Kabanata 06 - Ang Pamamaalam

6.3K 222 33
                                    

"ANAK, ipasalubong mo ito sa inyo oh," sabi ni nanay Feli habang iniaabot sa akin ang isang bungkos ng suman na kanyang niluto kanina lamang.

Bagamat wala akong pasasalubungan ay natuwa pa rin ako nang sabihin niya iyon. "Ang dami naman ho niyan, nay. Baka wala na hong natira sa inyo?"

"Ay sus! Sawa na riyan ang mga bata."

"Naku, maraming salamat ho," sabi ko at kinuha iyon.

"Ay teka!" sabi ni nanay at nakangiting binawi ang suman. "Hanapan ko ng maganda-gandang balot."

Nakatutuwa ang pagiging maalaga ng mga tao rito. Daig ko pa ang nag-check in sa isang five star hotel sa husay nilang mag-accomodate ng bisita. Pero sa lahat naman ng five star hotel, ito ang hotel na hindi ka maglalabas ng pera... ng malaking pera. Simpleng thank you lang sapat na bilang kapalit. Pakiramdam ko'y nanumbalik muli ang tiwala ko sa sangkatauhan. May ganito pa rin palang uri ng mga tao? May mabubuti pa palang nabubuhay sa mundo? Nakalulungkot lang dahil babalik na ako sa Maynila.

***

ALAS kwatro na ng hapon, naghahanda pa rin si Winona ng mga gamit na kanyang dadalhin sa pag-alis. Ang mga kapatid naman niya ay hindi na umaalis sa tabi niya dahil alam ng mga ito na matatagalan na naman bago nila muling makita ang kanilang ate. Isang beses lang kasi sa isang buwan kung umuwi si Winona.

"Ate Nona, uuwi ka rin po bukas?" tanong ni Coby.

"Hindi po, may pasok ako bukas eh."

"Eh sa susunod po na bukas?"

"Hindi pa rin po."

"Eh sa susunod na susunod po na bukas, ate?"

Umiling si Winona.

"Eh sa susunod na susunod na susunod pong bukas?

Muli siyang umiling. Hindi siya tinigilan ni Coby sa kakatanong tungkol sa susunod na susunod na susunod na bukas hanga't hindi siya tumatango.

"Okay ka na?" tanong sa akin ni Winona matapos niyang mag-ayos ng gamit.

Tumango ako. Wala naman akong mga gamit na dapat ayusin. Ang damit na suot ko ay siya ring damit na suot ko nang pumunta rito. Kaya't ang tanging bitbit ko ay ang suman na pabaon ni nanay Feli sa akin.

Tumayo na si Winona at isinukbit ang kanyang backpack na lumulobo na sa dami ng laman.

"Aalis na kami. Magpapakabait kayo, ha? Huwag magpasaway kay nanay. Coby, huwag takbo nang takbo, ha? Para hindi ka nadadapa at nasusugatan sa tuhod. May-may, huwag mo laging asarin si Nene para hindi nagkakagulo at Nene... huwag naman lumaban lagi sa ate May-may. Dadalawa na nga lang kayong babae madalas pa kayong magtalo. Sen, huwag iyak nang iyak, ha? Gusto mo bang pumangit ka? Dapat lagi lang smile, tignan mo si ate lagi smile kaya maganda. Nunoy, ikaw, malaki ka na, tumulong ka na sa paghuhugas ng plato o sa pagsisibak ng kahoy. Tulungan mo si kuya Mumon sa mga gawain na panlalake. Ikaw naman Mumon, aalagaan mo ang mga kapatid natin, ha?"

Tumango ang mga ito sa sinabi ng kanilang ate. Humalik si Winona sa pisngi ng mga kapatid pagkatapos ay humarap naman sa kanyang nanay. "Nay, baka hindi po ako makauwi sa death anniversary ni tatay. May duty kami noon eh. Magpapamisa na lang po ako sa Maynila."

Tumango ang nanay niya at yumakap sa anak. "Mag-iingat ka roon, anak."

"Opo, nay. Huwag masyadong mangungunsume sa mga kapatid ko, ha? At huwag masyadong papagurin ang sarili sa mga gawaing bahay."

Nangingiyak-ngiyak na tumango ang nanay niya.

"Sige, alis na po kami. 'Yung mga bilin ko sa inyo, ha?"

The PolicewomanWhere stories live. Discover now