Kabanata Isa

1 0 0
                                    

MICHELLE

"Ma?"

"Ma."

"Ma."

"Mama naman eh," nagmamaktol na sabat ni Andy habang padabog siyang pumasok sa kwarto at humiga sa kanyang sariling higaan isang metro ang layo mula sa higaan ng natutulog na si Michelle. Nakaharap ang katawan ng natutulog na dalaga sa kahoy na puting pader na kumupas sa tagal ng panahon at naging kayumanggi na.

Ang pagbulabog nila sa tulog ng dalaga ay dahilan para maputol ang kung ano mang magulong panaginip ang iniinda nito kanina. Naalimpungatan si Michelle, kinurap-kurap ang mga mata habang dumadaing dahil sa ingay. Ramdam nito ang pagbukas ng liwanag ng ilaw sa kisameng humahalik sa pisnge niya.

Ipipikit na sanang muli na Michelle ang mga mata dahil sa ingay ngunit pagkatapos nitong marinig ang agresibong paghila't paghatak ng tela na siguro ay ang kapatid niyang si Andy na binabalot ang sarili sa kumot ay ang biglang malakas na paghampas ng pintuan ng bahay at ang napakaingay na sermong akala mo ay magiging kandidato na sa mga fliptop battle sa internet. Sermon iyon ng ina nilang si Angge.

"Ako pa may kasalanan na nagising ako't nalaman na wala ka sa higaan mo. Konsumisyon ka ah. Alam mo namang aalis na tayo bukas ng probinsiya tapos may paganyan ka pang nalalaman. Akala mo hindi magsasabi sa Anteng na andun ka sa kanila, may pasabi ka pa sa kanyang nagpaalam kang sinungaling ka," bulalas ni Angge habang rinig ang yapak sa kahoy na sahig ng dragon na tsinelas niyang pambahay. Pumasok siya sa kwarto ng magkapatid habang patuloy na dumadada sa kay Andy na lumabas at gumala na naman sa dis-oras ng gabi.

Kahit malakas at matinis ang boses niya ay naririnig pa rin ang mahinang ambon galing sa labas, iyon siguro ang parang statiko ng radyong naririnig ni Michelle na humahalo sa panaginip niyag humina na ngayong nagising na siya.

Makikinig na naman tayo sa panibagong dugtong ng teleseryeng "Bungangaan" ni Nanay. Isip ni Michelle.

Inikot na nito ang katawan niya sa higaan para harapin ang kung ano bang pinagkakaguluhan nang kapatid at nanay niya. Patuloy na dumadaing sa inis si Michelle dahil nasira ang kaniyang tulog.

Ang hugis ni Andy ay nakaumbok sa maputing bulaklakin ni kumot na nakatalikod kay Michelle, nasa higaan na nasa kabilang dulo ng kwarto habang si Angge naman ay nakatayo sa paanan ni Andy. Sa posisyon ng higaan ni Michelle, kitang-kita ang pintuan de mayor sa bukas na pintuan ng kwarto nasa likod ng nanay nila.

Bakat ang pagdaloy ng mga tulo at ambon na humuhugis ang anyo sa mga malalabong jalousie ng bintanang katabi ng pintuan de mayor. Ang mga bintana naman ay bahagyang naliliwanagan ng malamig na ilaw na nanggagaling sa kapitbahay na gustong maliwanag ang masikip nilang balkonahe.

"Ano gusto mo bang magpaiwan bukas? Ay sabihin mo lang, magisa ka dito. Kami lang dalawa ng ate mo sa mga tita mo. Di ka namin iiwanan ng pera o kahit ano dito. Umayos ka Andy akala mo naman kung sino kang siga-siga dito. Umayos ka't pamamahay ko to' kundi't maaako ka sa akin. Alisin mo ang paa mo diyan sa higaan. Di ka pa nga nakapaghugas ng paa galing doon sa tinatambayan mong maputik ipapatong mo diyaan sa punda yang paa mo." dagdag niya pa sa sermon, tinuturo ang ibaba ng katawan ni Andy na umiiwas ng tingin.

"Ano ba yan, Ma?" paiiimbestiga ni Michelle habang naupo ng parang isang modelo sa magazin, dalawang kamay na nakatukod para suportahan ang katawan at mga paang bumabaliko katulad ng isang sirena tumatambay sa ibabaw ng mga batuhan, mga kilay ay nagtatabi, at kaharap ang dalawang di magkabati.

Nakaramdam si Michelle ng pangangating nagmumula sa daliring palasingsingan niya. Ang bigat na nararamdaman niya dito ay ang singsing na ginto na hindi pala naalis nang nakaidlip. Kinamot niya ang gilid ng singsing niya at patuloy na minamasdan si Angge.

AlaSais : Nightfalls at Six (Unfinished)Where stories live. Discover now