Kailangan ko kasing mag-doble ingat para walang makakita o makaalam kung saan talaga kami madalas nagkikita ni Rosales. Ito rin ang madalas kong ginagawa simula nang maging boyfriend ko si Rosales. Sinabihan ko lang ang aming family driver na tatawag na lang ako sa kanya kapag magpapasundo na ako bago ako bumaba sa kotse.

Kilala ko kasi ang mga tauhan ni Kuya Samael. Masyado silang lahat na loyal sa Kuya ko at tiyak na magsusumbong sila sa kanya at paniguradong bawat kilos o galaw ko na makikita nila ay ire-report nila kay Kuya Samael.

Lalo na kapag saan ako pupunta at kung sino-sino ang kinakausap ko tuwing lalabas ako sa Mansyon. Alam kong magsasabi sila kay Kuya at minsan ko na rin silang narinig na nagre-report sa nakatatanda kong kapatid.

Kaya naman todo ingat ako sa tuwing magkikita kami ni Rosales. Hindi naman kasi talaga mahigpit si Kuya Samael sa akin, sadyang ayaw lang niya na nagsisinungaling ako sa kanya at iyon ang dahilan kung bakit nababahala ako at natatakot na aminin sa kanya ang totoo.

Huminga muna ako ng malalim. Hinintay ko lang rin na makaalis ang family driver namin bago ako nagpalinga-linga sa paligid ko. Nang wala naman akong napansing kahina-hinala ay saka ako nagpasyang naglakad para puntahan ang boyfriend ko.

Pumasok ako sa loob ng clothing store. Pagmamay-ari ito ng matalik na kaibigan ni Rosales at kilala rin naman niya ako. Ngiti lang ang ipinakita ko nang maabutan ko ang asawa ng kaibigan ng boyfriend ko na nasa counter at nag-aasikaso ng costumer nila. She also knows me and we are quite close. Pinay rin siya actually.

Hindi na ako nag-abalang magsalita at dire-diretso lang akong nagtungo sa palagi kong dinaraanan. Sa clothing store na ito kasi ay mayroong daan palabas sa likod kaya doon lang ako dumaan hanggang sa makarating ako sa pinaka-likod ng store na ito. Nagsuot lang rin ako ng sumbrero para sigurado ako.

Kaya nga minsan kapag kasama ko ang mga bodyguards ni Kuya at naghihintay sa akin sa labas ay ang alam lang nila ay nandito lang ako sa loob ng store at namimili ng damit. Pero wala silang ideya na palihim na pala akong nakikipagkita sa boyfriend ko. Hindi nila alam na patago ko na silang tinatakasan.

Alam rin naman nila na matagal akong pumili ng mga damit na gusto kong bilihin kaya madalas sa labas na lang sila ng store naghihintay o 'di kaya'y sa loob ng sasakyan.

Pero kapag si Kuya Samael ang kasama ko ay wala talaga akong takas, kahit pa na mag-alibi pa ako. Sinasamantala ko lang talaga ang pagkakataon kapag ang bodyguards niya ang kasama ko kapag lumalabas ako ng bahay dahil madali lang sa akin na takasan sila.

Ilang minuto lang ang nilakad ko hanggang sa tuluyan akong nakarating sa meeting place namin ng boyfriend ko kung saan kami dalawa madalas nagkikita, ang kanilang malaking flower shop.

"Buongiorno, Signora Marcello.." masaya at nakangiti kong bati sa ginang na agad kong nakita sa loob ng flower shop nila. [Good day, Madam Marcello]

Napatingin naman siya sa akin kaya tinanggal ko ang suot kong sumbrero bago ko siya masayang nginitian. Unti-unti rin namang sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi at halata ko naman na masaya siya nang makita niya ako.

"Jusko, ikaw pala Ilaria!" bulalas niya bago siya nagmamadaling lumakad palapit sa akin kaya natawa ako ng mahina.

Nilapitan ko rin siya bago ako magalang na nagmano sa kanya at saka ko siya mahigpit na niyakap. Siya ang ina ni Rosales, isa siyang pinay at sobrang bait niya sa akin. Mainit pa nga niya akong tinanggap nung ipinakilala ako ni Rosales sa kanya at sa buo niyang pamilya.

Isang Italyano naman ang ama ng boyfriend ko, mabait rin at marunong rin namang magsalita ng Tagalog. Hindi pa naman kasi ga'non kahasa ang galing ko sa pagsasalita ng Italian at tanging mga basic words lang ang alam ko.

IDLE DESIRE 8: THE MAFIA'S HIDDEN DESIRE (R-18) ✔Where stories live. Discover now