KAHIBANGAN hindi ka naman mamamatay kung iinom ka ng softdrinks.
Naalala kong sabi ng kaibigan kong hala-sige sa pag-inom ng softdrinks kahit nilalagnat o hindi naman kaya ay kakaulan pa lang at malamig ang panahon. Hindi ko nga alam diyan, walang awa sa tiyang halos hindi pa sa oras kung kumain. Minsan nagtataka na rin ako kung bakit hindi siya pinipigilan ng magulang niya. Mas ako pa yata ang magulang niya. Sa araw-araw na ginawa ng diyos, ako lagi ang nagpapaalala sa kanyang tigil-tigilan din ang pag-inom ng softdrinks. Aba'y ayaw paawat.
Walang tigil ako sa pagpaypay habang nagmamasid sa paligi. "Mas maraming tao kaysa ngayong araw." Siguro naman ay masaya na siyang maraming bumisita sa ika-anim na gabi ng burol niya.
Hindi na rin ako magtataka kung iilang kaklase lang namin ang naririto. Sa ugali ba naman niyang walang kasingsama ay maski ako kung hindi niya lang ako kaibigan ay hindi rin ako dadalaw kahit pa sa puntod niya. Walang araw ba namang hindi naghahari-harian sa loob ng classroom. Mga capybara lang siguro ang hindi mapipikon. Sobrang lakas pa ng boses. Naturingan na nga kaming si OA at si Nonchalant. Hindi mapaghiwalay. Magkatambal. Buntot pa nga ang minsang tukso sa akin dahil kung nasaan siya, malamang sa malamang naroon din ako.
Pero ngayong nauna na siya, papaano na ako?
Palihim man nila akong tapunan ng tingin, alam kong isa lang ang nasaisip nila, ba't hindi na lang ako sumunod?
Ilang gabi na akong hindi makatulog at makakain nang maayos. Nangangamoy pinaghalong paksiw at kinilaw na nga ako. Hindi ko alam kung lumipat na ba ang araw dahil madalang lang akong tumayo mula sa aking kinauupuan. Hindi ko na rin madalas maramdaman ang mga paa ko sa haba ng pagkakaupo. Kaya kinaugalian na nila akong tawagin kada isang oras.
Ngayong nauna na siya, paano na ako?
Sobrang pagka-nonchalant ko, wala na akong buhay sa labas ng buhay niya. Hindi ko alam papaano kakausap ng mga tao. E nasanay akong maging anino. Ni hindi ko nga alam kung sino ako kung wala siya. Siya lang ang tanging tulay ng komunikasyon ko sa ibang tao.
Nakakaasar ang ingay nila. Nagtatawanan pa sila habang naglalaro ng Bingo. Nakakaasar din ang pagkalansing ng mga batano sa loob ng rambolito. Dinaragsa ang lamay dahil sa sugal. Ni hindi man lang nilang magawang pumasok rito ay dumungaw sa kanya. Palibhasa kumikita rin naman ang pamilya niya rito. Akalain mo yon, maski sa libing may tax.
Nauna na siya, ano na ako?
"Iha, may pagkain sa mesa. Kumain ka muna. Hindi naman namakakatakbo yang kaibigan mo. Hindi mo na siya kailangang bantayan," ani ng mama niya sa akin. Nasabi ko na bang mas magulang pa ako sa magulang niya. Habang ako nagluluksa, yong magulang niya patuloy lang ang buhay. Hindi mo iisiping nawalan sila ng anak. Kaisa-isahang anak.
"Ayos lang ho. Hindi pa naman ako guto- Hindi ko pa man natapos ang nais kong sabihin sa kanya ay itinapat niya ang kutsarang may lamang menudo. Wala na akong nagawa kung hindi isubo iyon. Hindi ko alam kailan ako huling kumain nito. "Kahit na sabihin mong hindi ka gutom kailangan mong kumain. Wag mong sabihing gusto mo na talagang sumunod diyan sa kaibigan mo?"
May diin ang mga salita niya. Nagkatitigan kaming muli bago ko kinuha ang kutsara at plato sa kanya. Masarap talaga ang luto ni tita, mas masarap pa kaysa sa luto ni nanay. Kung sabagay, salat kami sa buhay kaya ayos na ang asin at betsin na pampalasa. Ano man ang luto pare-parehas ang lasa. Kapag nasobrahan ng alat ay lalagyan ulit ng tubig, kaunting asukal. Tapos na. Hindi mo na magagawang magreklamo. Paghati-hatian ba naman ang sardinas ng pitong tao. Kaya minsan nakikitulog ako rito sa kaibigan ko. Hindi sa ayaw kong makisalo kanila inay pero mas makakatipid kung may isang bibig na hindi papakainin. Hindi na rin naman ako bago rito sa kanila. Mas alam ko pa kung saan nakalagay yong kutsyarita kaysa sa kaibigan ko.
