Nakapagtataka man, ito lang ang kaisa-isahang lugar na hindi ako nahihiyang magsalita. Madalas ko pang kakwentuhan ang nanay niya kaysa sa sarili kong ina. Masisisi mo ba ako kung hindi ko magawang magkwento sa kanya? Sa rami na nang iniisip ni Inay, ayaw ko nang dumagdag pa. Dumiskarte naman ako sa loob ng bahay. Nagwawalis ako at naghuhugas ng plato. Bago siya nawala, bago ako nawala sa sarili. Bago ako mawala sa sarili.
"Miss, tinatanong kita. Ano ba talagang nangyari?"
Napalingon ako sa kanya. Anong, anong nangyari?
"Kahibangan hindi ka naman mamamatay kung iinom ka ng softdrinks." Dali-dali niyang tinunga ang softdrinks. Hindi man lang niya kong nagawang tirahan. Alam naman niyang alangin yong pera ng tao.
"Pangalawa mo na yan ngayon araw at hindi pa ngangalahati ang araw. Wag mong sasabihing bibili ka na naman mamayang tanghalian?" Hindi niya ako nilingon bagkus dali-dali siyang naglakad papalayo. "Hoy! Sinasabi ko talaga sayo. Pag ikaw nagka-diabetes!" Takot ka pa naman sa injection. Takot pa naman siya sa injection. Kung magkaka-diabetes siya kakailanganin niya ng insulin. May pera naman sila kaya wala namang problema. Panigurado sentimo lang to sa laki ng kinikita nila sa negosyo.
"Tapos, anong nangyari?"
Anong nangyari? Ano pa bang gusto nilang malaman? Ayaw na ayaw kong mag-eskandalo sa harap nila, Tita, kaya tahimik akong sumama sa kanila. Pero bakas sa mukha nila ang pag-aalala. Ano naman ngayon kung pinosasan ako sa huling araw ng burol ng kaibigan ko?
Panigurado nagkamali lang sila ng hinala. Bakit naman ako magiging suspect sa pagkamatay ng pinakamalik kong kaibigan?
"Narinig ko si Mamang kausap yong Tito. Ibinalita niyang tutuloy na ako sa abroad. Matagal na nila akong hinihintay na mangibang-bansa e'. Hindi lang talaga ako makaalis-alis syempre gusto ko munang tapusin ang pag-aaral ko rito. At isa pa, ayaw naman kitang iwan rito." May lungkot sa boses niya. Pangako namin sa isa't isa hinding-hindi namin titingnan ang isa't isa nang may awa. Pero ito ang unang beses na kinakawa ako ng mga mata niya. Iiwas man niya ang tingin, alam kong naaawa siya sa akin.
"Ba't dahil sa'kin? Hindi naman kita pipigilan ah. Ayaw kong maging sagabal sa future mo." Walang bahid ng tampo yan ngunit hindi yata ganoon ang naging tunog sa kanya. Tumayo siya mula sa pagkakaupo saka niya ako kinulong sa pagkakaupo. Nawala yong awa sa mga mata niya at napalitan ng pagtitimpi.
"Hindi mo ko pinipigilan pero yang bibig mo, may alat na lumalabas e. Alam mo ba kung ilang taon na akong naririto? Parang gusto mo pa rin yatang i-babysit kita hanggang kolehiyo e." Ganyan lang talaga siya magsalita nang pabiro. Kung hindi ko siya kilala, masasaktan ang damdamin ko.
"Kaya nga. Pwede ka namang umalis ah? Ba't mo ko inaalala?"
"Miss, ilang beses mo na yang nakwento sa amin? Saan na banda yong nasagasaan siya?"
Malapit na. Malapit na akong maubusan ng pasensya. Hindi ko alam kung nasaan na siya, kung bakit wala pa rin siya rito, at kung bakit hindi niya ako tinatawagan. Nagkaroon na yata ako ng phobia sa mga tawag kaya hindi ko siya magawang tawagan. Ilang oras na kong naririto pero ni anino niya wala. Saan ba kasi siya nagsusuot?
"Hoy!" Napatalon ako sa gulat nang sumulpot siya sa likod ko. "Ba't di ko ka nag-aantay, Mare? Alam mo namang sa kabila ako galing." Naupo kami sa paborito naming umupuan. malapit sa bintana, kita ang kabuuan ng GenSan. Pang-mayaman ang presyo ng bilihin kaya hindi na ako nagtataka ba't maganda ang view. "May importante pala akong sasabihin."
"Bakit hindi ka agad tumawag sa 911 kahit alam mong buhay pa siya?"
Noong mga oras na yon, hindi ko alam. Hindi ko alam ang gagawin. Nawala ako sa sarili. First aider ako pero hindi ko siya nagawang maasikaso. Nalimutan ko lahat ng training. Walang nagsabing yon na ang huli.
"Miss, tinatanong kita. Bakit hindi ka kaagad tumawag sa 911?"
Napako ako sa pagkakaupo. Dahil kalalabas lang namin noon sa restaurant. Binibitbit niya yong naiwang coke sa lata kahit pa sinabihan ko siyang wag na. Hindi ko na maalala kung anong sinabi niya sa akin pero nagpapasalamat akong sa akin niya ipinatago ang sekretong yon. Sekretong kailangang maibaon sa limot.
Pero ngayong nauna na siya, papaano na ako?
Ano nga yon? Nasaan na nga ako? Ah. Wala silang karapatang isumbat sa akin kung anong nangyari. Mas magpapasalamat pa nga siguro siya sa akin para sa lahat ng nangyari. Nanatili ako sa tabi niya hanggang sa huli niyang hininga. Bakit ako ang may sala?
"Miss, sabihin mo na sa amin kung anong pinag-usapan niyo ng mga oras na iyon. Yon lang naman ang kailangan mong gawin." Nakakairita na ang paglalaro niya sa ballpen. Nakakairita ang pagtapik ng ballpen sa mesa. Nakakairita ang ingay ng electric fan sa pader na kay init ng buga.
"Mauuna na ko. Kita na lang tayo pagkabalik ko."
Alam mo bang kaya siya natapilok at nasagasaan dahil nagbiro siyang buntis siya? Tawang-tawa ako non kaya hindi ko namalayang napalakas ang pagtulak ko sa kanya. Hihilain ko pa sana siya pero mas inuna niya pang-ilagay sa bibig niya ang ang lata ng softdrinks. Gusto niya pang-ubusin dahil sayang naman kung matatapon lang.
"Wala siyang hawak na lata ng softdrinks non. Hindi siya uminom ng softdrinks nang araw na iyon. Kung hindi, ikaw. Ikaw lang."
Napahawak siya sa tiyan niya kasi tinatamaan na siya ng diabetes? Sinasabi na nga bang dahil yon sa softdrinks. Kaya pala gusto niyang mauna na.
#
¡Ay! Esta imagen no sigue nuestras pautas de contenido. Para continuar la publicación, intente quitarla o subir otra.