Chapter 3

3.8K 122 8
                                    

MAHIGPIT ang pagkakahawak ni Nicolette sa dalang paper bag. Naroon kasi ang iniluto niyang baked macaroni para kay Clarence. Nag-aalangan pa siya kung ibibigay ba niya iyon sa binata.

Halos buong araw siyang nagpaturo kay Rolando kung paano magluto. Ito kasi ang laging nakatokang magluto para sa kanila. She never thought cooking would be that hard. Kalbaryo para sa kanya ang paghihiwa ng sibuyas, pagbabalat ng patatas. Ilang beses ding hindi sinasadyang masugatan at mapaso ang mga kamay niya sa pagsusubok na magluto ng iba't ibang putahe.

May mga pagkakataong gusto na niyang sumuko at kalimutan na lamang ang balak na ipagluto si Clarence. Pero kapag naaalala niya kung para saan ang pagluluto niya, nagkakaroon siya ng lakas. At siyempre pa, todo suporta sina Rolando at Seth sa pakikibaka niya sa pagluluto. Ang mga ito din ang nagiging taga-tikim ng mga finished product niya.

At ng maging maayos ang kinalabasan ng niluto niya kahapon, gusto na niyang tumalon sa tuwa. Worth it ang mga sugat at paso sa kamay niya.

"Uy, bakit nandito ka?" untag sa kanya ng isang tinig sa likuran niya.

Marahas siyang napapihit sa likuran niya. "Bakit ka ba kasi nanggugulat?"

Nagkibit-balikat lamang si Grey. "Bakit ka nga kasi nandito? Tapos na ang practice namin. Kaya naman puwedeng-puwede mo na ulit ligawan si Clarence."

"Ah... Kasi..." Paano ba niya sasabihin na bigla siyang tinablan ng hiya?

Dumako ang tingin nito sa hawak niya. Huli na para itago pa niya iyon. "Pagkain ba ang dala mo?"

Alanganin siyang ngumiti. "Oo."

Nanunukso itong ngumiti. "Ikaw ah, sinunod mo talaga ang payo ni Kurei. Tamang-tama ang dating mo. Gutom na din kasi kami."

Gusto pa sana niyang magprotesta nang hilahin siya nito papunta sa mga benches ng mga players. Kinuha ni Grey ang dala niya at bahagya iyong itinaas. "Guys, ipinagluto tayo ni Nicolette," anunsiyo nito.

Nagkagulo ang mga ito sa pagkuha ng pagkain. Mabuti na lamang pala at dinamihan niya ang dinalang paper plate.

Iginala niya ang tingin. Nagtaka siya ng makitang wala si Clarence sa paborito nitong puwesto. Nasaan na kaya yong lalaking iyon? Kanina lang ay nakita niya itong naglalaro sa field.

Naramdaman niya ang bahagyang pagtapik sa balikat niya. "Huwag kang mag-alala. Nagpunta lang sa CR si Clarence," ani Kurei na may hawak na paper plate.

"Ang sarap nito, Nicolette," komento ni Grey. "Ikaw ba ang nagluto? Dapat lagi mo kaming dalhan nito. Di ba, guys?"

Nagsitanguan ang mga ito. Ang iba naman ay nag-thumbs up pa. Lumobo ang puso niya sa mga papuring natanggap. Kung nagustuhan ng mga ito ang niluto niya, malaki ang posibilidad na magustuhan din ni Clarence ang niluto niya para dito.

Inabutan siya ni Armie ng isang paper plate na may lamang baked macaroni "Ayan na si kuya. For sure kapag natikman niya ang luto mo, babait na siya sa iyo."

Kinuha niya iyon at sinalubong si Clarence. And as usual, nakakunot ang noo ng irog niya. "Hello, my knight! Ipinagluto pala kita. Here."

Tiningnan lamang nito ang hawak niya. "Ayaw kong kumain." Akma siya nitong lalampasan ng harangin niya ito. "Please, my knight. Kahit isang subo lang."

"I hate cheese." Tuluyan na siya nitong nilampasan. Natunaw ang natitirang lakas ng loob niya sa sinabi nito.

Huminga siya ng malalim upang kalmahin ang sarili. Hindi siya puwedeng umiyak. Nang masigurong kontrolado na niya ang emosyon ay bumalik siya sa umpukan.

Loving The Mobster PrincessWhere stories live. Discover now