Ang Bata sa Kama

14K 307 42
                                    

Kahit limang taon pa lamang ang anak kong babae ay medyo independent na siya. Nakahiwalay na ang kwarto niya sa amin at ayaw na rin niyang binabatayan pa bago matulog. Pero ang lahat ng bagay na iyon ay bigla na lamang nagbago.

Ako si Bubut, isang butihing ama at ito ang kwento ng babae sa kama.

Madalas gabi na akong nakakauwi ng bahay, marami kasing pending na trabaho sa opisina na kailangang tapusin. Pero matamang nag-aabang ang aking mag-anak sa aking pag-uwi. Madalas hinihintay pa nila akong umuwi bago sila kumain. Hindi kami perpektong pamilya pero masaya kami.

Pagkatapos noon ay magpapahinga kami sandali habang nanonood ng telebisyon. Siyempre ang may hawak ng remote ay ang makulit kong anak na si Iya. Isang oras na puro Disney Channel lang yata ang panonoorin namin. Wala naman kaming karapatang magreklamo at kaligayahan na iyon ng bata.

Matapos iyon ay aakyat na kami sa itaas para matulog. Ilang beses ko nang biniro ang anak ko na makikitulog ako sa kwarto niya pero ayaw nitong pumayag. Big girl na raw siya at kaya na raw niyang mag-isa.

Pero isang araw ay umuwi ako na parang takot na takot si Iya. Tinanong ko ang asawa ko at sinabing ganyan na raw ang sinasabi ni Iya kanina pa. Buong araw lang daw itong nasa loob ng kanyang kwarto at paglabas ay takot na takot na at sinasabing may bata sa loob ng Aparador.

"Ano bang bata sa loob ng aparador?" tanong ko sa kanya

"Papa, may bata sa loob ng aparador."

"Hindi pwedeng magkaroon ng bata sa aparador mo at tayong tatlo lang nila mama mo ang nakatira dito." Paliwanag ko sa kanya.

Aktong aakyat sana ako sa itaas ng kwarto para ipakita sa kanya na wala talagang laman ang aparador pero pinigilan ako ng aking asawa at kakain na daw.

"H'wag mo nang pag-aksayahan ng oras, kakain na. Palagi mo na lang pinapasunod ang anak mo kaya nagiging ganyan." Saway nito sa akin

At dahil nagsalita na si Kumander ay wala na tayong magagawa kundi ang umupo na lamang sa harap ng hapag kainan atkumain. Ngunit sa buong gabi na iyon ay nanatiling nakakakapit sa akin si Iya. Ayaw niyang bumitiw at takot na takot. Ramdam ko ang panginginig ng buong katawan niya. Halos hindi nga kami nakakain pareho dahil sa pag-aalala ko sa kanya. Matapos tuloy kaming kumain ay agad kaming umakyat sa kanyang kwarto. Binuksan ko ang aparador para ipakita sa kanya na walang bata sa loob ng aparador. At gaya nga ng inaasahan ay walang laman iyon kung hindi puro damit.

Hindi pa rin nabawaasan ang kanyang pagkatakot. Hinele ko siya hanggang sa makatulog siya at pagkatapos ay ibinaba ko na sa kanyang kama. Kinumutan ko siya at pinatay ang ilaw sabay dumiretso na sa kwarto naming mag-asawa.

"Ano bang nangyayari sa bata?" tanong ko sa asawa ko

"Malay, paglabas niya nga ng kwarto kanina ganyan na iyan. Tinatanong ko, palagi niyang sinasabi na may bata sa aparador. Alangan namang patulan ko ang imagination ng bata, e di sinabi ko walang bata sa aparador. Pinakita ko rin sa kanya na walang bata sa loob pero pinagpipilitan niya pa rin na may bata. Hinayaan ko na."

Ipinagkibit balikat ko na lamang nag nangyari ng gabing iyon. Inisip ko na baka may napanood lamang na nakakatakot na palabas sa telebisyon si Iya o malawak talaga ang imahinasyon nito. Pero nang sumunod na araw ay ganoon pa rin ang reklamo ni Iya. May bata raw sa loob ng aparador, muli ay umakyat kami para ipakita ko sa kanya na walang tao sa loob ng aparador para tumigil lang siya. Nakiusap pa siya na sa kwarto namin matutulog dahil may bata nga raw sa loob ng aparador. Pinagbigyan naman namin at hindi naman ito madalas maglambing sa amin.

Pero dumating ang punto na napuno na ako. Halos araw-araw na lang kasi na ginawa ng Diyos ay palaging ganoon ang reklamo niya. "May bata sa cabinet." Ang akala namin ay lilipas ang takot niyang iyon pero lalo lang lumalala. Napagtaasan ko siya ng boses at natakot yata siya. Nagtatakbo siya papasok ng kanyang kwarto. Nag-sorry naman ako agad sa kanya dahil alam kong nabigla lamang ako.

"Sorry na baby. Nabigla lang si Papa." Alo ko sa kanya

Hindi siya nagsalita at nagtalakbong lang ng kumot. Niyaya naman ako papalabas ng asawa ko at sinabing hayaan munang mag-isa ang bata at hindi nito malalaman na mali siya kung palagi ko na lang siya pinapasunod. Labag sana sa kalooban ko ang iwanan siya pero sa huli ay nagdesisyon na rin akong iwanan siya.

Nagpalipas kami ng ilang oras, pero dahil isa akong ama ay hindi ako mapakali na may sama ng loob sa akin ang aking unica hija. Bumalik ako sa loob ng kwarto para muli siyang kausapin. Naroon pa rin siya sa kanyang kama at nakatalukbong.

"Sorry na baby. Hindi sinasadya ni Papa."

Niyakap ko pa siya kahit na nakatalukbong siya ng kumot. Pero wala pa rin siyang imik. Talaga yatang malaki ang tampo ng bunso ko at ayaw akong pansinin.

"Sige, hindi na kita kukulitin. Pero wala talagang bata sa loob ng aparador mo."

Lumapit ako sa aparador at hinintay ko siyang tanggalin ang nakatalukbong na kumot niya pero sadyang ayaw pa rin niya iyong tanggalin.

"Bunso, tingnan mo bubuksan ko ang aparador ulit. Wala namang bata." Pero wala talaga akong nakuhang tugon mula sa kanya.

Bago ko buksan ang aparador ay may narinig akong parang sumisinghap singhap at umiiyak sa loob nito. Kinabahan ako na baka totoo ngang may bata sa loob ng aparador. Dahan-dahan kong binuksan ang Kabinet at nang mabuksan ko nang tuluyang ay natulala ako sa aking nakita. Nasa loob si Iya at iyak ng iyak, habang tinatakpan ang sariling bibig.

"Anong ginagawa mo dito?" gulat na gulat na tanong ko sa kanya dahil sigurado akong may taong nakatalukbong ng kumot sa may kama.

"Papa! May bata sa ibabaw ng kama."

Pinoy Horror Stories II (Completed)Where stories live. Discover now