KABANATA 7

376 32 2
                                    

Malayo pa man, natatanaw na nila ang matayog na arko ng Baranggay San Ildefonso, ngunit bago pa man ang arkong ito'y abot tanaw rin nila ang nakaharang sa kanilang daraanan. Isa itong matandang puno na nakabaladra sa kalye. Hindi naman ito mukhang natumba, bagkus, ay tila sinadyang iharang ito ro'n mula sa tunay na pinagputulan nito. Wala silang pagpipilian kailangan nilang huminto sa pagsapit nila malipit dito.

Bumaba ng sasakyan si Zach, Ambo at Willy.

"Sino naman kaya ang napakabait na naglagay nito rito?" sinisipat-sipat ni Willy ang katawan ng punong triple ng tangkad n'ya ang sukat pahalang.

"Ilang taon na kaya ang punong 'to?" ani Ambo, "sa laki ng katawan nito, 'di lang siguro 'to limandaang taon?"

"This is too huge." Ani Zach. "I don't think the three of us can move this off the road even for a little bit."

"Imposible. Kakailanganin natin ng heavy lifting machine" Pagsang-ayon ni Willy, "pero sino naman kaya ang mananadyang iharang ang ganitong kalaking puno rito?"

"Senyorito!" Pagtawag ni Charisma mula sa bintana ng sasakyan. "Tingnan n'yo po oh!" Nakaturo ito sa malayong kanang gilid ng kalye. Medyo masukal ito, pero nakita naman agad ni Zach ang itinuturo ng dalagita.

Dalawang kotse, isang pampasaherong jeep at isang S.U.V. ang nakakubli sa likod ng sukalan. May mga nakatabon sa mga itong sanga, dayami at mga natuyong dahon.

Nilapitan ito ng tatlong lalaki; gayun din ng dalagita at ni Julia. Habang si Mimosa naman, bagaman nakamasid, ay hindi na bumaba ng sasakyan.

"Shit—" bulong ni Julia habang sinisipat nito ang loob ng isa mga kotse. "I knew it!" Mangiyak-ngiyak ito. "He was here! They lied to me!" Bigla na lang itong naghisterya, "Oh My G—d! This can't be happening!" Mabubuwal na sana ito, pero agad naman itong nasamabot ni Zach.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

"Hey..."bulong dito ni Zach. "What's the matter?"

"This car," humahagulhol na sagot ni Julia. Nakatuon ang tingin nito sa pulang kotse.

"What about this car?"

"This is Mico's car!" halos hindi na nito masambit ang sinasabi sa labis na paghikbi, "Mico!" Biglang pagtawag nito sa kawalan. "Mico!" Na may halong paghagulhol. "Mico!" Na sinundan ng pag-alingawngaw ng kanyang tinig. "Mico!"

***

"Mico!"

Nagulantang ang lahat sa biglaang pagsigaw ni Julia. Napalingon naman ang lahat sa kanya.

"Are you alright?" tanong dito ni Zach.

"Ang aga mo namang bangungutin, hija." Sabi naman ni Mimosa.

Magkakasunod na pinunasan ni Julia ang nagbubutil-butil na pawis sa palibot ng kanyang noo, nguso at leeg. "N-nasa'n na tayo?" tumingin ito sa labas ng bintana. May mga tao na itong natatanaw. May mga babae at lalaking naglalakad. Mayro'n ding mga magsasakang nakasakay sa karitong hila-hila ng kalabaw. Mayro'n din namang iba't ibang grupo ng kabataang abala sa pagkakabit ng banderitas sa kahabaan ng kalye. Kasalubong naman nila ang isang matandang babae na may bibit na bilao ng panindang kakanin sa ulo.

"Narito na tayo sa San Ildefonso." Sagot ni Ambo.

"Ok ka lang, ate Julia?" sinisipat ni Charisma ang pawisang dalaga. "Sino si Mico?"

"H-ha?" umiwas ito ng tingin sa dalagita, "w-wala."

"Akala ko ba parang ghost town dito?" ani Willy, "'Yung kasi ang impresyon ko sa pagkakakwento nitong si Charisma. Eh ang sisigla nga ng mga tao rito oh! Mukhang naghahanda pa nga sa masayang pistahan oh."

Nagkatinginan si Julia at Charisma.

"Ganito rin nung nagpunta ako rito." Malumanay na paglalahad ni Charisma. "Masigla rin sa araw pero ibang-iba naman sa pagsapit ng takipsilim."

Napakunot si Mimosa, "bakit? Anong mayro'n sa pagsapit ng takipsilim dito?

Muling nagtagpo ang mga mata ni Julia at Charisma.

"Kabaligtaran." Halos pabulong na sagot ni Charisma. "Hinding-hindi mo gugustuhing abutin ng dilim sa labas."

***

"Senyorito. Saan ba ikanyo 'yung bahay na tutuluyan natin?" palinga-linga sa paligid si Ambo. "May numero po ba?"

"According dito sa map na ibinigay sa 'kin," sagot naman ni Zach, "sa bahay raw ng mag-asawang Euphemia at Lando Llanarez bago sumapit ang Lambak. Ang problema, hindi yata uso rito ang numero sa mga bahay."

"Kaano-ano n'yo ba 'yun?" pagsingit ni Willy, "kakilala n'yo ba 'yun?"

"Unfortunately, hindi ko sila kilala." Sagot ni Zach, "pero malayong kamag-anak daw ni Mama 'yung babae."

"Ok lang po ba sa kanila na napakarami natin na makikituloy sa bahay nila?" tanong ni Ambo, "ilan tayo. Isa..dalawa...anim tayo. Kasya kaya tayo?"

"Magkakasya siguro tayo." Pagsingit ni Mimosa, "kung sasabit na lang kayo ni Willy sa puno para matulog." Pabiro naman ito.

Natawa si Willy, "si ate Mimosa oh, nakalabas lang ng lungga, marunong nang mag-joke." Tinapik nito sa balikat si Mimosa; magkatabi lang kasi sila nito. "Basta sa susunod 'te, kapag nag-joke ka, 'yung nakakatawa talaga, ha? Kung hindi naman, tulad ngayon, sabihan mo man lang kami ni Ambo kung kailan kami dapat tumawa. Para naman hindi langawin ang paninda mo, 'no 'te?"

Binatukan muna ni Mimosa si Willy, "'tanga, 'di joke 'yon!" Bagaman itinatago nito ang pagtawa, "sa puno talaga kayo matutulog ni Ambo. Tutal, pareho naman kayong mukhang Maligno."

"Napakaguwapong maligno naman namin ni pareng Ambo, 'te!" natatawang sagot ni Willy, "ang sabihin mo, baka pagkaguluhan kami ng mga Diwata sa lugar na 'to."

"Diwata..." paismid na reaksyon ni Mimosa, "anong Diwata? Baka mga Tiyanak o mga Nuno sa Punso pa. Huwag kayong mag-alala, kapag gusto nila kayong kunin, ibibigay ko kayo nang buong puso. At sasamahan ko po ng iba pang pang-alay para hindi na kayo isauli."

Humalakhak si Ambo. Nakangiting napapailing naman si Zach.

"Oy 'wag kang magbiro ng ganyan, ate Mimosa. Kapag nawala kami ni Ambo, pa'no kayo makakauwi pabalik sa Maynila, aber?"

"Ayan o, si Zachary!" Inginunguso ni Mimosa ang alaga, "marunong naman 'yan magmaneho 'no. Kaya kayong dalawa, 'wag kayong loloko-loko r'yan ha? Lalo ka na!" Piningot nito ang kaliwang tenga ni Willy.

Nakangusong hinaplos ni Willy ang tengang napingot, "oh bakit ako na naman? Bakit si Ambo, hindi mo pinipingot? Oy ha, ate ha? May favoritism ka ha! Mas kras mo si Ambo 'no?" nagtama ang mga mata nila ni Ambo sa rear view mirror; kinindatan ito ni Willy. "Kunsabagay, bagay kayo. Kaya kung ako sa 'yo ate Mimosa, gagapangin ko na 'tong si pareng Ambo mamayang gabi, bago ka maunahan ng mga Engkanto rito sa San Ildefonso."

"Kuya Willy," biglang pagsingit ni Charisma. "'Wag n'yong gawing katatawanan ang mga Engkanto sa lugar na 'to. Alam n'yo bang naririnig nila tayo?"

"Naririnig?" kunot-noong tanong ni Willy sa dalagita, "anong ibig mong sabihin?"

"Akala n'yo lang wala, kasi, hindi natin sila nakikita, pero, nakamasid silang lahat sa 'tin." Napapasulyap ito kay Julia—wala namang bakas ng 'di pagsang-ayon sa sinasabi n'ya ang dalaga. "The moment na nakapasok tayo sa baryong ito. "Wala na tayong maaaring isikreto."

"Weh," reaksyon ni Willy. "Hindi nga?"

"Oo 'no..." sagot naman ni Charisma rito.

"Tsss... alam n'yo," ani Willy, "nagbibiro lang ako sa inyo ngayon para sumaya naman tayo. Pero ang totoo... hindi talaga ako naniniwala sa mga nilalang na ganyan. Mga kathang isip lang 'yan na ginagawan lang ng k'wento ng mga taong malilikot ang pag-iisip. Lalo na 'yung mga taga probinsyang tulad nito na mukhang hindi pa gaanong naabot ng internet at makabagong teknolohiya at komunikasyon. Pantanggal bagot nila ang mga ganyang k'wento o 'di kaya nama'y panakot lang sa mga kabataang mahilig maglakwatsa sa gabi."

"Ewan ko sa 'yo,"pagmamaktol ni Charisma. "Tingnan na lang natin kung ganyan pa rin ang magiging paniniwala mo ilang araw mula ngayon."

[ITUTULOY] 

MHST 2:  TagosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon