Kabanata 1: kapitbahay

10K 339 26
                                    

Nagtatakbo ang dalawang batang lalaki sa gitna ng dilim.

"Kuya..", humihingal na tawag ng mas maliit.

"Shh..! Huwag kang maingay. Baka marinig tayo.", humihingal na sabi ng mas malaki.

"Natatakot ako, baka makita tayo.", umiiyak na ang bata.

"Ako din naman kaya lang, kailangan nating maging matapang para makatakas tayo.", pagpapalakas loob ng nakakatanda.

Nakatago ang dalawang bata sa katawan ng malaking puno. Halos isiksik ng mga ito ang sarili sa pagitan ng malalaking ugat.

Hayan na ang humahabol sa dalawa!

Papalapit na ang babaeng may nakakatakot na anyo. Sabug sabog ang mahaba nitong buhok. Ang mga mata ay kulay pula at may matutulis na pangil. Ang mga kuko nito ay parang matatalim na karit na kayang pumilas ng balat.

Nagpalinga linga ang babae. Sinisinghot singhot ang simoy ng hangin.

Napangiti ito nang matukoy ang kinaroroonan ng dalawang batang may sariwang dugo at atay.

Langhap na langhap ang mabangong hangin.

Dahan dahan itong lumapit...

Habang ang dalawang bata ay magkayap na nakaupo at nagdarasal para sa kanilang kaligtasan.

Nandidilat at halos maglaway ang aswang.

Hayan na...!

Malapit na..!

''Aaaahhh....!'', malakas na sigawan ng mga batang nanonood ng tape na nakasalang sa dvd player.

"Mamaaaaaa!", umiiyak na ang kasunod na pagsigaw ng mga ito, nagpapasaklolo! Kaya naman napasugod na ng takbo palapit ang babaeng tinawag.

Mga batang takot na takot at nakasiksik sa sulok ng bahay ang dinatnan ng inang bakas sa mukha ang pagtataka.

''Bakit, anong nangyari sa inyo?!'', gulat na gulat at nag alalang tanong nito.

Walang makapagsalita sa mga batang nagsisiksikan at ang mga mukha ay itinatago sa isa't isa.

"Bakit kayo nandiyan?! Ano ba ang nangyari sa inyo, ha?!", ulit na tanong ng ginang sa mga anak.

Tila iisang itinuro ng mga bata ang bintana. Napatingin ang ina sa itinuro ng mga anak.

Napahumindig din ito sa nakita!

Ngunit saglit lang at nakabawi na ito sa gulat na nadama.

"Punyeta ka, kubaaaa!'', tumitili ang gigil na gigil na babae. Dinampot nito ang walis tingting na nakasandal sa may pintuan. Humahangos na sinugod ang nakasilip sa bintana ng bahay niya at walang habas na pinagpapalo!

Walang nagawa si Ada kundi salagin ng braso ang paghataw na ginagawa sa kanya ng babae. Hindi na niya nagawang magpaliwanag pa at inunang ilagan at protektahan ang sarili upang huwag masyadong masaktan.

''Anong ginagawa mo diyan sa bintana ko?! Papatayin mo ba sa takot ang mga anak ko, ha?!", nanlilisik ang mga matang usig ng ginang. Marahil ay napagod na ito kaya inihinto na ang paghampas ng walis sa dalagang sa wakas ay nagkaroon na ng pagkakataong magsalita.

"Pasensya na po, nakinood lang po ako. Wala po akong masamang intensyon. Nakitingin lang po ako.", sunud sunod na paliwanag ni Ada habang hinihimas ang mga brasong nasaktan.

"Walang masamang intensyon?! Eh iyang itsura mo pa lang ay sapat na para maging masamang intensyon! Paano kung lagnatin ang mga anak ko dahil sa takot sa pagmumukha mo?! May magagawa ka ba, ha?! Hindi ka na dapat naglisaw lisaw sa gabi! Doon ka na lang mamasyal sa loob ng sementeryo dahil dun ka nababagay! Alis! Supi! Layaaaas!", pagkasabi ay nagmamadali itong pumasok sa loob at kinuha ang isang pitsel. Padaskil pa nitong ibinuhos ang malamig na juice sa mukha ng pinagtatabuyang dalaga.

"Lumayo ka dito at huwag na huwag ka na babalik! Layaaaaaas!", nagtatarang nitong pahabol.

"Pasensya na po.", nakayukong hingi ng paumanhin ni Ada sa ginang na panay pa rin ang pang uuyam at masasakit na pananalita.

May ilang kalapit bahay ang naglabasan at nakiusyoso sa nangyayaring pag eeskandalo ng ale. Ang ibang nakakita sa nagaganap ay nakadama ng awa para sa dalaga ngunit ang karamihan ay tinatawanan lamang ang eksenang napapanood. Tila mga diring diri sa kubang pinupunasan ang nahilam na mata.

Kahit sanay na sa ganung uri ng panlalait ay nagluluha pa rin ang mga matang naglakad palayo si Ada. Bitbit ang mga napulot na kung anu-ano mula sa hinalungkat na mga basura sa gilid ng kalsada na maaaring maibenta sa may ari ng junkshop na kakilala niya.

Tinahak nito ang madilim na daan patungo sa sementeryo kung saan naroroon ang kanyang maliit at tagpi tagping bahay. Nasa gawing likuran iyon ng museleyong binabantayan niya at nililinisan.

Ang giray na bahay na naiwanan sa kanya ng yumaong si Impong Delang. Isinama siya ng matanda at pinatira sa bahay nito nang matagpuan siya sa tabi ng isang nitso na nangingikig sa taas ng lagnat.

Inalagaan siya ng matanda hanggang sa umigi ang pakiramdam at inalok na dumoon na lamang sa poder nito tumira.

Naging masaya siya sa pagkakaroon ng pamilya sa katauhan ng matandang tumanggap sa kanya sa kabila ng kanyang anyo.

Ngunit ilang taon lamang ang lumipas nang magkaroon ng malubhang sakit ang matandang kumupkop sa kanya. Matiyaga niya itong inaalagaan sa araw at kung gabi naman ay namumulot siya ng maaaring maibenta sa tambakan ng basura. Sapagkat walang kakayahang makabili ng sapat na gamot na nireseta ng doktor sa Barangay Health Center ay binawian ng buhay ang matanda.

Matindi ang panangis na pinagdaanan ng dalaga sa pagpanaw ng nag iisang taong nagparamdam sa kanya ng pagmamalasakit at pagmamahal.

Nang mamatay ang kanyang Impo ay agad itong inilibing. Parang walang anuman sa iba ang pagkawala ni Impong Delang. Maliban sa may ari ng museleo at supultorerong naglimos ng tulong ay wala ng iba pang nakiramay sa dalaga. Tila hindi pansin ng taga roon na may kapitbahay pala silang yumao na.

Nang makarating sa loob ng maliit niyang kaharian ay malungkot na humarap si Ada sa tapat ng salaming may lamat.

Pinagmasdan niya ang kanyang anyo. Isang mapait na ngiti ang nanulay sa kanyang mga labi. Kasunod ang pagdaloy ng mapait na ala ala ng kanyang kahapon.

Bakanteng Nitso 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon