Pangatlo

1 0 0
                                    


"Isa ka bang immortal o spy?"

Napakamot ako sa likod ng aking tainga sa dami ng gadgets na nakalatag sa lamesa.

"We can't do this mission the old way. Tsaka mas advance ang technology namin sa Puragohoya kaysa dito sa mundo ninyo," puno ng kayabangan ang tono ni Sedan.

Tinaasan ko siya ng kilay. E 'di kayo na ang magaling.

Hawak niya ang isang kwadradong bagay. Kulay itim at puro screen. Mukhang cellphone ito pero mas manipis.

Pinindot niya ang umiilaw na pulang buton at lumabas ang salitang "Allowed Access" na mayroong berdeng mga letra.

"Savior Meter ang tawag dito. Tutunog at lalabas sa screen nito ang litrato, pangalan at mga detalye ng taong kailangan nating iligtas." Kinuha niya ang isa at iniabot sa akin iyon. "Ito ang sa'yo."

Itinuro niya ang umiilaw na buton para pindotin ko rin. Lumabas ang "Allowed Access" na salita, sunod ay ang litrato at pangalan ko.

"Pagbati mula sa samahan ng mga Melemeros. Mainit na pagtanggap, binibining Mian."

Nakalaglag ang panga ko nang banggitin nito ang pangalan ko.

"Paano ako nakilala? Wala pa namang registration."

"Sinabi ko na sa'yo, mas una ang teknolohiya namin kaysa sa inyo."

Inalis ko ang bumabara sa aking lalamunan at ipinagsiklop ang mga braso.

"May cellphone rin naman kami rito," pagbawi ko.

Inaayos niya ang iba pang mga gamit na hindi ko alam kung para saan.

"Sa misyon na ito. Kailangan natin makapagligtas ng sampung buhay. Ang magiging tanda kung nakaka-ilan na tayo ay ang pulseras na 'to," he gives me a gold bangle bracelet. Mayroon itong itim na guhit na parang isang panukat. May bilang ito na isa hanggang sampu.

"Iilaw ng asul ang bahaging ito," turo niya sa sinisipat kong parte. "Tuwing may matutulungan tayo ay tatapat ito sa mga bilang kung nakakailan na tayo."

Isinuot niya iyon sa aking braso at tama lang ang sukat nito sa akin.

Bukod sa dalawang gadyet ay wala na muna siyang pinakilala sa akin. Masyado pa raw komplikado ang mga ito at aayusin niya muna. Di ko na lang siya pinansin at nagluto na lamang ng hapunan.

"Oh! At bakit ka uupo?, inimbitahan ba kitang kumain."

"Damot mo, makikikain lang. Ano ba ulam?"

Hindi niya pinansin ang sama ng tingin ko at patuloy na umupo sa aking upuan at hinawakan ang kobyertos. Para sa akin ang hinain ko na 'yon. Naghain na lamang ako ng panibago at hinayaan siya. Marami-rami naman ang niluto ko, kaya kasya sa'ming dalawa.

"Kumakain ka rin pala ng mga pagkain ng mortal," sabi ko habang nakatitig sa kanya na sarap na sarap sa luto ko.

"Ano ba sa tingin mo ang kinakain namin? Ganito rin naman ang pagkain sa Puragohoya. Mas natural lang ang mga sangkap at mas masustansya ang inihahain," sagot niya na 'di tumitingin sa akin.

"Malay ko sa kainakain ninyo. Mamaya, dugo, insekto, hilaw na karne, o kaya tao pala ang trip niyo."

Umangat ang tingin niya sa akin at nagtama ang mga mata namin. Nakakunot ang kanyang mga noo na parang na wi-wirdohan sa mga sinabi ko.

"Kakaibang elemento ako, hindi halimaw. Tsaka, bakit kami kakain ng tao? 'Di ba't misyon kong magligtas ng mga mortal," umiiling siyang bumalik ang tingin sa pagkain.

"Sorry na ha?, kasi hindi ko alam." Pabalang kong sabi. "Malay ko sa inyo, ngayon lang naman ako nakasalamuha ng tulad mo," dagdag kong bulong.

Naabutan kong nakatingin siya sa akin ngunit umiwas din ng tingin. Kumuha siya ng panyo galing sa kanyang bulsa at pinunasan ang kanyang bibig saka umayos ng upo.

"Ang mundo mo ay wangis din ng mundo ko. Mas maayos lamang doon kumpara dito. Sa mundo mo ay magkahalo ang kabutihan at kasamaan. Sa mundo ng Puragohoya nahahati ito sa dalawang parte, ang Marahuyo at Erhiyo. Sa Marahuyo ay wala nang sakit, purong kasiyahan, pagdiriwang at pagiging positibo ang naroon, sa Erhiyo naman ay puno ng kadiliman at kaparusahan. ngunit may lihim na parte roon na tulad kong Melemeros lang ang may alam. Ito ay ang Hermeya lugar kung saan nililitis ang mga kaluluwa. Pinaghihiwalay ang mga Puro, Malabo at Madilim na mga kaluluwa. Puro ang mga kaluluwang nabuhay ng patas dito sa mundo ninyo at nagkalat ng mga positibong enerhiya at mga gawain, sila ang pinapadala sa paraiso ng Marahuyo. Madilim ang tawag sa mga kaluluwang magkakamit ng masidhi at panghabangbuhay na parusa, kapalit ng mga maling nagawa nila sa mundo ninyo, sila naman ang nasa ilalim na parte ng Erhiyo. Malabo naman ang tawag sa mga kaluluwang nasa gitna ng Puro at Madilim. Sila iyong kailangan ng mas malalim na paglilitis. Pagkatapos litisin ay sila itong hahatulan kung saang pangkat sila mapapasama, kung sa Puro o Madilim. Naiipon ang mga kaluluwang Malabo sa kulungan ng Hermeya dahil inaabot ng matagal ang paglilitis sa kanila, kung kaya't nautusan akong magligtas ng mga mortal upang hindi lahat maipon doon. Para na rin mabigyan ng tyansa na magbago ang mga tao at ipagpatuloy ang buhay nila."

Nakatutok lamang ang mga mata ko habang nagkukwento siya. Ibinaba ko ang aking mata sa kutsara kong umiikot-ikot sa aking pinggan.

"Saan nakabilang ang aking kapatid?" Tanong ko na hindi umaangat ang tingin. Parang may nakabarang kung ano sa aking lalamunan pero nagawa kong tapusin ang tanong ng maayos.

"Sa grupo ng malabo siya nakahanay, nakakulong sila sa isang silid na puti ang ding-ding, kisame, kama at lahat ng bagay. Nandoon ang mga kailangan nila pero hindi sila malaya."

"Parang silang mga preso?" Tumango siya at lumingon sa akin.

Buong buhay ni Lian, namuhay siyang patas sa mundo kahit na mahirap at ang mundo mismo ang hindi patas. Dahil lang sa isang pagkakamali, kahit sa kabilang buhay ay pahihirapan siya. Mukhang hindi naman makatarungan 'yon! Hindi ba nila pwedeng litisin ang mas maraming magandang ginawa niya kumpara sa isang pagkakamali lang.

"Ang pagkitil sa sariling buhay ay isang malaking kasalanan sa mata ng Diyatro, ito ang dahilan kung bakit kailangan siyang litisin."

Kumuyom ang kamay ko. Ako ang may kasalanan kung bakit siya nandoon. Kung hindi ko inubos ang oras sa pagtatrabaho at binigyan ko ng oras at gabay ang kapatid ko ay hindi mangyayari 'to. Ni hindi ko man lang kasi siya nakumusta, natanong kung meron man siyang dinadalang problema. I was caught up chasing financial stability for both of us. Nakalimutan kong may iba pa nga pala siyang pangangailangan, na kailangan niya ng ate na magbibigay suporta at pagmamahal. I forgot to be his sister.

Inilapag ni Sedan ang isang rolyo ng tissue. Nakapatong ito sa ibabaw ng divider kanina. Hindi ko napasin na tumayo siya para kunin 'to. Kumuha ako ng isa at pinunasan ang takas na luha.

"I'll help you move him out from there. Sisiguraduhin ko rin na mapupunta siya sa grupo ng Puro."

Umangat ang tingin ko sa kanya. Seryoso ang mga mata niyang nakatingin sa'kin. Walang bahid ng pagsisinungaling. Ramdam kong maganda ang intensyon niya.

"Pero inaasahan ko na tutulungan mo rin ako, bilang kapalit."

Tumango ako at ngumiti.

Ito siguro ang dahilan ng Diyatro kung bakit ako ang pinili niya para tulungan si Sedan. Para na rin matulungan ko ang kapatid kong si Lian.

Tumunog at umilaw ang kwadradong bagay na iniabot niya sa akin kanina. Sabay namin kinuha iyon.

"Ito na ang una nating misyon."

Trigger warning: Rape, Suicide

Tinignan ko ang screen nito. May litrato ito ng isang babae sa kaliwang itaas na bahagi. Naroon ang pangalan, address, trabaho, edad at iba pang detalye tungkol sa kanya.

"She was raped, so she tried to kill herself a lot of times."

Pagbasa ni Sedan na sinusundan ko naman dahil nakasulat din ito sa mga detalye.

"Oriel Olaño," mabigat ang dibdib ko sa pagbasa nito. Naiwang may maliit na awang sa labi ko. "Katrabaho ko siya."



-itsgoodenough

Life & StormsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon