Chapter 1: REM

186 1 1
                                    


Hindi ko malilimutan ang sinabi sa amin ng kapitan sa isa sa aming mga misyon sa Scout Rangers:

"Ang buhay ninyo ay sa inyong kasama at ang buhay ng inyong kasama ay inyo."

Marahil pumasok rin talaga sa utak ko ang sinabi nyang iyon, mga bagay na hindi ko naiintindihan noong simula, noong unang araw ng pagsasanay.

"Gerald Caringal, Sir!" sigaw ng katabi ko sa pila.

Buong umaga kaming nakabilad sa nagbabagang init ng araw, buwan ng Mayo, sa boot camp ng 8th Scout Ranger Squad Training Exercises. Tagaktak na ang pawis ng karamihan, ngunit ni walang may gustong magpahinga; walang may gustong suwayin ang kapitan ng lupon-- si Captain Arnold Sigma.

Patuloy namin hinihiyaw isa-isa ang aming pangalan. Ito na ang panlabing-siyam na ulit mula kanina pang umaga.

"Rico Bryant, Sir."

"Hindi ko marinig!" sabi ng kapitan.

"Rico Bryant, Sir!!!" isinigaw ko ng buong lakas.

"Gusto kong maintindihan ninyong lahat, ang dangal ng isang tao ay nasa kanyang pangalan! Wala nang mas sasakit pa sa isang sirang pangalan sa isang lupon! Hindi ang mga sarili ninyo ang mag-iiwan ng marka sa mundo, kundi ang inyong mga pangalan! Kaya nais kong alamin ninyong mabuti ang pangalan ng inyong mga kasama!"

Tumingin siya sa kanyang relo na tila ba nadidismaya sa dating ng sikat ng araw.

"Ngayon ay humanap kayo ng kapareha na sa tingin ninyo ay kayang-kaya ninyo sa labanan!" muli niyang isinigaw. Gayon naman kumilos ang lahat ng kadete para hanapin ang katunggaling madadalian siyang talunin.

Hindi ko rin naman ninais ang madaling laban gaya ng sinasabi ng kapitan. Kahit sino ang humarap ay ayos lang sa akin. Lumapit sa akin ang isang babae ngunit agad na tinabig ito ni Rambo, isang matipunong Caucasian na pangisi-ngisi lamang habang naglalakad na tila mangangasong nakahanap ng madaling huli. Marahil dahil sa laki niya bilang may dugong banyaga, ngunit ako rin naman ay hindi pure breed. Kung sa bagay, apilyido ko lang at kulay ng mata ang may pagka-banyaga.

Isang mabilis na laban. Doon siya nagkamili.

"Humanda ang lahat! Nais kong makita ang inyong kakayahan!" muling utos ni Capt. Sigma.

Nagsimula ang lahat. Patuloy kong pinagmasdan ang mga nasa tabi kong mga kadete.

"Psst! Bryant! Ba't palingon-lingon ka pa? Humiga ka na lang dito kung ayaw mo masaktan," pangungutya ni Rambo. Narinig ko siya pero 'di ko na lang binigyan ng pansin. Marami pa siyang sinabi, karamihan ay mga pagbabanta; mga kahol ng asong naka-hawla.

Tila napikon ang dambuhala sa naging tugon ko. Agad siyang nagpakawala ng mga malalakas na suntok. Ngunit sa aking mga mata, tila lumalangoy siya sa putik. Masyadong mabagal, masyadong nakapanghihinayang.

"Tama na yan, Del Mundo," pigil ng aming kapitan kay Rambo. Sampung minuto rin ang lumipas, ngunit hindi pa rin siya humihinto. Halatang pagod na siya sa pag-atake, ngunit puro hangin ang tinatamaan ng kanyang mga suntok.

"Pero...kaya ko pa... Kapitan..." hingal niyang apila.

"Alam mo ba kung ilang beses ka nang namatay sa loob ng sampung minuto? Apatnapu't anim." Ibinaling sa akin ang tingin ni Capt. Sigma. "Mag-aaral ka ni Raymond Lee, tama ba ako?"

"Opo."

"Ano na ang kulay ng iyong bandana?"

"Dilaw po."

Nag-ayos ng manggas ang kapitan at nagtanggal ng sumbrero. "Sabihin mo, ilang taon ka na?"

"Labing-anim po."

Naghanda siya sa pakikipaglaban. "Nais kong makita ang lakas ng paraan ni Lee. Subukan mo sa'kin."

Nagulat ako sa sinabi ng kapitan, pero sa kabilang banda ay natuwa rin. Hindi ko pa talaga nagagamit ang kakayahang ito sa isang eksperto sa labanan, lalo na sa isang opisyal ng militar. Gusto ko ring malaman kung hanggang saan ako.

Agad ko siya binigyan ng sipa sa sintido, na naging feint. Alam ko ang bilis ko, alam ko rin ang epekto ng feint sa kalaban. Sinubukan kong tapusin ang laban sa kanyang dibdib ngunit ikinagulat ko ang kanyang naging tugon.

Nakatutok sa aking lalamunan ang kanyang kanang kamay habang ang kaliwa ay nakahawi sa ginawa kong pag-atake.

"Huwag kang mag-aalangan sa iyong mga desisyon. Ang iyong buhay ay laging nakasalalay sa resulta ng iyong paghuhusga."

Natahimik ako. Namangha sa kakayahan ng matandang kapitan. Saka ko lang naisip na oo nga 'no, nabilang niya ang mga pag-atakeng ginawa ko kay Rambo gayong sinadya kong binilisan ang pagkilos ko para sa mga feint. Ibang klase ang kanyang mga mata.

"Ang tawag sa martial art ni Private Rico ay Flash!" malakas na banggit ng kapitan. "Isa itong paraan ng pakikipaglaban na ginagamitan ng kakaibang bilis na tila ba ay bumubulag na liwanag! Tandaan ninyo ang sasabihin ko! Maraming paraan sa mundo ang gumagamit ng bilis bilang kasangkapan sa pakikidigma! Bilang mga sniper at spotter ng Scout Ranger Squad, importanteng isaalang-alang ninyo ang mga bagay na ito! Mahalaga sa atin ang pagmamatyag! Sabihin ninyo, sino nakapansin na inilabas na ang mga goggles na nakapatong sa mesa sa likod ko?"

Walang umimik. Kahit ako, hindi ko napansin ang pangyayaring iyon. Napakamot sa ulo ang kapitan.

"Lahat kayo, bigyan n'yo ako ng singkwenta sa sahig!"

Agad nagsikilos ang lahat kahit medyo hapo na sa buong umagang pagtayo sa ilalim ng araw upang gumawa ng singkwentang push-up.

"Pagkatapos niyan ay magsisimula na tayo sa pagsasanay! Una kong ituturo sa inyo ay ang REM!"

Southern Cross: HitmanNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ