Chapter 2: BERANIA PARAGUA

10 1 0
                                    

AKEEN GATDULA

•CHAPTER TWO: BERANIA PARAGUA•

NARAMDAMAN ni Emerie na tila napunta siya sa ibang dimensyon kung saan mas malawak na tubig ang nasa paligid niya. Pero ang nakapagtataka, pabaliktad ang naging pagpasok nila mula sa butas ng bato, patungo sa mundo na kung tawagin ng Lola Mila niya ay Berania Paragua.

Habang nasa ilalim ng tubig, tinanaw ni Emerie na unti-unti siyang lumalayo sa butas na pinanggalingan nila. Kitang-kita niya kung pa'no sumara ang lagusan at naglaho ang liwanag ng buwan mula sa munting butas nito at sa kabilang direksyon naman ay ang unti-unting pagyakap ng kadiliman sa kapaligiran nila.

Napakadilim sa ilalim ng tubig. Malamig. Nakakatakot. Kahit liwanag na galing sa buwan ng Berania Paragua ay wala siyang makita.

Nakaramdam ng kaba si Emerie dahil maging si Akeen, hindi niya makita sa tubig pero ramdam niyang nakahawak pa rin siya sa damit nito.

SUMAGAP ng hangin si Emerie nang makarating na sila sa ibabaw. Pero bakit gano'n? Wala pa rin siyang makita? Madilim. Nabulag ba siya nang lumusot siya sa lagusan? Lalong kinabahan si Emerie. Para siyang bulag na naghahanap ng liwanag para makakita.

"A-Akeen?!... Akeen?!... AKEEN!!" aniya kahit na nakahawak siya sa damit nito. Maging ang taong ito ay hindi niya makita.

"Sabi ko naman sa'yo, huwag ka na sumama." ang boses nito.

"Huwag mo ako bibitawan!" aniya. Sinubukan niyang tumingin sa paligid pero wala talaga siyang makita na mga bagay, bukod sa alam niyang nasa tubigan sila. Pero hindi ito tubig-alat, kundi tubig-tabang. "N-Nasaan tayo?! Bakit wala ako makita?!... Bulag na ba ako?!" naghihisterikal niyang wika.

"Kalma ka lang, Binibini. Natural lang iyan dahil walang liwanag ang buwan namin." sagot nito.

"Ha? Liwanag?..."

"Buwan. Katulad sa mundo niyo. Yung maliwanag na bagay tuwing gabi."

"I-Ito na ba ang Berania Paragua? Ganito kadilim sa mundo niyo?"

"Mas madilim pa sa inaakala mo. Kaya..." Naramdaman ni Emerie na tinanggal ni Akeen ang mga nakahawak niyang kamay sa damit nito at ramdam niyang humarap ito sa kanya. "Kailangan kitang ibalik sa mundo niyo dahil hindi ligtas ang katulad mong Norjan sa mundo namin. Babae ka pa."

"H-Hindi! Hahanapin ko si Luis!"

"Ako na lang ang bahala."

"WALA AKONG TIWALA SA'YO! Katulad ka rin ng mga taong kumuha sa kanya!"

"Ibabalik na kita." wika nito na hindi siya pinapakinggan at akmang dadalhin siya muli sa ilalim ng tubig patungo sa lagusan na pinanggalingan nila. Nanlaban si Emerie. Tinulak niya ito para bitawan siya.

"Hindi ako babalik na hindi kasama ang kapatid ko!" sigaw niya kahit hindi niya makita sa dilim ang kausap.

"Mukhang matigas ang ulo mo, Binibini."

Lumangoy palayo si Emerie. Wala na siyang pakialam kung saan man siya mapadpad.

"Binibini? Binibini?!..." si Akeen na tinatawag siya pero tila narinig din nito ang tubig kung saang direksyon siya papunta kaya nasundan siya nito. Bigla siya nito hinablot sa braso.

"ANO BA?!"

"Mali 'yang direksyon na pinupuntahan mo. Gusto mong maligaw?"

Umigting ang mga bagang niya. Gusto man niya na alisin ang kamay nitong nakahawak sa braso niya, wala siyang nagawa kundi magpahila rito patungo sa parte kung saan makakaalis sila sa tubig.


AKEEN GATDULAWhere stories live. Discover now