"Hindi. Makikipagkita lang ako kay Jade." Pag-amin ko. Kumuha ako ng tissue sa cabinet at pinunasan ang basa kong kamay.

"Bakit, nagkaproblema ba sa party kagabi?" Seryosong tanong ni Syrah. "Sinaktan ka ba?"

"Hindi." Mahina kong sagot.

"Eh, anong nangyari?"


Kinwento ko sa kanya ang tungkol sa nangyari matapos ang party habang hinahatid siya sa kaniyang condo dahil na din sa pamimilit niya. Umamin na ako dahil alam ko namang ikukwento ko sa kanila ito pagdating ng panahon. Tahimik lang naman si Syrah na nakikinig sa paliwanag ko habang nakaupo siya sa passenger seat at pinapaypayan ang sarili.


"Ano!? Nakita ang mukha mo?" Tumango ako at pinarada ang sasakyan sa kanto malapit sa building ng condo niya. "Malalagot ka sa mga ermitanyo niyan," tukoy niya sa tatlong boss ng Exquisite. Ermitayo dahil wala pa namang nakakakita sa kanilang tatlo. Sa tinagal ko sa Exquisite ay hindi ko pa – miski ang buhok nila – nakikita. Kahit si Asti na doon na lumaki ay hindi pa din kaya hanggang ngayon nga ay hindi niya rin alam kung sino ang umampon sa kanya.


Totoong malalagot ako. Hindi lang naman isang beses na nangyari iyon sa Exquisite, ang sabi sa akin ni Jade ay grabeng parusa daw ang ginawa ng mga Boss sa kung sino man ang lumabag sa batas na iyon sa buong kompanya, hindi na sinabi pa ni Jade ang ginawa sa mga lumabag sa batas, pero base pa lang sa tono ng pagbabanta sa amin ni Jade noon na h'wag gawin ang pagkakamaling ginawa nang miyembrong iyon ng Exquisite ay natitiyak kong hindi nga maganda ang nangyari sa kanya.


"Ilang buwan ding hindi nakapasok no'n si Gazel, tapos pagbalik pa niya diba ay iwas na siya sa lahat hanggang sa matapos ang kontrata niya ay nawala na lang siyang parang bula." Kwento ni Syrah. Kasamahan niya kasi iyong si Gazel at alam ko ay naging kaibigan niya din, hanggang sa magkamali nga siya at nakita ng kliyente niya ang mukha niya. Walang nakakaalam kung bakit niya iyon hinayaan, ang kwento ng iba sa amin ay dahil daw sa may gusto daw siya sa kliyente niyang iyon, pero wala namang katotohanan 'yon, dahil hindi naman si Gazel ang nagsabi.

"Kaya nga kakausapin ko si Jade, baka matulungan niya ako." Tumango si Syrah at binuksan ang bintana ng sasakyan upang itapon ang balat ng candy na kinain niya.

"H'wag mo na lang banggitin sa report." Suhestiyon niya. Umiling ako. Pwede ko naman talagang gawin iyon, pero paano kung lumabas ang katotohanan? Walang kaalam alam si Jade at baka madamay pa siya, mabuti na iyong sabihin ko na sa'kanya para sigurado. At isa pa, hindi lang naman kami ang gumagawa ng report, pati na din ang mga department head, doon ay nilalagay nila ang tungkol sa schedule ng bawat miyembro ng department, kung anong oras nagsimula at kung anong oras umalis. Nakita ako ni Jade noong umalis ako ng hotel, hindi naman niya pwedeng hindi ilagay iyon sa report niya.

"Nakita ako ni Jade palabas ng hotel kinabukasan. Lalabas 'yun sa report niya. Kailangan ko siyang pakiusapan."

"Mabuti pa nga. Nasabi mo na ba kila Chianti at Asti ito?" Umiling ako. "Good. H'wag mo na munang sabihin, hangga't hindi mo pa nakakausap si Jade. Mamomroblema lang ang dalawang 'yon." Tumango ako at binaba na siya sa tapat ng building ng condo na tinutuluyan niya. "Mamaya, ah? Laters." Kumindat pa ito bago tumawid papasok ng building. Pansin ang nagawang pagsunod ng titig ng iilang tao sa paligid kay Syrah. Napailing na lang ako at umalis na.


Niliko ko ang sasakyan paalis. Sa labas ng Ternate kami magkikita ni Jade. Sa may SM Dasma, dahil doon siya malapit nakatira. Sinipat ko ang wrist watch ko at wala ng isang oras ang natitira para makapunta ako doon. Buti na lang at maaga pa at maluwag ang daan ngayon kaya mabilis lang ang naging byahe ko.


Maingat na pinark ko ang aking sasakyan sa isang bakanteng parking space at bumaba na. Pinatunog ko ang alarm at tuluyan nang pumasok sa loob ng mall. Iilang tao ang nakita kong namamasyal na ng ganitong oras, may ilang kakilala din akong binate bago pa makarating sa Starbucks kung saan kami magkikita ni Jade. Papalapit pa lang ako ng shop ay natanaw ko na siyang nakaupo malapit sa entrance ng shop. Isang malaking glass lang ang nagbubukod mula dito kaya kaagad ko siyang nakita.


Exquisite Saga #2: Roussanne Shelkunovaजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें