang aso para sa akin! Dumating ang pagkakataon na nagkaroon ako ng pera para makabili ng Doberman. Sobrang saya ko noong naiuwi ko na sya. Sophia --- yan ang pangalan ng bago kong aso! Sa sobrang tuwa naming ng aking nobya, bumili kami ng pagkain ng aso, pakainan, inuman, kama, tali at laruan. Hindi na namin inisip kung bakit kami nag-aaksaya ng pera para sa isang aso. Samantalang noong bata pa ako, hindi kami bumibili ng mga kaartehan para sa mga aso namin. Okay na ang galon ng ice cream para magsilbing kainan at inuman. Okay na ang dilis at kanin para magkaroon ng laman ang tiyan nila. Ni anti-rabies nga di namin ginagawa! Porket ba "imported" sya kailangan na sya pagkagastusan? Aso pa rin lang naman sya di ba? Di bale na nga. Masaya naman kami! 

Sa unang pagkakataon sa buhay ko, pinatulog ko ang isang aso sa aming silid sa pagsusumamo ng aking nobya. Nababaliw na yata ako! Pinayagan ko ang kanyang kahilingan…sa isang kundisyon --- sa sahig lang matutulog si Sophia. Sumunod na mga araw, aba, nahuhulog na yata ang loob ko sa asong gumagastos ng aking kinikita! Mantakin mo, sya may vitamins, kami wala! Kung susumahin ko ang kinakain nya sa isang araw, papatak pa na mas mahal kaysa sa kinakain namin. Teka, nabaligtad na yata ang mundo! Di bale masaya naman kami! Walang hiya, nagiging palusot na lang yata itong linyang to. Di bale masaya naman kami!

Isang umaga nagising kami ng nobya ko at may napansin kaming kulang sa bahay. Asan ang bagong laptop? Asan ang mga alahas at pera natin? Ang videocam? Lintik! Nanakawan tayo! Nabaling ang aking atensyon kay Sophia. Asan ka nung kailangan ka namin?! Hindi ka man lang nag-ingay para i-alerto kami na may magnanakaw?! Nakatingin lang sakin si Sophia, wari ay nagtatanong din. Naisip ko na hindi naman nya ako naiintindihan. Siguro alam nya na galit ako pero malamang hindi nya alam kung bakit.

Ang pangarap ko na magkaroon ng asong nakakatakot at kakagat ng mga masasamang-loob ay naglahong parang bula. Oo, paglisan ulit. Paglisan ng isang pangarap na matagal kong hinintay. Eto ang paglisan na nakakainis at nakakairita. Dahil sa nangyari, nagdesisyon kami ng nobya ko na umuwi na lang ng probinsya at doon ituloy ang aming munting kabuhayan. Kahit papaano, ligtas kami doon dahil tahimik sa aming pook. Kasama namin inuwi ang imported kong aso. Lahat ng nakakakita sa kanya ay napapahanga dahil sya’y “imported”; ang iba nama’y napapabalikwas dahil sa takot. Hindi nila alam na hindi matapang na aso si Sophia. Wala syang silbi kung ang paguusapan ay pagtahol at pagbabantay. Malaki nga sya , pero lampa naman! Kain, tulog, laro --- yan lang ang kaya nyang gawin.

Lumipas ang isang taon, nawala na sa aming isip ang paglisan ng aming mga naipundar na materyal na bagay. Naibalik na rin ang saya na dulot ni Sophia. Mabait at malambing sya kaya hindi mahirap mahalin. Doberman na lapdog ang turing ko sa kanya. Natuto na rin sya tumahol tuwing may taong paparating. Sa wakas, may guard dog na ako!

Isang araw, napansin namin na walang ganang kumain si Sophia. Ano ba to? Ang mahal ng dog food tapos ayaw pang kainin. Bahala ka nga! Kami nalang muna ang kakain ng almusal. Napansin namin si Sophia na papalapit sa amin. Umupo sya sa harap naming sabay niyakap ng nobya ko. Laking gulat namin na pumayag sya na yakapin na hindi nagiging makulit o pumipiglas. Sa akin lang kasi sya nagpapayakap at naglalambing. 

Hindi ko maipaliwanag pero biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi ito normal. Marahil may sakit si Sophia. Dali-dali kami umalis para maghanap ng beterinaryo na suri sa kanyang kalagayan. Wala kaming nakitang beterinaryo kahit sa mga karatig bayan. Napagkasunduan namin na umuwi na at tignan ang estado ni Sophia. Bumusina ako. Walang tumahol. Binuksan ang gate. Walang sumalubong. Ah, siguro natutulog si Sophia at nagpapahinga.

Malinaw pa sa aking alaala ang mga sumunod na pangyayari. “Sophia!” Walang lumapit. "Sophia!" Wala pa rin. Dun ko na nasilip na nakahiga lang pala sya sa isang sulok. Binuksan ko ang ilaw sa garahe at tumambad sa akin ang katawan ni Sophia na wala ng buhay. Napasigaw ako, "Mahal ko, wala na si Sophia!" "Check mo, sigurado ka ba?" pigil na tanong sa sakin ng aking nobya. Tumulo ang luha sa aking mga mata. Sumikip ang dibdib ko at sinabing, "Wala na talaga sya." Nakarinig ako ng hagulgol mula sa loob ng bahay.

"Sophia, umalis lang naman kami saglit para maghanap ng beterinaryo. Sige na, mabuhay ka please. Para na talaga akong baliw na kumakausap ng patay. " Hindi ko alam kung bakit pero tuloy-tuloy pa rin ang pagtulo ng luha ko. Nahirapan akong huminga. Gusto kong sumigaw! Gusto kong magalit sa aking sarili! Nag-iyakan kami ng nobya ko. May kulang. May lumisan. 

Mag-isa kong hinukay ang libingan ni Sophia. Hindi ako tumigil kahit umuulan noon. Lakas-loob kong binalot ang kanyang bangkay gamit ang paborito nyang kumot. Itinabi ko sa kanya ang mga paborito nyang laruan at iba pang gamit. Bakit parang hirap na hirap akong gawin ito, samantalang ang dami ko nang nailibing na aso? Eto na ba ang paglisan? Hindi ko inakala na makakaramdam ako ng ganito, lalo na para sa isang aso. Mali pala ako. 

Mali ako sa pag-iisip na masakit lang ang paglisan kung ang mawawala sayo ay mahalaga o dahil kailangan mo lang sya. Mali pala. Mas masakit pala ang paglisan kung ang mawawala sayo ay isang nilalang na nagbigay halaga sa buhay mo. Ika nga ni Manong Sergio, "aso ang nagbalik ng pagkatao ko". Mali pala ako. Hindi pala tao o bagay ang magtuturo sakin ng leksyon tungkol sa paglisan, kundi isang aso na malaki ang naitulong sa pagkatao ko. Masasabi kong masakit ang paglisan ni Sophia dahil makalipas ang tatlong taon, hanggang ngayon, sya ay iniiyakan ko pa rin.

Courtesy of : Mr. Lestre Zapanta of The Pinoy Dog Whisperer

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 19, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Losing A Pet is the most difficult part of owning OneWhere stories live. Discover now