Hatid

7.9K 168 22
                                    

"Oh! Dikdikin mo na ito at kailangang ma-iaakyat na sa may bundok iyan bago magtanghali." Narinig kong utos ni Papa sa kanyang nakababatang kapatid na si Tito Melvin.

Hinahanda ni Papa ang libing ni Lolo ngunit hindi ko iyon makita. Pinagbabawal daw sa ibang miyembro ng pamilya liban lamang sa mga anak ang seremonyas ng paghatid sa huling hantungan. Tradisyonal na iyong ginagawa sa pamilya namin at namana pa raw nila sa kanunu-nunuan namin.

Habang abala sila sa likod bahay ay nasa may sala naman sila Mama at nililigpit ang mga gamit ni Lolo. Kailangan din daw pakawalan ang lahat ng pagmamay-ari ng namatay na para hind imaging mabigat dito ang pagsampa sa kabilang buhay.

Mahigpit ang bilin ni Papa na walang ibang pwedeng makakita sa paghahanda lalo na sa mga katulad naming bata. Tunog lamang ng mga hinahasang kutsilyo at mga martilyo ang naririnig namin. Mukhang masigasig talaga ang paghahanda nila at may malaking piging na magaganap sa huling araw ni Lolo sa lupa.

Oo, huling araw niya sa lupa dahil ihahatid na raw nila si Lolo sa langit. Lahat daw ng namatay at mamamatay pa lang sa pamilya namin ay sa langit mapupunta. Si Lolo gaya ng mga nauna na sa kanya ay doon din ang hantungan.

Kahit anong gusto kong masilip ang ginagawa nila Papa ay wala akong magawa kung hindi ang panoorin na lamang sila Mama sa pag-aayos ng mga gamit ni Lolo. Kahit nakakaantok silang panoorin at nakakabingi na ang tunog ng pagpalahaw ni Tita habang tinitiklop ang mga damit ni Lolo ay kailangan kong magtiis.

Maya-maya pa ay pumasok sa loob si Papa. Hawak pa nito ang kutsilyo na ginagamit niya sa pagkatay. Lumapit siya kay Mama at pumatak ang dugo na nasa kamay niya.

"Ano ka ba naman Esteban. Sana naman naghugas ka muna ng kamay. Tumutulo ang dugo oh." Inis na sabi ni Mama.

Kinuha ni Papa ang isa sa mga damit ni Lolo na nagkalat sa sahig at pinunasan ang kutsilyo at kamay niya. Matapos iyon ay ipinunas niya rin ang parehong damit sa pumatak na dugo sa sahig.

"Eh kailangan na kasi namin ang Harina at pampalasa. Tanghali na, baka naman abutan pa tayo ng hapon dito eh hindi pa nahahatid si Tatay."

Dinukot ni Mama ang kanyang pitaka at inabot kay Papa ang perang pambili ng harina.

"Ako pa ba ang bibili? Amoy pawis ako at puno ng dugo ang t-shirt ko." Reklamo nito

Tiningnan ako ni Papa at doon pa lang ay alam ko nang sa a kin na naman iuutos ni Papa ang pagbili. Kahit naman umayaw ako ay hindi p'wede dahil mukhang wala nang ibang mauutusan pa. Ako lamang yata ang nakaupo at walang ginagawa.

"JayJ, punta ka nga muna sa malapit na tindahan at bumili ka ng isang kilong harina at curry powder. Basta sabihin mo condiments. Kahit anong comdiments ang pwedeng magkasya sa binigay ni Mama mo."

Inabot ko ang pera kay Papa. "Basta sa akin ang sukli."

"Ah sya sige na. Basta bilisan mo ha. Baka naman makipaglaro ka pa sa daanan. Nagmamadali tayo. Hindi tayo pwedeng abutan ng hapon at malayo pa ang paghahatidan natin sa Lolo mo."

"Saan ba ililibing si Lolo?" kinulit ko silang muli kahit na ilang beses na nilang sinabing sa langit ihahatdi si Lolo. Para kasing napakahirap paniwalaan na pwedeng ilibing ang isang tao sa langit.

"Sa langit nga. Itigil mo na nga ang pangungulit mong bata ka ha?"

"OPO." Maikli kong sagot at pagkatapos ay nagtatakbo na ako papunta sa tindahan di kalayuan sa bahay nila Lolo.

Walang gaanong tao sa may daan. Halos lahat yata ay naghihintay sa gagawing paghatid kay Lolo. Buti na lamang at bukas ang tindahan na iyon kahit na nakabihis na rin siya ng kulay puting damit na hiniling nila Papa na sana ay isuot ng mga taong sasama at makikipaglibing.

"Ale pabili nga ho ng Harina saka curry powder. Dagdagan niyo rin daw ng mga isasahog sabi ni Papa. Bahala nap o kayo pero dapat may sukli para sa akin." Paalala ko sa tinder. Hindi naman ako papayag na inutusan ngunit walang para sa akin.

"Ipanghahalo ba sa buto?" tanong nito

"Hindi ko ho alam eh. Si Papa lang ho ang nagsabi sa akin."

"Siguro 'yung dati na lang din nilang ginami noong namatay ang Lola mo."

"Sige ho. Basta may sukli ha."

"Oo. Lekat na batang ito."

Sandaling tumalikod ang tinder at inipon sa isang platik ang lahat ng kakailanganin. Kahit na anon a lang yatang madampot ng mga kamay niya ay kinukuha niya basta ba pwede iyong gawing pampalasa. Napaisip tuloy ako kung anong klaseng putahe ba ang inihahanda nila at pwedeng sahugan iyon ng kahit na anong pampalasa.

"Oh ito na. May sukli ka pang beinte tres."

"Yes! Salamat ho Aling Tindera."

Nagtatakbo ako pabalik ng bahay dahil na rin sa mahigpit na bilin ni Papa sa akin na iwasan na ang paglakwatsa at nagmamadali sila. Pagdating ko ng bahay ay naroon pa rin at abala sila Mama sa pag-aayos ng gamit at isinisilid na nila sa kahon. Pati nga ang salamin ni Lolo ay isinama na nila.

"Ma! Dalhin ko na kay Papa?" nagpresinta na ako. Ayaw ko rin namang ma-abala pa sila Tita at Mama sa kanilang ginagawa.

"Hindi na. Bawal ka ngang pumunta doon di ba?" Kinuhan ni Mama ang supot na naglalaman ng mga pinamili ko sa tindahan.

Naiwan sa sala si Titan a panay pa rin ang pag-iyak. Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit ang higpit ng libing ni Lolo ngunit hindi ko magawang sumingit sa kanyang mga pagngawa. Agad ding bumalik si Mama matapos iabot kay Papa ang mga sangkap.

"Magbihis ka na at ihahatid na ang Lolo mo."

"Paano 'yung niluluto? Tapos na?" tanong ko

Nagkatinginan si Tita at Mama. Matapos iyon ay muling nag-iiyak si Titan a mas malakas pa sa iyak nito kanina. Tumango lang si Mama sa akin senyales na handa na ang lahat.

Ilang sandali pa nga ay handa na ang lahat. Buhat na nila ang kahon kung saan nakalagay ang katawan ni Lolo. Hindi na raw sila bumili ng kabaong dahil hindi naman daw kailangan iyon. Tatagal ng limang oras ang paghahatid kay Lolo sa itaas ng bundok. Doon daw karaniwang nilalagak ang mga katawan ng namayapa na

Nagsimula ang paglalakad. Sa simula ay gumamit pa sila ng karo na hinahatak ng dalawang kabayo ngunit nang makarating na kami sa punto na mabato na ay halinghinan na lamang na binuhat nila Papa at ng ibang lalaki ang kahoy na kahon.

Maya-maya pa nga ay narating na namin ang tuktok ng bundok. Isa-isa na kaming lumapit ngunit hindi pinabuksan ang kahon. Matapos iyon ay tumalikod na kami at sila Papa na lamang ang naiwan. Sinilip ko nang huling beses ang lugar na iyon at nakita kong tinanggal na nila Papa ang takip ng kahon at matapos ay umalis na rin. Napaisip tuloy ako kung hahayaan na lamang ganoon ang katawan ni Lolo. Napatingala ako at nakita ko ang napakaraming ibon na umiikot sa itaas, wari'y pinagmamasdan ang bagay na dadagitin.

Pag-uwi namin sa bahay ay isa-isa nang nagpaalam ang mga tao. Inaasahan ko sana na magkakaroon ng malking pagsasalu-salo ngunit wala naman palang naihanda na sa huling araw ni Lolo sila Papa. Nagtaka tuloy ako kung saan ginamit ang mga pinamili kong pansahog at pati na rin ang pagkatay nila Papa.

Pagbalik tuloy nila Papa ay inusisa ko siya.

"Pa. Saan niyo ginamit ang harina?"

"Kailangan iyon ng Lolo mo. Para maihatid siya sa langit."

"Hindi niyo naman siya hinatid eh. Nakita ko iniwan niyo ang katawan sa may bundok."

"Ang mga ibon na ang maghahatid sa kanya." Matalinhaga nitong sagot sa akin.

Mula sa aming bahay ay tanaw mo pa rin ang malaking kumpulan ng mga ibon na lumilipad sa ibabaw ng bundok. Wari'y nagdiriwang sa piyestang nagaganap.

A/N

Ang ganito pong tradisyon ng paglilibing ay isinasagawa ng ilang mga Monghe sa bansang Tibet.  Ang bawat piraso ng namatay kasama na ang butong ginawang pulbos na hinaluan ng curry powder at iba pang pampalasa ay inaalay sa mga gutom na ibon.

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon