00

1 0 0
                                    

History class namin, unang raw matapos ang araw ng kalayaan. June 13, 2022- araw kung kelan nagsimulang magkaroon ng kaguluhan sa mapayapa kong mundo. Joke. Magulo talaga buhay ko at ginulo nyang lalo.

"Calithea Vergel, 16, from Lipa City." Matipid na aniya gamit ang buong boses. Nagpakawala sya ng isang tipid na ngiti na agad umani ng bulungan.

Napatulala ako sa kanya.

Kulay abong mga mata na pinaresan ng makakapal na kilay at mapipilantik na pilik mata. Maliit ngunit matangos na ilong. At ang mga labi nya, namumula iyon at hugis pana ni kupido. Sa kabuuan ng kanyang mukha ay kapansin- pansin ang maya't mayang pagtaas ng kilay at tila nanunuring mga mata. Isama pa ang hapit sa anit na pagkakatali ng buhok nya at tindig na nag-uumapaw sa kumpyansa at tiwala sa sarili. Ngunit hindi talaga maipagkakaila na napakaganda nya sa kabila ng istrikta at masungit na aura.

Agad akong napailing- iling at yumuko na lamang muli sa binabasang libro.

Masyadong maganda upang maabot.

"You can sit down on any vacant seats on the back, Miss Vergel." Rinig kong sabi sa kanya ng guro namin.

May bulungan pa rin akong naririnig sa mga kaklase ko na nagsasabing maganda nga ang bago naming kaklase ngunit mukhang suplada.

"Is this seat taken?"

Agaran ang pagtingin ko sa babaeng kanina lamang ay tinititigan ko sa unahan na sa isang iglap ay nasa gilid ko na. Muntik na naman akong mapatulala dahil talagang maganda sya lalo na sa ganito kalapit na distansya.

"May nakaupo ba?" Magkasalubong na ang kilay na tanong ulit nya.

Napakurap kurap tuloy ako at nagsunod sunod ang iling.

"W-wala." Ani ko sabay yukong muli.

Sa lahat ba talaga ng pagkakataon ay ganito ako? Tsk, palagi na lang nauutal. Sakit ko na ata ang mautal o mabulol kapag kinakausap kaya naman hindi ko gusto ang makipagsocialize. Laging nasa gilid lamang at tahimik na nagbabasa. Bukod roon ay ayoko sa ingay. Naririndi ako. Maingay na nga sa utak ko tapos dadagdan pa ng paligid, pano na lang ang kapayapaang hinahangad ko di ba?

Naramdaman ko ang pag- upo nya sa tabi ko, pati na ang pag- aayos ng gamit nya sa mesa ngunit hindi ko na sya pinagkaabalahang tapunan ng tingin muli. Matutulala lang kase ako. Dagdag kahihiyan na naman.

Sa buong ikalawang semestre ng grade 10 days ko ay katabi ko sya. Madalas nya kong nahuhuling nakatingin sa kanya ngunit ni minsan ay hindi kami nagkaroon ng interaksyon. Ah, maliban pala sa kinulang sa haba na 'thank you' kapag nahuhulog nya ang gamit nya at tinutulungan ko syang abutin yun sapagkat mas malapit sa pwesto ko o di kaya'y ang isang beses nyang 'good morning' na nagpatulala sakin lalo na at nakangiti sya non. Aminin ko man o hindi, alam kong humahanga ako sa kanya. Bukod kase sa maganda ay napakatalino nya. Hindi ata lumilipas ang araw ng klase na hindi sya nagpaparticipate sa recitations at hindi bumababa sa limang mali ang nakukuha nya sa bawat quizzes at tests. Madalas ay perfect scores sya. Sa mga reportings? Da bes din sya. Seryoso at talagang lumalabas ang pagiging intimidating nya kapag nasa unahan sya. Lahat tuloy ay tahimik at nakikinig ng husto.

Masyadong matalino upang maabot.

Sa isang tulad kong wala na nga sa average ang estado, malabong maging kaibigan o kahit malapit sa kanya. Hindi ako matalino, nakakapasa lang. Hindi gwapo, may mukha lang. At mas lalong hindi ako yung tipo ng taong babagay sa isang tulad nya.

"Nakita nyo ba yung kotse sa may gate kahapon? Grabe ang ganda, beh!"

"Eh? Gago, kanino yun?"

"Hindi ko alam pero nakita kong sumakay si Calithea dun. Tangina, maganda at matalino na nga, mayaman pa!"

Iniyuko kong lalo ang ulo matapos marinig iyon mula sa mga kaklase. Bumuntong hininga ako pagkatapos ay tinuloy ang naudlot na pagpasok sa classroom. Nagtuloy tuloy ako sa likurang bahagi at naupo. Inilabas ko ang notebook at ballpen saka ginawa ang takdang aralin na nakalimutan kong gawin kagabi.

"Ayan na si Calithea."

"Hi, Cali!"

Madalas talaga syang bigyang pansin ng mga kaklase namin lalo na ng mga lalaki. Paniguradong humahanga din sa kanyang tulad ko. Mas may lakas nga lang sila ng loob na magpapansin di kagaya ko na ni hindi nga magawang lumingon sa kanya ng matagal dahil nakakahiya at baka mahuli nya ko. Mahalata pang simula day one nang paglipat nya sa school namin eh crush ko na sya.

Tatanguan lang naman nya ang mga bumabati, minsan pa'y hindi man lang tatapunan ng tingin at didiretso lang sa katabing upuan ko. Minsan nga iniisip ko na dapat sana hindi ko na lang sya naging katabi kase ang hirap nyang titigan dahil nga masyadong malapit sya sa akin. Kung malayo sana edi kahit likod or gilid nya ay malaya kong matititigan. Idagdag pa na kabado ako kaya muka tuloy akong tuod na nakatuon lang ang tingin sa unahan o sa ibang direksyon maliban sa kung nasan sya, sa tabi ko.

Ang usapan ukol sa pagiging mayaman nya ay humupa rin. Nasanay na rin kase sila sa palagiang pagpapakita ng kulay itim na kotse sa harap ng gate kung saan sya bumababa at sumasakay tuwing umaga at uwian. Ilang beses ko rin yung nakita at napapatitig na lang ako habang kinakain ng lungkot habang patuloy na naman sa pag- iingay ang isip ko.

Masyadong mataas upang maabot.

Napakataas nya. Tila isa syang bituin na maningning at ako ay isang hamak na tagapagmasid habang nakatingala sa kanya, nakataas ang palad na para bang magagawa niyong maabot ang isang tulad nya. Mananatili na lang siguro akong magnanakaw ng sulyap sa kanya. Ngingiti at bubulong ng 'congrats' kapag may panibago syang naabot dahil hindi ko kailanman maisasatinig iyon.

Ngunit iyon ang akala ko. Alam kong mali ngunit sa tatlong salita at labing- apat na letra ay natibag ang paniniwala ko. Nabuhayan ako ng pag- asa. Pakiramdam ko'y lumapit ang talang tinitingala ko lamang.

Siguro'y pupwede namang maabot.

Tapos na ang moving up ceremony namin at handa na akong maglakad pauwi, bitbit ang diploma. Nagkakagulo pa ang iba dahil sa pagkuha ng litrato at pagbabatian sa bawat isa ngunit hindi ko na sila pinanood pa dahil maiinggit lamang ako.

"Montecillo,"

Dahan- dahan kong nilingon ang tumawag sa apelyido ko. Si Calithea na napakaganda sa suot nyang uniporme. Nahihibang na nga ata ako dahil araw araw naman syang nakauniform pero gandang ganda pa din ako sa kanya. Hindi nakatikwas ang kilay nya at may maliit ngunit marahang ngiti. Ang abuhin nyang mga mata ay hindi masungit kundi malamlam kaya naman ganon na lamang ang pagkakatulala ko sa kanya.

"Congrats. See you."

Ni hindi ko nagawang sumagot. Naiwan akong nakatayo sa gitna ng mga nagkakasayahang kapwa estudyante at nakasunod ang tingin sa papalayong likod nya. Sa pahayag nyang iyon ay mas lalong lumalim ang pagkakahulog ko. Nakulong sa iniwan nyang mga salita at umasang tila baliw. At tulad ng Pilipinas, nagkaroon ako ng sariling holiday. Kung sa bansa ay araw ng kalayaan, sa akin ay simula nang pagkakakulong ko sa mga salita ng isang Calithea Vergel. April 4- araw kung kailan kinuha nya ang kaunting natitirang kapayapaan sa utak ko sapagkat araw araw na nyang ginugulo ito.

Taste of FreedomWhere stories live. Discover now