Mahal kita, pero.....

25 0 0
                                    

Mahal kita, pero....

Limang taong samahan na puno ng kulitan, asaran, at tawanan. May tampuhan man ngunit agad ding nareresolbahan.

Ikaw ang naging kasama ko bawat minuto. Ikaw ang naging kaagapay ko sa tuwing ako'y nag-iisa at napag-iiwanan ng lahat.

Ikaw ang naging sandigan ko sa tuwing dadalaw ang mga problema sa akin. Ikaw ang kakampi ko sa lahat ng pagkakataon.

Tinuring kitang matalik na kaibigan, ngunit panahon din ang makapagsasabing ako pala'y naging 'opition' mo lamang.

Napipilian lang kapag wala kang kasama. Hinahawakan lang kapag walang mapanghahawakan. Ako'y sinasabayan lamang kapag ika'y walang kasabay.

Hinahanap ko pa ang iyong presensya. Kahit ako'y nasaktan nang todo, ika'y akin pa ring inaalala.

Napakasakit para sa akin ngunit wala akong magaggawa, pinilit ko nalang na intindihin ang iyong sitwasyon at kung bakit mo ito ginaggawa.

Hindi ko masyadong dinamdam sapagkat masaya ako sa ating pagkakaibigan. Wala man sa akin ang iyong presensya, kasama naman kita.

Ngunit sa paglipas ng ilang taon, tila unti-unti ka nang nababalot ng pagbabago. Kinakain ka na ng sistema ng pagiging negatibo. 

Dahan-dahan nitong sinisira ang ating samahan. Hanggang isang araw, nagising na lamang ako, hindi na ikaw ang nakilala kong kaibigan.

Paunti-unti ay nalalayo ang iyong kalooban sa akin. Nakakapanibago ang iyong pag-iisip, mas lalong kumitid ang utak. Iyon na pala ang senyales ng iyong pagbabago.

Ngayo'y nagkakalabuan na tayo, unti-unti akong binabalot ng mga tanong.

Araw-araw akong naghahanap ng mga kasagutan sa aking mga 'bakit at paano.'

Late night talks, women's tea, girl talks, lahat ng mga ginaggawa natin, bigla nalang naglaho sa isang iglap.

Hindi na tayo madalas mag-usap, sa chats man o kahit sa personal. Animo'y may harang na sa pagitan nating dalawa.

Ang dating mainit nating pagsasalubong sa daan ay tila binabalot ng lamig mula sa ating mga titigan.

Sa isang iglap, hindi na ako ang iyong hinahanap. Hindi na ako ang iyong inaalala. Hindi na rin ako ang lagi mong naiisip kapag kailangan mo ng kaibigan.

"Hindi ko kayang mawala ka", napakasakit marinig ang mga salitang iyon mula sa iyo. Ngunit mas masakit na hindi ako ang iyong sinabihan no'n.

Kundi sa isang kaibigan na ipinalit mo sa akin. Mula una, ako na ang iyong kaagapay sa lahat ng bagay, ngunit hindi pala ako ang iyong maituturing na tunay na kaibigan.

Ilang beses kong sinubukang intindihin ka. Ngunit hindi ka nagbabago at ako'y nauubusan na ng pasensya.

Nakakalason ang ugali mo. Ang makitid mong isipan ay siyang nagdudulot ng ating hindi pagkakaintindihan.

Isang harang sa pagitan natin ang mahirap  matanggal kahit ano pang pagwasak ang aking gawin.

Ni minsan ay hindi ko naisip na magkakaganito pala ang ating sitwasyon. Tila ang hirap mong abutin.

Patawad kung hindi ko na makakayanin pang isalba ang ating pagkakaibigan.

Marahil ito lamang ang tamang paraan upang tayo ay umunlad bilang isang tao.

Hindi madaling tanggapin ang lahat. Aminado akong nahirapan akong bitawan ka nang basta na lamang. Ito'y isang desisyon na makailang beses kong pinag-isipan nang mabuti.

Ngunit ito lamang ang tanging paraan upang aking makamit ang kalayaang ipinagkait ko sa aking sarili para sa pagkakaibigan.

Patawad at salamat. Sa ilang taong pagsasama, hindi ko makakalimutan ang masasayang alaalang nabuo natin.

Asahan mong mananatili sa aking puso ang mga ngiti at sayang binahagi natin sa isa't isa sa limang taong pagsasama.

Maraming salamat sa iyong pag-unawa. Maraming salamat sa lakas ng iyong loob na tanggapin ang lahat.

Mahal kita, pero masaya akong hindi na kita kasama. Masaya akong wala ka na sa aking tabi.

Mahal kita, pero maayos na akong wala ka sa isang lugar kung saan naroon din ako.

Mahal na mahal kita, kaibigan, pero ayoko nang ipagpatuloy pa ang ating samahan.

Sa ating paghihiwalay, nawa'y umunlad ka bilang isang tao.

Ayoko nang umasang babalik pa tayo sa dati. Nais ko lamang makita ang iyong tunay na pagbabago para sa kabutihan.

Hihintayin ko ang araw na makita ang pagbabagong iyon, hindi lamang para sa amin kundi mas lalo na sa iyong sarili.

- ernxx / tamestnaive

Mga Damdamin At Kaisipan Where stories live. Discover now