Chapter 26 - Like Brother, Like Sister

Magsimula sa umpisa
                                    

Pagkatapos palitan ang diaper ng baby ay binuhat ko ito at inilabas ng kuwarto. Agad kong napansin ang bukas na silid ni Rico at ng bagong yaya ni baby Gab. Walang tao.

Nasaan kaya ang Ailene na 'yun? Si Rico, 'di pa ba umuuwi? Magkapatid nga talaga ang dalawang ito? Pareho yata konsumisyon ang dadalhin sa akin!

Ipinagtimpla ko na lang ng gatas si baby Gab pagkatapos ay naghanda na rin ako ng makakain. Kumakain na ako nang may kumatok sa pinto.

Ine-expect ko nang isa kina Rico at Ailene ang dumating at hindi nga ako nagkamali dahil tumambad sa akin si Rico pagbukas ko ng pinto.

Magulo ang buhok ni Rico, napansin ko. Namumula rin ang mata. Parang bangag.

Hindi ako pinansin ni Rico. Diretso itong pumasok sa kuwarto nila ni Ailene at nahiga sa kama. Bumalik ako sa kusina at itinuloy ko ang pagkain.

Nang matapos ay hinugasan ko ang mga plato at pumasok na ako sa kuwarto ko. Andun si baby Gab. Gising at nilalaro ang bote niyang wala nang laman.

Mag-aalas-diez na ng umaga. Wala pa rin si Ailene. Nasaan kaya ang babaing 'yun?

Naalala ko si Rob. Di man lang ito nagreply sa mga text message ko. Wala ring tawag. Ah, galit pa rin talaga siya akin. Hindi pa rin niya maintindihan na ginawa ko ito para sa kapakanan ni baby Gab.

Nang makatulog si baby Gab ay nagpasya akong maglaba. Madali lang naman ito, isasalang lang sa washing machine. Bukas ay balik opisina na ako pagkatapos ng isang buong linggo ng pagyayaya kay baby Gab. Haay, na-miss ko ang trabaho. Pero aaminin ko, mas nami-miss ko si Rob.

Matatapos na akong maglaba nang dumating si Ailene. Mag-aalas-dose na no'n.

"Saan ka galing?" tanong ko sa kanya nang buksan ko ang pinto.

"Diyan lang sa kapitbahay, naglaro ng bingo," kaswal na sagot nito.

"Umaga pa lang wala ka na rito, nag-bingo ka lang pala."

"Tulog pa kasi kayo. Eh, naiinip ako kaya lumabas muna ako. At saka linggo naman. 'Di ba day off ko ang linggo?"

"Sinong nagsabi sa'yong day off mo ang linggo?"

"Si kuya."

"Okay ah, 'di ka pa nag-uumpisa ng trabaho day off na kaagad."

"Eh, Sabado kasi ako pinapunta ni kuya rito. Sabi ko nga sa kanya Lunes na lang para umpisa na agad ng trabaho. Makulit siya, eh. Kasalanan ko ba na day off ko ngayon?"

"Andyan sa kuwarto ang kuya mo. Gisingin mo at kumain na kayo. May pagkain na sa kusina." Iyon lang at tinalikuran ko na si Ailene. Bumalik na ako sa binabanlawang labada ko bago pa ako tuluyang makunsumi sa ugali ng Ailene na 'to.

Nang matapos ay isinampay ko ang mga nilabhang damit. Hindi ko nakitang kumain si Ailene. Nagkulong lang din ito sa kuwarto. Marahil tulog pa rin si Rico.

Papasok na ako sa kuwarto ng lumabas ng silid si Ailene.

"Kakain na ako," sabi nito.

Diretso na akong pumasok sa silid.

ROB'S POV

SA OSPITAL ako nagpalipas ng buong magdamag. Sinabihan ko si Tita Minda na umuwi muna para makapagpahinga at kahit ayaw niyang pumayag noong una ay nakumbinse ko rin siya. Nakatanggap ako ng text message mula kay Pau kagabi na sinundan ng tawag na hindi ko rin sinagot. Ewan ko, hindi ko pa alam kung kelan ang tamang panahon para magkausap kami. Habang hindi niya pinalalayas si Rico sa bahay, malabong bumalik ako roon. Kahit sinabi ko sa kanyang mahal na mahal ko siya, malinaw na sinabi ko ring ayoko ng magulong relasyon. Si Rico ang nagpapagulo ng relasyon namin kaya dapat siyang umalis sa bahay. Pero dahil nga ayaw niyang i-give up si baby Gab, ako na lang muna ang magpaparaya.

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon