"Rebulto, Imahe, Birheng Maria, at Panalangin"

3.7K 5 0
                                    

Noong panahon pa lamang ni Moises ay mahigpit na ipinagbawal na ng Panginoong Diyos ang gumawa ng rebulto upang luhuran at sambahin. Ngunit ito padin ang kinagisnang gawin ng marami sa panahon natin. Ang pagkakaalam nila ay natutuwa ang Diyos sa kanilang mga ginagawa. May iba naman na kahit alam na nilang sumasamba sila sa rebulto ay kanila paring iginigiit na hindi naman sila sa rebulto at larawan sumasamba kundi sa Diyos padin naman daw nakalaan ang kanilang mga ginagawa.

"Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Diyos, ay Diyos na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;" (Exodo 20:3-5)

"Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos, Sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos. Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita, At hindi rin makakita, mga matang sadyang-sadya; At hindi rin makarinig ang kanilang mga tainga, Ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila. Totoo nga na mayroong kamay ngunit walang pakiramdam, Mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang. Ni wala kang naririnig kahit gamunting tinig man. Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala, Sana ay makatulad din ng gayong diyos na ginawa." (Awit 115:4-8)

"Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng kaniyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga diyos na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Diyos na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati." (Daniel 5:23)

Mahigpit na ipinagbawal ng Diyos ang pagsamba at pagluhod sa mga rebulto dahil ang Panginoon nating Diyos ay mapanibughuing Diyos. Tinutulad ng Diyos ang mga rebulto at larawan na ibang Diyos sa harap niya o diyus-diyusan, hindi tunay na Diyos na gawa lamang ng kanilang mga kamay. Dito napopoot ang tunay na Diyos kapag nagkakaroon ang mga tao ng ibang Diyos maliban sa kanya. Ano na lang kaya ang pakiramdam na ikaw ang Ama o Ina ng iyong Anak, ngunit mas minahal nito ang kanyang material na bagay kaysa sa kanyang mga magulang? Nilikha ng Diyos ang tao upang siya'y ating parangalan at sambahin, ngunit gumawa sila ng kanilang mga sariling Diyos na gawa sa bato, kahot at bakal na hindi nakakakita, nakakalakad at nakakarinig.nAng iba'y pinapasan pa nila ang kanilang mga rebulto upang dalhin sa ibang lugar at pagkatapos ay ibabalik sa kanilang lalagyan. Mananatili doon at hindi makakakilos. Dadalanginan ng mga tao ngunit hindi ito makasasagot at hindi makakatulong sa panahon ng bagabag nila (Isaias 46:6-7).

"Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyusan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan." (Exodo 23:13)

Ang ilan ay nagsasabing wala naman daw masama sa kanyang rebulto dahil si Jesus naman daw ang simbolo o itsura nito. Gaano nga ba tayo kasigurado na ang rebultong inanyuan na ito ay mukha ni Jesus? Sa bagong tipan, hindi kailanman iniutos si Jesus na gawan siya ng rebulto. Maliwanag ang pagtuturo ng banal na kasulatan na hindi dapat na katakutan ang mga diyus-diyusan o mga rebultong sinamba at dinadalanginan. Sapagkat hindi sila makakagawa ng masama, hindi rin maaaring hingihan ng tulong sapagkat wala ring maibibigay ng mabuti (Jeremias 10:3-5). May ibang hinahalikan pa ang mga rebultong ito, ang hinahandugan pa nila ito ng mga pagkain, sinisindihan ng kandila. Ang iba'y kukuha pa ng pamunas at kapag naipahid ito sa rebulto ay ipupunas naman nila ito sa kanilang mga katawan dahil sa paniniwalang nakakapagpagaling ito ng iba't-ibang mga karamdaman. Ngunit hindi nakakatulong ang mga ito at lalo lamang napopoot ang Diyos sa mga paraang paghalik at paghahandog sa mga diyus-diyusan (Oseas 13:2) at hindi naaawa ang Diyos sa mga ganitong tao (Oseas 13:13).

"Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto; at walang kabuluhan ang mga diyus-diyusang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang gumagawa nito'y tao lamang, kaya, magsama-sama man sila at ako'y harapin ay matatakot din at mapapahiya." (Isaias 44:9-11)

Itinuring ng Panginoong Diyos na mga bulag at mga hangal ang gumagawa ng mga ganitong bagay. Hindi nila naisip na ang gumawa nitong tao at nagukit sa mga ito ay ginamit ang natirang pirasong kahoy na panggatong, pinangluto ng karne na kanilang kinain. Ang rebulto naman na kanilang nagawa ay dadalanginan nila na "iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos" (Isaias 44:12-20). Nabanggit din sa biblia na ang mga gumagawa ng ganitong bagay ay ikalawang kamatayan ang kaparusahan (Apocalypsis 21:8). Kahit gaano kapa kabuting tao sa mundo, kung ikaw ay isa sa mga sumasamba sa mga rebultong ito ay napakalaking kasalanan padin nito para sa Panginoong Diyos.

May ilan naman na kaya naniniwala sa mga rebultong ito ay dahil nakagagawa ito ng mga himala. Gaya na lamang ng mga nababalitang rebultong umiiyak ng dugo, nakapag pagaling ng may sakit at litrato ni Jesus na lumitaw sa kung saan. Ang ibig bang sabihin ng mga milagrong ito ay dahil ito ay sa Diyos nanggagaling? Ang sabi sa biblia ay huwag tayong magpapaloko kanino man, sapagkat kahit ang diyablo ay naniniwala, at nakagagawa ng himala (2 Tesalonica 2:9-11). Tandaan natin na kahit kailan ay hindi pumayag ang Diyos na gawan siya ng anumang larawan at rebultong inanyuan (Isaias 42:8).

Isa pa sa maling turo ay ang pagsamba kay Maria. Ayon sa biblia si Maria ay ang napangasawa ni Jose. At siya ang nanganak kay Jesus. Si Maria ay nagdalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo (Mateo 1:16-18). Hindi ibig sabihin na nagdalang-tao si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay dapat nadin siyang sambahin. Walang itinuturo sa biblia na sambahin si Maria at si Jose na siyang Ina at Ama ni Jesus.

"Manalangin kayong walang patid; sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Kristo Jesus para sa inyo," (1 Tesalonica 5:16-18)

Sa talatang ito mapapansin natin na mahalaga sa isang tao ang manalangin. Ibinibigay ng Panginoong Diyos ang anu mang hingin ng tao sa kanya kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban (1 Juan 5:14). Hindi ibig sabihin nito na lahat ng kahilingan ng tao ay ibinibigay niya kundi yoon lamang na sumusunod sa kanya ang kanyang dinirinig (Isaias 1:15), pinapakinggan lamang ng Diyos ang mga taong nagbago at matuwid (Isaias 1:18).

"Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus." (Filipos 4:6, 7)

"Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinomang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya." (Hebreo 11:6)

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi dinirinig ng panginoong Diyos ang kanilang panalangin ay dahil sila ay manggagawa ng masama at hindi sila sumasampalatayang may gawa. Ang iba naman ay naaalala lamang nila ang Diyos kapag nakakaranas na sila ng kahirapan. Ano pa nga ba ang pangalangin na hindi dinirinig ng Diyos? Ayon sa biblia: "At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila." (Mateo 6:7). Paano nagiging walang kabuluhan ang paulit-ulit? Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos at pagpaparating ng ating mga natatanging kahilingan sa Kaniya. Sa pamamagitan ng panalangin ay nagagawa nating ipakita ang ating lubos na pag-asa sa tunay na Diyos. Ipinakikita din natin na sa buhay na ito ay nakadepende tayo sa Kaniyang kapangyarihan, pag-ibig at kahabagan. Ang panalangin ay isang paraan upang mapaganda at mapatatag natin ang ating pakikipag-relasyon sa Diyos. Kung walang panalangin, hindi nagiging buo ang komunikasyon sa panig nating mga tao at sa Diyos. Ang pakikinig sa Kaniyang mga salita ang paraan upang makipag-usap Siya sa atin at sa pamamagitan naman ng panalangin ay nagagawa nating makipag-usap sa Kaniya.

"Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila." (Juan 1:6)

"At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin." (Mateo 21:22)

"At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;" (Lucas 18:1)

Mark10:18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon