Chapter 2: Tracker

99 1 0
                                    


Ilang buwan ang lumipas. Hindi naging madali ang pagsasanay, partikular na sa paggamit ng eye technique na REM. Marami ang sumuko. Ang dating pulutong ng animnapung katao ay nauwi sa labing-apat. Pailing-iling si Capt. Sigma habang pinag-aaralan niya ang takbo ng mga bagay. Hindi rin naman niya masisisi ang karamihan sa pag-alis. Inaasahan lamang niyang kahit manlang kalahati ay mapakinabangan niya. Ngunit ganoon ang naging kapalaran ng pulutong.

"Ayos na rin iyon," tangi niyang banggit. "Sasanayin ko na lamang kayo bilang mga ispesyalista. Mas mabuti na rin ito. Konti pero malakas, kesa marami pero patamaan lang ng bala."

Kasabay ng pag-aaral ng REM, itinuro rin ng kapitan ang tactical warfare at logistics upang lalo naming magamay ang paraan ng pakikidigma. Pati weather science at positional statistic, napasok na rin sa curriculum ng pulutong. Nagdaan ang mga buwan. Patuloy kaming nahasa sa araw-araw na ensayo, aral at sparring.

Makalipas ang isang taon at kalahati, ang labing-apat ay naging sampu na lamang. Dalawa ang nagpakasal at iniwan ang pulutong. Isa ang kinuha sa marines at isa ang mas napiling maging konsorte ng presidente. 'Mabuti na rin iyon,' sabi ng kapitan. 'Kesa marami ngunit patamaan ng bala.'

Nang araw ring iyon na muli kami nagtipon sa lugar ng pagsasanay. Inaasahan naming isasabak na naman kami ng matandang kapitan sa isa sa kanyang mga wirdong paraan ng pagtuturo. Ngunit isang matandang babae ang naghihintay sa amin.

"Good morning!" wika niya. "Ngayong araw ay ang araw ng pagsusuri."

Nagulat kami. Walang ipinasabi sa mga pulyeto na may pagsusuri sa araw na ito. Isa pa, anong klaseng pagsusuri naman kaya ang naghihintay sa amin? Agad na nagtaas ng kamay si Gary, isang balingkinitang lalaking nakasalamin sa harap ko. Pinaunlakan naman siya ng bisita.

"Permission to speak, mam! Iniisip ko lang po kung anong klaseng pagsusuri ang magaganap ngayong araw na ito," kalmado niyang pahayag.

"Ah, hindi pa pala nabanggit ng inyong kapitan. Ito ang unang pagkakataong may nakatapos na pulutong sa preliminary phase ng REM. Binabati ko kayo. Kayong sampu ay nakapasa sa unang pagsusuri. Ngayong araw ay tutuloy na kayo sa ikalawang bahagi, ang designation test."

'Designation test?' sa isip ko. 'Hindi ba't nagsanay kaming lahat para maging mga sniper ng Scout Rangers?'

Agad ding sinagot ng matandang bisita ang tanong ko sa isip: "Sa mga nagtataka kung tungkol saan ito, Ito ay ang designation ng bawat isa kung anong papel ang gagampanan niya. Kung Sniper ba o Spotter. Mula sa magiging pilian ay muli kayong sasanayin bilang mga ispesyalista. Para naman sa mga nagtatanong kung paano ang paraan ng pagpili, isa-isa ko kayong kakausapin sa kwartong iyon."

Itinuro nya ang isang bakanteng kwarto na may mesa at dalawang upuan sa gitna. May mga papel sa ibabaw nito at makalumang pluma, tila pagsusulit sa calligraphy ang sadya ng matandang babae. Isa-isa kaming pinapasok. Sampung minuto ang ininatagal ng bawat kadete sa loob, lumalabas silang tahimik, namumutla at tila natatakot sa nasaksihan. Hindi ko ito lubos na naintindihan kaya't nang pagkakataon ko na ay agad akong pumasok upang harapin ang pinagmumulan ng takot sa kanilang mga mata.

Pilit kong inihanda ang sarili ko. Naplano ko na rin sa isip ko kung paano ang gagawin kong counter-attack sa tila ba'y panganib na ito.Kaya gayun na lamang ang gulat ko nang mapansin kong ako ay nag-iisa sa loob ng kwarto. Isang malamig na boses ang bumulong sa aking tainga.

"Rico... "

Lumingon-lingon ako, hinahanap ang pinagmumulan ng bulong.

"...magaling. Nararamdaman ko ang tapang mo. Binabati kita."

Isang matandang babae na muli ang nakaupo sa bangko sa harap ko. Isang pirasong papel ang iniabot niya sa akin. Nang kunin ko ito ay tila ba biglang kinilabutan ako ng matindi. Agad na pinatakan ng tinta ng matanda ang kapirasong papel. Unti-unti, isang anyong puno ang gumuhit at nagkaroon ng korte sa papel.

Wala akong nasabi.

Napangiti ang babae. "Tracker siya. Malakas na tracker ang isang ito."

"Tracker si Bryant?" isang pamilyar na boses ang umalingawngaw sa kwarto. Ang kapitan. Tila nagmamasid mula sa likod. "Ngunit teka, meron tayong problema..." patuloy niya.

Nilingon ng babae ang kapitan. "Problema?"

"Ang batang iyan, siya ang pinakamahusay kong shooter."

Southern Cross: HitmanHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin