Kabanata Tatlo

0 0 0
                                    

MICHELLE

Ang liwanag ng araw ay iilang agwat lamang ang layo mula sa linya ng mga kakahuyan. Ang mga manok na nasa likurang bakuran ng bahay ay humihina na rin ang putak, dulot ng pagkakabusog mula sa mga patukang ibinigay sa kanila pagkagising ng Tres Marias.

Tirik na ang umagang araw para sa mga maagang gumising at nasa kusina na ang tatlo at nagkakape. Si Michelle ay nakaupo lang sa lamesa sa kusina kasama ang tiyahin niyang si Ellie habang kaharap ng kalan si Mariel. Si Angge naman ay kaharap ang telebisyon sa upuang sala, aliw na aliw sa mga mini business na napapanood niya sa garalgal na telebisyon.

"Paabot nga ng ininit, nak," tawag ni Ellie sa pamangkin niyang si Michelle na katabi ang termos. Idinulas ito ni Michelle sa kabilang banda ng lamesa kay Ellie na kakabuhos lang ng isang kutsara ng kape sa kanyang baso at isinasarado ang garapon na pinagiipunan ng kanilang stock ng inumin. Hinalo na nito ang kanyang kape gamit ang kutsarita, tinapik ng dalawang beses ang bunganga ng baso para humuni bago itabi ang kutsara at alsahin ang baso mula sa lamesa.

Matagal nitong hinipan ng malakas ang naguusok na kape bago maingay na humigop at nagpahayag, "Uy medyo maganda rin pala yung 3 in 1."

"Kahit dito huli pa rin magising ang kapatid mo," sundot ni Angge kay Michelle habang dumaan siya sa likod nito at dumiretso sa gasul na kalan para matignan ang niluluto ni Maye—palayaw ni Mariel. May hawak siyang basong walang laman; nilagay niya ito sa lababo pagkatapos masdan ang kanyang ate na nagluluto.

"Wala, wala na tayong magagawa, ma. Di naman nadadaan sa mahika na maging kuneho ang pinanganak nang kuhol," pabirong sagot ni Michelle. Nagngisihan lang ang Tres Marias at tumawa ng mahinhin.

"Te' mukha kang pinulot sa kanal," biglang bati ni Andy kay Michelle, lumitaw na sa kusina. Napahinto si Michelle at minasdan lang siya sa mata dahil sa gulat ng pagbati sa kaniya. Namuo ang kaunting kulubot sa pagitan ng mga kilay nito dahil sa naisip na pambati ng kaniyang kapatid sa harap ng kanilang mga tita.

Nakita na lang ni Michelle na nakangiti ang tatlo at nakatingin sa ibabaw ng mata niya. Napansin niya na ang tinutukoy ni Andy sa pagbati nito ay ang buhok niya na kanina pang hindi nasusuklay simula ng bumangon siya para magkape. Ito rin pala ang nasa isip ng kanyang mga tiyahin kanina pa.

"Mukha ka namang kanal. Magkape ka na," pabirong ganti sa asar ng kapatid habang iniuurong ang sisidlan ng mga kape, papunta sa kabilang banda ng lamesa kung saan uupo ang kanyang kapatid.

Mahinahon niyang hinawi ng maayos ang sariling buhok, mga daliring malalim sa buhok habang ang kamay ay humahawi mula sa ibabaw ng noo hanggang sa likod ng mga tainga, nilalayo ang ulo sa basong hawak at baka mapasukan pa ito ng buhok.

"Ay ate, ano na oras?" natanong ni Iling—palayaw ni Ellie—kay Tita Maye nila.

"Ay, andyan ang orasan 'o," turo ni Maye sa sala, gamit ang nguso niya. Patuloy pa rin siya sa paghahalo ng linuluto nila. Si Iling naman ay sumilip sa orasan na nasa sala at napalingon sa mga kapatid.

"Ay magaalasotso na," anya nito.

"Magpalit na kayo ni Angge, Iling. tatapusin ko na lang to," tugon naman dito ni Maye, patuloy na binabantayan ang niluluto.

"Saan po kayo pupunta, tita?" tanong naman ni Michelle kay Maye, hihigop ng kaunti sa kape, maingat na hindi mapapaso ang labi nito. Nauna na dumiretso sa kwarto si Angge at sinundan naman ito ni Iling.

"Ah, may pupuntahan lang kaming tatlo, dito lang naman kayo di ba? May tv naman dyaan," sabi ni Maye habang iniaalis sa de-uling na kalan ang kalderong lumalakas na ang bango't nalalanghap na ng lahat sa kusina. Pinwesto ito ni Maye sa tabi ng kalan at kumuha ng malaking palanggana sa lalagyan ng mga plato.

AlaSais : Nightfalls at Six (Unfinished)Where stories live. Discover now