Kabanata 5: ang lalaki sa nitso

6.7K 286 9
                                    

This chapter is specially dedicated to @Ellen38

Gumaan na ang pakiramdam ni Ada matapos ang pakikipag usap sa kaibigang nilikha lamang ng kanyang imahinasyon. Humuhuni pa siya ng isang sikat na awiting madalas niyang marinig sa mga radyo ng dyip habang pinaghihiwalay ang mga napulot na kung anu-ano sa tambakan ng basura. Kung saan may basurahan, asahan nang makikita si Ada na naghahalungkat. Sa napupulot na mga bote, plastik, karton, papel, lata at kung ano pa na maaaring ipagbili sa Gule's junkshop nagmumula ang panggastos niya sa araw-araw. Ang anim na raang piso naman na bayad sa paglilinis niya sa museleo ay itinatabi niya at kapag walang masyadong mapulot sa basurahan ay siya niyang ginagastos.

"Marami na tayong naipong kalakal, Bituin. Bukas ng umaga ay dadalhin na natin ang mga ito kay Mang Gule. Kapag sinuswerte ay madadagdagan pa ang mga ito sa pagpunta natin doon. Malay mo may madaanan pa tayong mga bote ng mineral sa daan.", nakangiting sabi ni Ada.

Itinatali na niya ang mga sako nang may marinig na kaluskos sa gawing dulo ng sementeryo. Tahimik lamang ang paligid at sa tagal ng paninirahan niya sa loob nito ay kabisadong kabisado na niya ang bawat tunog at huni ng mga pang gabing hayop sa paligid. Maging ang mga kapitbahay niyang mga nitso ay kilala na niya kung sinu-sino. Kapag nalulungkot sa pag iisa ay kinakausap niya ang mga ito.

Palibhasa ay sanay ang nag iisang mata sa dilim at kabisadong kabisado na ang pasikut-sikot sa lugar ng mg patay ay madali niyang nalapitan ang pinanggalingan ng narinig na ingay.

Maingat siyang nagkubli sa isang nitso. Higit na madilim sa bahaging kinaroroonan ng dayo sa kanyang nasasakupan.

"Pasensya na po Mang Danilo kung naistorbo ko kayo ng asawa nyo. May tinitignan lang po ako. May ingay po kasi akong narinig sa gawing nitso ni Aling Florencia.", pabulong na paghingi niya ng paumanhin sa pangalang nakaukit sa lapida ng nitsong pinagtataguan.

Nang biglang mawala ang kaluskos at ang pumalit ay ingay ng kalatok ng sapatos ay agad siyang umalis sa gilid ng pinagkukublihan at dahan dahang naglakad palapit sa isa pang nitso na sinabi niyang kinahihimlayan ng nagngangalang Aling Florencia. Ngunit bigla siyang natigilan!

Nagmamadaling bumalik sa naunang nitsong pinanggalingan.

Nakiramdam siya, hindi gumagalaw at tanging ang itim ng iisang mata ang nagpapalipat lipat. Sa kanan, sa kaliwa at sa gawing ulunan. Nakadama siya ng takot. Malakas ang pagkabog ng kanyang dibdib. Naalala ang eksenang napanood sa telebisyon ng nadaanang bahay kanina.

"Nakupo! Baka totoo nga ang aswang at nandito siya sa loob ng sementeryo!", takot niyang bulong sa sarili. Bahagya pang kumikinig ang kanyang baba.

"Kailangang maisumbong ko siya sa mga baranggay tanod! Baka mangain siya ng baby ng mga tagarito!"

Akmang tatayo na si Ada nang muling maupo.

"May maniwala kaya sa akin kapag sinabi kong may aswang dito sa loob ng sementeryo? Malamang ay wala! Pagtatawanan lang nila ako at sasabihang baliw. Baka nga ako pa ang sabihang aswang dahil sa itsura ko!"

Niyakap niya ang magkadikit na tuhod at itinukod ang baba. Mag iisip muna siya.

"Huwag ka mag isip ng ganyan. Kung aswang nga ang nagtatago dito sa sementeryo dapat lang na isumbong mo sa mga otoridad. Buhay ng mga sanggol ang malalagay sa peligro kung hindi ka kikilos. Hihintayin mo pa bang may makain ang aswang bago ka magsumbong?"

"Tama ka, Bituin. Kawawa naman ang mga batang makakain ng aswang. Bahala na! Kung hindi man sila maniniwala, ang importante naipaalam ko na sa kanila.", sagot niya sa kaibigang hindi nasisilayan ng kahit na sino maliban sa kanya.

Umakma na siyang tatayo ngunit muli na namang naupo.

"Pero teka lang, aswang nga ba ang nandun sa dilim? Kailangan ko munang masiguro para pag nagsumbong ako ay hindi ako mapagtawanan.", pagkasabi ay maingat siyang lumuhod, itinukod ang dalawang kamay sa lupa at saka dahan-dahang sumilip.

Napanganga siya nang makita ang isang lalaking nakahiga sa ibabaw ng nitsong katabi ng isa pa. Nakadikwatro ang isang paa nito habang ang isa naman ay inaangat apak sa nitso kaya lumilikha ng tunog. Ang magkabilang kamay ng lalaki ay magkasalikop sa ilalim ng batok na parang ginawang unan.

"Sino kaya ang mamang ito? Parang ngayon ko lang siya nakita.Tantiya ko ay matangkad siya kaya ibinaluktot niya tuhod para magkasya. Ano kaya ang ginagawa niya rito? Dito kaya sa malapit ang bahay niya? Bakit nandito siya?", sunud-sunod niyang tanong sa sarili.

Napaigtad si Ada at mabilis na ikinubli ang sarili nang makitang huminto sa paggalaw ang paa ng lalaki at ....,

biglang ipaling ang mukha sa gawi niya!

Kitang kita niya nang kumislap ang mga mata ng lalaking humarap sa kanya.

Kulay dilaw ang mga mata nito!

Mabilis niyang itinago ang sarili.Tinakpan pa ang sariling bibig upang walang lumabas na tunog sa kanyang paghinga. Kabadung kabado na siya. Ngunit dala ng kuryosidad.., kahit natatakot ay muli siyang sumilip.

"Wala na?!", pagkasabi ay nagpalinga linga pa siya sa paligid. Pilit hinahanap ang lalaking kanina lang ay nakita niyang nakahiga sa ibabaw ng nitso.

Tumayo siya mula sa pagkakaluhod at nag inut-inot ng lakad. Patuloy sa paglinga. Nagbabakasakaling makikita kung saan nagpunta ang hinahanap.

Mula sa tuktok ng patung-patong na nitso 'apartment' ay nakatayo ang lalaking hinahanap ni Ada.
Nakahalukipkip ito habang pinanonood ang dalagang kuba sa ginagawang paglinga.

"Kaunting panahon pa, Ada. Ang nais ko ay handa ka na bago tayo muling magkita. Ibibigay ko sa iyo ang iyong pangarap. Ang laman ng iyong panalanging hindi dinirinig. Kusa kang magpapasakop sa akin. Hahanapin mo ako, Ada! Tatawagin mo ako! Bwahahahaha.", matunog na halakhak ng lalaking may dilaw na mata.

Bakanteng Nitso 3Where stories live. Discover now