Pulong

102 0 0
                                    

Pulong

Araw ng Martes nang ako'y magbalik
Sa paaralan kung saan ika'y aking nakilala
Isang pulong ang ating dinaluhan
At iyon ang simula ng ating samahan

Pangalan mo'y hindi ko alam, ngunit presensya'y nagparamdam
Mga bibig mo'y tahimik lamang, sapagkat ang iyong mga mata'y siyang nagsasalita

Papel ay inabot ko sa iyong katabi, ngunit mga titig mo'y sumalubong sa akin
Sa sandaling paglingon ko sa iyong gawi
Muli ay ikaw ang unang nakita ng aking mga mata

Titig ko'y nagbalik sa harapan, sapagkat ako'y natakot na iyong mahuli ang aking mga sulyap at mabasa ang sinasabi ng mga ito.

Ngunit kahit wala ka sa aking paningin, ika'y napapansin pa rin ng aking mga mata. Ramdam kong ika'y umalis at nawala

Ako'y naging alerto at ika'y hinanap
Ngunit hindi ka na bumalik, at hindi na ako naghintay pa sapagkat ito'y hindi dinamdam.

Ilang araw ang nagdaan, ika'y nakalimutan
Ngunit tanging pulong ang dahilan upang muling maalala. At sa pangalawang pagkakataon, ramdam kong may kakaiba sa'yo.

Puso'y kinakabahan sapagkat ako'y napapaligiran ng mga 'di kilalang tao sa silid. Ngunit ito'y napalitan ng kapayapaan magbuhat nang ika'y pumasok sa pintuang iyon.

Sumilay ang ngiti ko sa labi, pero ito'y patago lamang. Ang iyong presensya'y biglang yumakap sa puso kong natatakot.

Ramdam ko ang tuwa sapagkat alam kong nasa iisang silid lamang tayo. Hindi man magkatabi at malayo man sa isa't isa, alam kong pareho tayo ng pagkakaintindihan.

Magbuhat nang araw na iyon, tuluyan na kitang hindi nakalimutan. Isang araw, ako'y nangangailangan ng tulong. Pangalan ay sinambit ngunit walang ideya kung sino iyon.

Kami'y bumaba at naghanap sa isang tao. Nang ika'y nilapitan, puso ko'y napatigil. Presenya mo'y nagpawindang sa aking isipan. Tanging mga mata ko lang ang gumaggawa ng galaw.

Mga titig ko lamang ang nagpaparamdam ng gulat at saya sapagkat ika'y nasa harapan. Nakakatuwang lagi tayong magkasama sa iisang silid ngunit ni hindi ko alam ang iyong pangalan.

Ngayon ako'y napatulala sapagkat ako'y nanghina sa iyong harapan. Inabot mo ang papel sa akin at ako'y muling napatitig sa iyo. Kausap mo ang aking kaibigan ngunit ako'y nakatutok lamang sa'yo.

Ni ayaw kong iwaklit ang mga mata sa iyong mukha sapagkat natatakot akong baka hindi kita ulit makita. Kaya't ika'y kinilatis nang mabuti.

Ikaw pala. Pangalawang beses na kitang nakasama ngunit pangalan mo'y hindi ko alam.

Ngayon ako'y mas lalong nabighani. Kay gandang banggitin ng iyong pangalan matagal ko nang ibig malaman.

Ang lambot ng iyong boses ay magandang musika sa aking pandinig. Ang lambing ng iyong pagbigkas ay nagbigay kapayapaan sa aking puso.

Napakamalumanay kung magsalita. Animo'y babae sa sobrang hinhin ng iyong pagkakasabi dahilan upang ako'y mas lalong mapaibig.

Pagkatalikod, walang alinlangan ang paglabas ng aking ngiti. Ikaw ay kinwento ko sa aking kaibigan, at iyon ang hudyat na alam na niya ang pinakatago kong lihim sa'yo.

Ngunit tila madaya ang tadhana. Sa isang iglap, bumalik sa dati ang lahat. Walang pulong ang naganap. Tahimik ang mundo ko.

Ako'y napaisip. Nasa iisang paaralan lamang tayo pero hindi ka nahahagilap ng aking mga mata. Sadyang napakadaya ng tadhana. Ako'y umasa lamang sa wala.

Ngunit may kapalit na mas lalong gumimbal sa aking puso, nang litrato mo'y tumambad sa aking paningin. Ito marahil ang sukli sa aking matagal na paghihintay.

Isang mensahe ang iyong pinarating. Hindi man katulad ng aking inasahan, ngunit sapat na upang tayo'y magkaroon ng pag-uusap. Maikli ngunit espesyal iyon.

Sadyang mapaglaro ang tadhana at handa akong makisali sa larong ito. Parang taguan, ikaw ay mawawala, at sa tamang panahon, ika'y muling magpapakita.

Ako'y mahiyain at hindi makabasag pinggan
Kung kaya't labis na nabahala nang mabigyan ng isang malaking responsibilidad sa paaralan.

Ngunit iyon na pala ang daan upang ika'y makilala. Bawat okasyon ay magkasama tayo, sa iisang silid man o lugar. Ikaw ay aking kapiling.

Dahil sa'yo, napigilan kong matakot na tanggapin ang mga responsibilidad ko bilang isang opisyales.

At dumating ang gabing puno ng kasiyahan ang lahat. Ako'y umasa ng isang magandang aalala sa gabing ito.

Madilim ang paligid. Maingay ang mga tao at lahat ay nagkakasiyahan. Nakikisabay ang indayog ng kanilang katawan sa musika. Ang lahat ay malaya sa gabing ito.

Ako'y tahimik lang ngunit ika'y hinahanap ng aking mga mata. At nang makita, ako'y napangiti.

Sapagkat sa kabila ng kasiyahan, hindi mo sinawalang bahala ang iyong responsibilidad para sa lahat. Ang gabing iyon ay tila napakahiwaga para sa akin.

Totoo nga. Ako'y nagkaroon ng magandang aalala kasama ka nang walang alinlangan kang sumang-ayon sa pakiusap ng aking mga kaibigan na kumuha ng litrato kasama ako.

Naalala ko pa ang mga segundong ako'y iyong inakbayan. Mas naririnig ko pa ang malakas na kabog ng aking puso kahit nasa tapat lamang tayo ng malalaking palakas-tinig.

At ang mas nakakapigil-hininga, habang ako'y masayang nakatingin sa kamera, ikaw pala'y nakatitig sa akin. Bagay na hindi pinaranas ng iba sa akin, kundi ikaw lamang.

Isang araw, ako'y nagtaka subalit maraming negatibo ang sinasabi ng iba patungkol sa'yo, sa kabila ng iyong kabutihan.

Ngunit ito'y hindi ko pinakinggan. Magalit man ang lahat sa'yo, takip tenga ang aking gagawin. Sapagkat isa ako sa mga taong nakita ang iyong kabutihan.

Sa dami ng taong nagdududa sa iyong kakayahan, hinarap mo pa rin sila nang may ngiti sa labi at maayos na pakikitungo.

Sa personal man o sa pamamagitan ng telepono, ikaw ay maayos pa ring kakausap sa lahat.

Ako'y napasabi na lamang, iyan ang aking gobernador. At ako ang sekretaryang patuloy na susuporta sa kapwa ko opisyales, lalo na sa'yo.

- tamestnaive / ernxx

Malayang Salita Where stories live. Discover now