Anak

7.9K 183 17
                                    

"Tumigil ka na sa kakaiyak!" pakiusap ng isang ina sa kanyang anak. Habang nakatayo lamang ito sa labas ng pintuan ng isang maliit na kwarto.

Tiningnan niya ang kanyang orasan at nakitang huli na siya sa kanyang trabaho.  Pumasok siyang muli sa kanyang kwarto para kuhanin ang tuwalya at maligo. 

Kahit na tumatapon ang tubig mula sa shower ay rinig na rinig pa rin niya ang matinis na boses ng isang sanggol na tuloy pa rin sa pag-iyak.  Siya naman ay tulong lang sa paliligo na parang hindi na pinapansin ang pag-iyak.

Matapos iyon ay nagbihis na siya at bumaba para mag-almusal. Nagtimpla siya ng kape at ininit ang tasty bread na nasa ref.  Ni hindi niya man lang pinakialaman ang sanggol na diretso lamang sa pagpalahaw.  Tila ba sawang-sawa na siya sa tunog na ito.

Apat na higop sa mainit na kape at saka siya nagmamadaling lumabas ng kanyang bahay.  Pinindot niya ang kandado sa loob ng bahay bago niya kinandado pa ulit sa labas ang bahay.

"Amy!  Umiiyak na naman ba ang anak mo?" tanong ng kanilang kapitbahay na nagwawalis sa kanilang tapat.

Ngumiti na lamang si Amy at hindi na nagsalita.  Nang masilayan siya ng araw ay pansin mo ang pamumutla ng kanyang kutis at ang itim na nakapaligid sa kanyang mga mata senyales na kulang na kulang sa tulog si Amy. 

Pagdating niya sa kanyang opisina ay pumunta siya sa banyo para silipin ang sarili.  Humarap siya sa salamin at  nagpakawala siya ng isang malalim na hininga na parang nadidismaya sa kanyang itsura.  Malaki na ang inihulog ng kanyang timbang.  Nagmukha ring magaspang ang kanyang balat at halatang tumanda na ang kanyang itsura.

Maya-maya habang nakatingin siya sa salamin ay biglang pumasok ang isa niyang kasamahan sa trabaho.  Pinansin nito ang namamagang mata ni Amy at ang magulo nitong buhok.

"H'wag mong sabihin na pinuyat ka na naman ng kaiiyak ng anak mo?"

Tiningnan ni Amy ang kasamahan at nagbuntong hininga. "Ganoon na nga.  Nagrereklamo na nga ata ang mga kapitbahay.  Kanina bago ako pumasok dito, sinalubong ako ng matanda kong kapitbahay at tinanong kung umiiyak na naman ba ang anak ko."

"Anong sinabi mo?"

"Hindi na lang ako sumagot.  Mahirap na. Kakalipat pa lang.  Ang hirap pa namang humanap ng bagong matutuluyan sa panahong ito."

"Humanap ka na kasi ng tutulong sa iyo.  Kung hindi baka kung mapaano ka na niyan.  Ang hirap pumasok sa trabaho ng kulang sa tulog.  Ang laki na ng pinayat mo."

Ipinagkibit-balikat na lamang ni Amy ang sinabi ng katrabaho niya sa opisina.  Tumalikod na siya at dumiretso sa kanyang mesa.  Hinarap niya ang kanyang nakatambak na trabaho ngunit hindi mawala sa isip niya ang sinabi ng ka-trabaho.  Mukhang hindi niya na talaga kakayaning mag-isa ang kanyang anak.  Dati-rati kasi ay magaan niyang natatapos ang kanyang mga trabaho at hindi natatambakan.  Ngayon, palibhasa kulang siya sa enerhiya ay mabagal na siyang kumilos at inaantok pa.  Kanino naman kaya siya hihingi ng tulong?

Maya-maya ay naisip niyang maliligayahan sigurado ang anak kung bibilhan niya ito ng manika.  Marahil ay makakatulong iyon para huminto na ito sa kakaiiyak.  Inisip niyang hindi na muna siya mag-o-overtime ngayon at didiretso na sa mall para bumili ng manika.

Ganoon nga ang ginawa ni Amy,  pumunta siya sa malapit na Department Store at pumunta sa toy section nila.  Nakita niya ang isang maliit na manika na babagay sa anak.  Kinuha niya iyon at sinuri.  Nagsasalita pa iyon ng 'Mama' sa tuwing pipindutin mo ang tiyan ng manika.  Kinuha niya ang manikang iyon at nagdiretso sa counter para magbayad.

Paalis na sana siya nang madaanan niya ang bilihan ng bulaklak.  Napansin niya ang kulay dilaw na rosas at nagandahan siya.  Pumasok siya sandali upang itanong sa saleslady kung magkano ang bulaklak.  Nang malaman niya na sapat pa ang dalang pera niya ay binili niya ang isang bungkos na bulaklak at saka umalis na.

Paglabas niya sa mall ay nadismaya siya na hindi siya agad nakahanap ng saaskyan. Madalang ang mga dumadaan sa lugar na iyon.  Madalas ay may mga abusado pang taxi drayber na lalampasan ka kapag hindi nila gusto ang iyong pupuntahan.  Minsan naman ay ang mga pasahero naman ang mang-iinis sa iyo at aagawan ka ng taksi. 

Sa wakas ay nakakita rin siya ng isang lumang taksi.  Nakabukas ang mga bintana noon, palatandaan na walang aircon ang taksi.

"Saan po tayo Ma'am?" magiliw na tanong ng Drayber.

Binalewala na lamang ni Amy na walang aircon ang taksi at sumakay na.  Kung mag-iinarte pa siya ay baka tuluyan na siyang hindi makasakay.

"Sa North Cemetery po tayo."

Agad pinaandar ng drayber ang sasakyan.  Nagmamadali ito na ihatid si Amy sa lugar at nang makarami naman siya.  Si Amy naman ay malalim ang iniisip, sana naman sa dadalhin niyang ito sa puntod ng anak niya ay tumigil na ito sa kakaiyak.  Hindi naman siya tumigil sa kakahanap ng hustisya sa pagkamatay nito pero sa ngayon ay wala talagang makuhang lead ang pulisya.  Kailangan rin naman niyang mabuhay at magtrabaho lalo na nang umalis ang Mister niya matapos hindi matagalan ang patuloy na pag-iyak ng sanggol.  Bakit ba siya lang kasi ang palaging sinusundan ng mga iyak nito?

Ilang sandali pa ay narating na niya ang sementeryo.  Dumiretso siya sa museleo ng pamilya at inalay sa puntod ng anak ang manika at ang isang bungkos ng bulaklak.

"Anak, hahanap tayo ng hustisya sa pagkamatay mo.  Pero sana sa ngayon, huminto ka muna sa pag-iyak.  Tingnan mo. Dinalhan ka ni Mama ng manika para may kasama ka dito.  Binilhan din kita ng bulaklak.  Sana magtiwala ka kay Mama, mahahanap din natin ang gumawa nito sa iyo."

Nagtagal pa ng ilang minuto doon si Amy bago umuwi.  Nasa kanto pa lamang siya ay natanaw na naman niya ang pakialamera niyang matandang kapitbahay.  Tiyak may itatanong na naman ito sa kanya.  At hindi nga siya nagkamali, wala pa siya sa tapat ng kanyang bahay ay sinasalubong na siya nito.

"Amy, sino bang naiiwan sa inyo para tumingin sa anak mo?  Palagi na lang umiiyak.  Buti nga tumahan na."

"Tumahan na ho?" gulat na tanong ni Amy

"Oo." Maikling sagot ng matanda na nahinto sa paglalakad dahil sa pagtataka.

Nagtatakbong papasok si Amy sa loob ng bahay para kumpirmahin kung totoo ang sinabi ng matandang kapitbahay.  Laking gulat niya na wala na nga ang tunog ng umiiyak na bata ngunit napalitan naman iyon ng ibang tunog.  Sunod-sunod na 'Mama' ang namumutawi sa loob ng kabahayan.  Alam ni Amy ang tunog na iyon, mula iyon sa manika na dinala niya sa puntod ng kanyang anak.


Pinoy Horror Stories II (Completed)Where stories live. Discover now