Kabanata 14 - Pamilya Del Rosario

Magsimula sa umpisa
                                    

"Kuya!" bati ni Jerome. Lumapit ito sa akin at ipinatong sa balikat ko ang isang kamay. "Kumusta?"

"Ayos lang. May mga kasama ako," sabi ko at ipinakilala si Winona, Regina, at Roger. Pagkatapos ng kaunting usapan ay pinasunod na kami ni Jerome sa may hardin kung saan ginaganap ang salo-salo. Marami na ring mga bisita na naroon.

Sinalubong kami ni Joshua at ipinakilala sa mga bisita niya. Naupo kami sa mahabang mesa kasama si daddy at tita Jess na masayang makilala ang mga kapatid ko. Si tita Jess ay tuwang-tuwang nakipagkuwentuhan kay Winona at Regina. Marahil ay nanabik siyang makipag-usap sa mga babae dahil puro lalaki ang kasama niya sa bahay.

Sina Jake at Jerome nama'y nililibang si Roger sa mga kuwento nila. Pinakinggan ko ang kanilang mga sinasabi, pareho silang nagyayabang sa kanilang propesyon. At dahil madaling mapaniwala si Roger ay labis ang paghanga nito sa dalawa.

Nagulat ang lahat nang biglang tumili si tita Jess. Lahat ay natigilan at napatingin sa kanya. "Oh my gosh! For real? Policewoman ka?" tanong nito kay Winona.

Napatingin sa akin si Winona na waring humihingi ng saklolo. Buti na lamang ay napansin ni tita Jess na lahat ng bisita ay nakatingin na sa kanila. Tinakpan niya ang kanyang bibig at humingi ng paumanhin sa pag-iingay. Pagkatapos ay inusisang muli si Winona. Maya-maya'y nakiusisa na rin sila Jerome, Jake, at Joshua tungkol kay Winona. Labis ang paghanga nila kay Winona dahil ngayon lamang daw sila nakakita ng babaeng pulis. Hindi sila makapaniwala dahil sa mayuming kilos at kagandahan ni Winona.

"Excuse me po. Sagutin ko lang po ito," paalam ni Winona nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.

Pagtayo niya'y ako naman ang inusisa nila tita Jess at mga kapatid ko. Nahihiwagaan sila sa pagkatao ni Winona. Tinanong nila ako kung anong relasyon ang mayroon kami at kung paano kami nagkakilala. Buti na lamang ay hindi ko na kinailangang sagutin ang mga tanong nila dahil sinuway sila ni daddy. Pagbalik ni Winona ay nagpaalam siya na uuwi na dahil kinakailangan daw niyang mag-report sa opisina nila ngayon.

Tumayo ako at sinabing ihahatid na siya. Tumanggi siyang magpahatid kaya't sinamahan ko na lamang siyang mag-abang ng taxi sa labas ng bahay. Pagbalik ko sa loob ng bahay ay inalok na ako ng alak ng mga kapatid ko. Uminom lamang ako ng kaunti dahil kailangan ko pang ihatid sina Regina at Roger sa Cavite.

***

LINGGO nang umaga, kasalukuyan akong nagluluto ng almusal nang maalala ko si Winona. Simula nang magkahiwalay kami kagabi'y hindi ko na siya nakausap. Kaya napagpasyahan ko na tawagan siya at kamustahin.

Nakaapat na dial ako sa numero niya bago niya ito sagutin at nagulat ako nang boses ng isang lalaki ang sumagot.

"Hello? Sino ka?" tanong ko. "Bakit nasa iyo ang cellphone ni Winona?"

"Si Santiago ito," sagot niya. May kung anong kirot akong naramdaman kasabay ng pagkabog ng dibdib ko.

"Bakit? Anong nangyari kay Winona?"

"Nasa hospital siya ngayon. Nagkagulo sa lugar ng operasyon namin."

"Paanong nagkagulo? Ano'ng nangyari kay Winona."

"Nagtamo siya ng mga sugat dahil sa mga batong tumama sa kanya. Nakaidlip lang siya ngayon pero mamaya'y lalabas na rin kami ng hospital."

"Pupunta ako diyan," sabi ko at tinanong ang eksaktong lugar ng hospital. Nagmotorsiklo na lamang ako papunta roon para mas mabilis akong makarating. Pagdating sa hospital ay nakasalubong ko si Winona na inaalalayan ni Santiago sa paglalakad. Lumapit ako at kinamusta ang lagay niya.

"Ayos lang ako, mga gasgas at pasa lang naman ito eh," sagot niya.

"Sige, Reyes. Mauna na ako," paalam ni Santiago.

"Salamat, Santiago," sabi ni Winona.

Ngumiti ito at umalis na. Napansin kong marami itong pasa at gasgas. Mayroon din itong mga bandages sa ulo at braso. Samantalang si Winona ay sa ulo lamang may bandage at kakaunting gasgas sa kamay at braso.

"Ano ba'ng nangyari?" tanong ko sa kanya at inalalayan na siya.

"Sa iskuwater kasi naganap ang operasyon namin. Pugad ng mga drug pushers at users ang lugar kaya't maraming kalaban. Nagsagawa kami ng buy-bust operation doon. Nang maaresto namin 'yung target namin ay nagsulputan na ang mga tao at pinaulanan kami ng mga bato."

"Delikado pala talaga 'yang trabaho mo."

Napatango na lamang si Winona. "Pero buti nga eh mga bato lang at saka pasalamat ako dahil na-cover ako ni Santiago. Kaya't heto lang ang tinamo ko."

Hindi ko alam kung bakit bigla akong nakaramdam ng selos sa sinabi niya. Dapat nga'y matuwa ako dahil may taong nagprotekta kay Winona. Pero sana ay ako ang taong iyon, kaso... wala naman ako lagi sa tabi niya para protektahan siya. Ang tanging magagawa ko lamang ay ang ipagdasal na maging ligtas siya sa lahat ng oras.

Hinatid ko na siya sa kanyang dorm at tinanong kung ano ang mga kailangan niya. Ang sabi niya'y huwag ko na siyang alalahanin. Kaya na raw niya ang kanyang sarili, makakikilos pa naman raw siya ng normal. Pero kahit anong gawin ko, hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala. Ang hirap pala kapag ang isang taong mahalaga sa'yo ay ibinubuwis ang buhay para sa prinsipyong pinanghahawakan niya. Wala kang magawa kung hindi ang lawakan na lamang ang iyong isipan at unawain kung bakit niya ginagawa iyon.

The PolicewomanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon