“Sige. Enjoy kayo,” nakangiting sambit ni Kylo kanila Reena at Levi saka sumunod kay Rai na excited na excited nang lumabas.


Bumilis ang tibok ng puso ni Reena nang paglingon niya sa direksyon ni Levi ay ang lapit na nito sa kaniya.


“Anong gusto mo?” abot ni Levi ng menu sa dalaga pero imbis na tumingin sa menu ay nanatiling nakatitig si Reena sa kaniya.


“Ikaw,” sagot ni Reena habang nakatitig kay Levi, wala sa sarili. Masyado siyang abala sa pagtitig sa magagandang mata ni Levi na hindi man lang tumitingin sa direksyon niya.


“Eggs Benedict sa akin,” ani Levi kaya nabalik si Reena sa katinuan.


GAGI?? Sinabi kong siya ang gusto ko??? Buti na lang hindi niya na-gets!


U-Uh... saan ‘yun?” tanong ni Reena at sa wakas ay tumingin na rin sa menu. Tinuro ni Levi ang order nito at naglakad na papunta sa telepono.


“‘Yun... ‘yun na lang din sa akin,” saad ni Reena. Hindi na sumagot si Levi at nag-order na para sa room service.


Nang dumating ang pagkain nila ay kumain sila nang tahimik. Gusto nang kunin ni Reena ang pagkakataon upang mapalapit kay Levi kaya naman nag-isip siya ng mapag-uusapan.


“Levi, anong—”


“Hindi natin kailangang mag-usap.”


Natigilan si Reena at napatitig na lang kay Levi habang nagsasalita ito.


“Kung hindi ka komportableng kumain nang may kasama pero hindi nag-uusap, puwede akong lumipat sa balkonahe,” diretsang wika ni Levi nang hindi man lang tumitingin sa kaniya. Abala ito sa pagtinidor sa pagkaing nasa harap.


“H-Hindi... ayos lang. Diyan ka lang,” naiilang na ani Reena at kumain na lang din.


Pagkatapos kumain ay iniwan na rin ni Levi si Reena na kumakain pa sa lamesa. Pumunta siya sa balkonahe para pagmasdan ang view mula sa kuwarto nila pero napasimangot siya lalo nang makita sina Rai at Kylo sa baba. Nagtatakbuhan ang dalawa sa garden, naghahabulan pa nga yata. Hindi naririnig ni Levi pero alam niyang tawa nang tawa ang dalawa dahil kitang-kita niya ito.


Rai often smiles but he has never seen her this happy. Is she that happy with that dumbo?


Pagkatapos kumain ay tumabi si Reena kay Levi na hindi man lang nito napansin dahil abala itong mainis. Napansin ni Reena na may tinititigan si Levi kaya tiningnan din niya ito at napangiti nang makita sina Rai at Kylo na nagkukulitan. Nakakuha ng stick si Rai sa lapag at hinabol si Kylo habang hawak-hawak iyon. Natawa si Reena sa nakita pero kahit na lumikha na siya ng tunog ay hindi pa rin siya pansin ni Levi sa dami ng iniisip nito.


“Ang cute nila,” nasabi ni Reena habang natatawa sa dalawang naghahabulan pa rin. Nagulat na lang siya nang biglang parang bagyong umalis nang mabilisan si Levi. Sinundan na lang niya ito ng tingin hanggang sa mawala ito sa paningin niya. Narinig niyang lumabas ito kaya naman binalik na niya ang tingin kanila Rai at Kylo na nag-eespadahan gamit ang mga tangkay.


Pagbaba ni Levi ay dire-diretso siyang naglakad papunta sa garden kung saan agad niyang nakita sina Rai at Kylo na nagtutusukan ng kahoy habang nagtatawanan. Hindi ba sumasakit ang pisngi’t panga nila sa katatawa?


“Rai!” tawag ni Levi kaya napalingon sa kaniya si Rai. Hindi nito napansin na patusok sa kaniya si Kylo kaya hindi siya nakaiwas.


Ouch!” lingon ni Rai sa braso niyang natamaan ng kahoy.


Rewrite The StarsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon