Kabanata 09 - Bagong Simula

Comincia dall'inizio
                                    

Humakbang akong palapit sa kanya. Sa bawat hakbang ko ay humahakbang din siyang palayo. Matalino talaga ang batang ito. Kahit noong siya'y maliit pa ay skeptic na siya. Hindi mo basta-bastang mapapaniwala sa mga bagay-bagay. Hindi tulad ni Roger, nakababata naming kapatid, na napaka-gullible. Madali iyong mapaniwala sa mga bagay-bagay. Kahit sabihin mong marunong lumipad ang baboy ay paniniwalaan noon.

"Ako ang kuya Roj mo," nakangiting sabi ko.

Nawala ang kunot sa kanyang noo. Tinitigan niya ako nang malapitan at maya-maya'y ngumiti. Yumakap siya sa akin. "Kuya Roj!"

Sa tagpong iyon ay nakaramdam ako ng lungkot dahil sa tagal nang panahong hindi kami nagkita. Ilang kaarawan, pasko, at bagong taon ang aking pinalipas nang hindi man lamang nangamusta o bumati. Alam kong sa mga panahong iyon ay naging makasarili ako.

Dise-siyete anyos pa lamang ako noon. Marami pang bagay na hindi maintindihan. Maraming katanungan sa isip. I only see my pain. Tingin ko noo'y wala na akong puwang sa buhay ng mga magulang ko dahil may kani-kanila na silang pamilya. Kaya't tulad ng isang tipikal na kabataang hindi makuha ang gusto, nagrebelde ako.

Dumating ako sa puntong iniyakan ako ng mom ko. Naaalala ko pa kung paano siya nagmakaawa sa akin para lamang magseryoso ako sa pag-aaral. Ngunit dahil may katigasan ang aking ulo at naging bato na ang puso ko sa mga magulang ko, hiningi ko na palayain na nila ako kapalit ng pagseseryoso at pagtatapos ko sa pag-aaral. Tatapusin ko ang aking pag-aaral subalit malayo sa kanila. Mamumuhay ako nang mag-isa, nang malaya. Napapagod na ako nang pinagpapasa-pasahan. Pakiramdam ko'y pinagsisiksikan ko lamang ang sarili ko sa mga pamilya nila.

Binigay nila ang gusto ko, labag man sa kanilang kalooban. Binigyan nila ako ng sariling bahay, sariling mga katulong, at buwan-buwan ay pinadadalhan ng pera pangsuporta sa aking pag-aaral. Ilang taon iyong nagpatuloy nang wala kaming komunikasyon. Sinubukan nilang makipag-ugnayan sa akin subalit hindi ko iyon binibigyang pansin. Gusto kong isipin nila na hindi na ako parte ng pamilya nila, na wala ng Rogin sa buhay nila, 'yung Rogin na bunga lamang ng kanilang pagkakamali.

Nagsumikap ako sa pag-aaral dahil alam kong wala namang ibang makikinabang dito kundi ako. Nakakuha ako ng scholarship sa kolehiyong pinapasukan dahil sa matataas na marka. Kaya't 'yung perang natatanggap ko buwan-buwan mula sa mga magulang ko'y natipid ko at inipon sakaling mapagod na silang magpadala, may pera akong madudukot.

Akala ko noo'y magiging masaya ako sa pag-iisa. Makakaiwas ka nga sa sakit pero hindi ka makakatakas sa lungkot. Lahat ng tagumpay ay walang kabuluhan kung walang taong nariyan upang makisalo sa kasiyahan mo. We all need somebody. Kaya't hinanap ko ang kasiyahan sa ibang tao. Sunud-sunod ang mga nakarelasyon ko subalit walang nagtatagal. Lahat sila'y iniiwan ako sa 'di malamang dahilan.

Nang makilala ko si Claire, nanumbalik ang sigla ko. Naging katuwang ko siya sa maraming bagay. Magna cum laude ako nang magtapos sa kolehiyo at siya ang kasama kong umakyat sa entablado. Siya ang nagsabit ng medalya sa akin dahil hindi ko ipinaalam sa mga magulang ko ang aking pagtatapos.

Unang kuha ko pa lamang ng board exam ay pumasa na ako. Sunud-sunod ang mga job offers na dumarating sa akin noon bilang isang inhinyero. Nakapagtrabaho ako sa isang malaking kumpanya at kumita ng malaking pera. Noo'y patuloy pa rin ang buwan-buwang suportang natatanggap ko. Kinailangan ko nang sulatan sila upang patigilin iyon. Nagpasalamat na rin ako sa lahat ng tulong nila sa akin.

Umalis ako sa bahay na ibinigay nila at bumili ng sariling apartment mula sa perang naipon. Doon ako namuhay kasama ang kasintahang si Claire. Akala ko, perpekto na ang buhay ko kasama ang babaeng pinakamamahal ko. Akala ko'y matagumpay na ako ngunit... hindi ka pala tunay na matagumpay kung hindi ka marunong lumingon sa iyong pinanggalingan. Balewala ang narating mo kung sa iyong paglalakbay nama'y marami kang taong tinalikuran.

Maaaring karma sa akin ang nangyari sa amin ni Claire. Subalit sa lahat naman ng karma, masasabi kong naging maganda ang naidulot noon sa akin dahil dinala ako noon sa lugar kung saan ko napagtanto ang kahalagahan ng mga bagay na aking tinalikuran at iniwan. Ito ang mga bagay na dapat ay mas pinagtuunan ko ng pansin, ang bubuo sa aking pagkatao.

***

HINILA ako ni Regina sa braso at patakbo siyang pumasok sa bakuran. Nagpapadala lamang ako sa paghila niya.

"Mommy!" paulit-ulit niyang sigaw. Nakita kong humahangos na lumabas ng bahay si mommy. Pareho kaming natigilan nang makita ang isa't isa. Ilang minuto muna kaming nagtitigan bago magsalita ang isa sa amin.

"Roj! Ang panganay ko!" naiiyak na sabi ni mommy at patakbong yumakap sa akin. Malaki ang pagbabago sa itsura ni mommy. Ang dating makinis na balat ay kumulubot na at ang dati'y malaman na pangangatawan ngayo'y buto't balat na.

Tumugon ako sa yakap niya. Hindi ko na nabilang kung ilang minuto kaming magkayakap pero iyon ang pinaka-masayang sandali sa buhay ko. Pakiramdam ko'y muli akong isinilang. Ganoon pala iyon, ano? Pamilya mo lamang ang tanging tatanggap sa'yo ano't ano man ang mga pagkakamaling nagawa mo. Siguro nga'y tama ang kasabihan na matitiis ng anak ang kanyang ina subalit hindi kayang tiisin ng isang ina ang kanyang anak.

The PolicewomanDove le storie prendono vita. Scoprilo ora