UMPISA

2.2K 102 3
                                    

Kapistahan, araw ng kasiyahan sa buong bayan mula sa unti-unting pagdungaw ng haring araw sa umaga—na siya ring pagmumulan ng santing ng init sa katanghalian hanggang sa muli nitong pamamahinga sa pagsapit ng takipsilim.

Maaliwalas ang bawat mukha, kahali-halina ang bawat ngiti, tulad ng maayang pagwagayway ng makukulay na banderitas na kahabaan ng mga kalye at sa bawat tarangkahan. Walang pagsidlan ang pagkasabik ng bawat mamamayan ng San Ildefonso. Ito ang pinakahihintay nilang okasyon taon-taon. Mula sa pagkatay ng mga hayup at sa sama-samang paghahanda at paggagayat ng mga sahog, walang humpay ang kuwentuhan at halakhakan ng mga nanunulungan habang nagbabantay ng litson, at naghahalo ng mababangong putahe sa bawat kawa.

Anumang estado ng bawat tao; mayaman man o hikahos. Ito ang araw na tila pantay-pantay lang ang lahat. Ang handa sa bawat tahanan, maliit man o malaki, magarbo man o hindi, ay bukas para sa mga bisita mula sa ibang bayan; sa matatanda at mga bata, sa mga dayo at karatig baryo; kakilala man o hindi, ang nakahayin ay para sa lahat.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Wala mang ipinagkaiba ang parada noong kabilang taon, nagbabantay pa rin ang mga tao sa tabi ng kalsada na wari'y hindi pa nila ito nakita noon. Nagpapalakpakan ang mga nakaabang kaalinsabay ng tambol ng musiko habang nakikigaya naman ang mga kabataan sa pagmamanipula ng mga majorette sa kanilang mga baton. May mga kumakaway sa mga hermano at hermanang nakabihis nang magagarang baro't saya, habang ang mga deboto nama'y namamangha sa mga pinupoong mga imahe mula sa simbahan at sa mga pribadong nagmamay-ari.

Nagkalat din ang iba't ibang nangangalakal na may sari-saring inilalakong paninda. Mula sa mga tradisyunal na pagkain hanggang sa mumurahing mga laruan, ang lahat ay nakakahanap ng mga taong tumatangkilik.

Sa pagsapit ng gabi, katulad pa rin ng dati, pabortong huntahan ng mga kabataan ang perya, kung saan sila nakapaglalaro at nakapaglilibang; nakapanonood ng sari-saring palabas at nakasasakay sa iba't ibang uri ng rides. At sa ganitong pagkakataon, hindi na bago ang ingay mula sa sabay-sabay na pagpapatugtog ng sari-saring musika, maging ang pagtitilian ng mga nakasakay sa Roller Coaster, Horror Train at Ferris Wheel, at ng malakas na tinig ng mga emcee gamit ang kani-kanilang mga mikropono sa kani-kanilang mga booths at entablado.

"Uy may mga freak shows do'n oh!" Wika ng isang dalagita sa kanyang mga kasamahan. "Taong Unggoy." Pagbasa nito sa karatula sa labas ng booth.

"Sige, tara!" Sagot ng mga kasama n'ya.

"Ewww...kadiri!"

Sabi naman ng mga pumasok sa sumunod na booth. Sila itong nagbayad upang makapanood ng nakadidiring pagkain ng isang babae sa isang buhay na manok, pero sila rin itong nagtataklob ng mga mata at nasusuka habang sinasasaid ng kanilang paninanonood ang dugo ng buhay na hayup.

"Ano ba 'yan, fake naman 'yung buntot eh!" Pamimintas naman ng mga nagsipasok sa booth ng diumano'y tunay na Sirena. "Hmp. Tayo na nga. Sayang ang ibinayad natin dito. Do'n na lang tayo sa 'Taong Sawa' sa kabila!" Hinatak nito ang mga kasama.

Okupado ang bawat tao sa perya. Ang lahat, may nakikita. Ang bawat isa, may pinagkakaabalahan. Ang lahat ay tila nasilo ng isang pansamantalang mundo. Animo'y mga nabihag at na-engkanto. Walang nais umuwi agad. Nagpapaikot-ikot hanggang sa mahilo at mapagod; o hanggang sa masaid ang perang sadyang nakatalaga upang lustayin sa lugar na 'yun.

"Si Emma? Nasa'n si Emma?" tanong ng isang babae sa pitong kabataang babae at lalaking kalalabas lang ng peryahan.

"Kanina pa nga po namin hinahanap eh." Sagot ng isa sa tatlong dalagita.

"Hindi na nga po kami nakasakay sa mga rides sa kahahanap sa kanya." Dagdag naman ng isa sa apat na binatilyo.

"Kalahating oras na po naming iniikot ang buong peryahan." Pagsabat ng isa sa mga dalagita. "Lumabas na nga lang po kami kasi baka po kako narito na po s'ya sa labas."

MHST 2:  TagosWhere stories live. Discover now