Chapter Fifteen

30.8K 1K 62
                                    

"K-kevin? Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko sa kanya.

Nakasandal siya sa pader at nakapamulsa. Umayos siya ng pagkakatayo nang nakita niya ako. "Hinihintay kita. Okay ka na ba?"

"Okay na ako. Nasaan na si Kath?"

"Kasama ang kuya mo. Tumawag sa bahay n'yo para magpasundo sa mama mo. Sigurado ka bang okay ka lang?" Bakas sa mukha niya ang pag-aalala.

"Oo nga sabi, eh. Okay na ako."

Biglang nagsalubong ang mga kilay ni Kevin at galit na galit akong tinitigan. "Ano ka ba naman, Pinkie! Nagsumbong si Kath sa akin na ilang araw ka na raw hindi kumakain. Ano bang masamang hangin ang pumasok diyan sa kukote mo at naisipan mong huwag kumain, ha? Pinag-alala mo kaming lahat!"

At mas lalo akong nainis sa kanya. Dahil sa kanya kaya ko iyon nagawa! So ngayon pala kasalanan ko pa? Siguro nga kasalanan ko, pero nakakainis pa rin siya! At mapapansin lang pala niya ako kung may nangyaring masama sa akin?

"Eh, ano ba ang paki mo, ha?" asik ko. "Ano'ng paki mo kung ayaw kong kumain?"

"May paki ako, okay! May paki ako!"

"Bakit? Sino ka ba para pakialaman ang mga gusto kong gawin sa buhay ko? ANO BA ANG PAKI MO!"

"May pakialam ako! Dahil--!"

"Dahil ano?!"

Nagbuka ng bibig si Kevin para sumagot, pero itinikom niya muli ito. Bumuntong-hininga muna siya bago nagsalita. "Dahil kaibigan mo 'ko..."

Aray! Bakit ang sakit marinig iyon? Kaibigan mo 'ko. Oo kaibigan ko na nga siya... pero ang sakit marinig mula sa kanya na kaibigan lang pala ako para sa kanya.

Isa-isang tumulo ang luha ko. "Oo na! Kaibigan mo na ako! Pero sinabi ko bang gusto kong maging kaibigan kita?"

"Pinkie..."

"Gusto mo talagang malaman kung bakit, ha? Kung bakit ko ginawa 'yon? Dahil pagod na pagod na akong tinutuksong mataba ng mga classmates ko. Dahil pagod na pagod na akong makitang pinagtatawanan ako ng mga lalaking batchmates natin at sumisigaw pa na lumilindol tuwing naglalakad ako sa harapan nila!"

"Baby girl..."

Lumapit siya sa akin pero nagpatuloy pa rin ako sa pagsasalita kahit pa pinagtitinginan na kami ng mga estudyanteng nasa paligid namin. "At higit sa lahat, ginawa ko 'yon para sa 'yo, okay? Dahil gusto kong mapansin mo ako, hindi bilang si Pinkie, ang makulit na kapatid ng kabarkada mo! Gusto kong mapansin mo 'ko bilang si Pinkie na isang babae... dahil gusto kita... Dahil may gusto na ako sa 'yo!"

"M-may gusto ka sa akin?" gulat na gulat niyang tanong.

Bigla kong tinakpan ang bibig ko. Naririnig ko rin ang mga bulung-bulungan ng mga estudyanteng nakikinig sa amin.

"I told you may gusto si tabachoy kay Kevin."

"Si Pinkie umamin na kay Kevin!"

"May guts si girl, ha. Idol!"

"Ano kaya ang ulam sa bahay?"

Pero hindi ko na pinansin pa ang mga pinagsasabi nila dahil mabilis akong tumalikod at tumakbo papalayo kay Kevin.

"Pinkie, sandali!"

Hindi ko pinansin ang tawag ni Kevin at nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo. Ayoko na muna siyang makita. Napahiya ako dahil sa mga sinabi ko. Pihadong pagtatawanan na naman niya ako...

***

Sa waiting shed ko na hinintay sina mama kanina. Medyo natagalan siyang ihatid kami ni kuya dahil kausap pa niya si Ms. Lopez. Pagkauwi namin ay dumiretso na ako sa kuwarto ko.

Hindi ako makatingin nang diretso kay mama --nahihiya kasi ako.

Nakahiga na ako sa kama nang narinig kong may kumakatok sa pinto.

"Baby girl, puwede bang pumasok si mama?"

Tumayo ako at pinagbuksan ng pinto si mama. May hawak-hawak na malaking plato si mama na may lamang cookies at isang basong milk.

Bumalik ako sa kama at humiga uli. Si mama naman ay ipinatong ang dalang plato sa mesa na katabi ng kama ko.

Umupo si mama sa aking tabi at hinawi ang buhok ko. "Anak, naikuwento sa akin ng school nurse n'yo ang nangyari."

"Mama... galit po ba kayo sa akin dahil sa ginawa ko?"

"Anak, hindi nagagalit si mama. Pero nagtatampo talaga ako sa 'yo."

"Po? Bakit naman po?"

"Kasi may pinagdaraanan ka na pala, hindi mo man lang ikinukuwento kay mama."

Umupo ako mula sa pagkakahiga at niyakap si mama at napahagulgol. "I'm sorry mama..."

"Tahan na anak," sabi pa ni mama habong kalong-kalong ako. "Kailan ka pa tinutukso ng mga classmates mo? Gusto mo isumbong na natin sila sa teacher mo?"

"Hindi na po. Kaya ko naman po sila, eh."

"Pero anak, kung gusto mo talaga magpapayat, susuportahan kita. Pero dapat sa tamang pamamaraan, ha. Puwede tayo mag-jogging o 'di kaya swimming tuwing weekends. Magsu-summer na rin kaya puwede ka mag-enroll sa mga summer activities. Gusto mo ba mag-aral ng sports? Badminton?"

Naiyak ako sa mga sinabi ni mama. Kahit na may kasalanan akong ginawa, pinatawad pa rin niya ako at handa siyang tulungan ako. Nakakokonsensya tuloy ang ginawa ko na pag-alalahanin si mama.

Tumango ako bilang sagot.

Ngumiti naman si mama at hinalikan ang noo ko. "Pero anak, may naabutan akong eksena sa school. Magaling ka pala sa drama, anak?"

Ramdam kong namula ang mga pisngi ko. Nakita ni mama ang confession ko kay Kevin? Nakakahiya naman!

Tumawa si mama. "Ang anak ko! Nagdadalaga na at marunong ng mag-crush! Akala ko kasi habang buhay mo na maging boyfriend ang boy bawang, eh."

"Mama naman."

"Pero seryoso, anak. Bata ka pa naman kaya hindi mo kailangan magmadali sa pag-ibig. Pag-aaral muna ang dapat asikasuhin. Okay lang ang mga crush-crush na 'yan. Kung gusto mo talaga si Kevin, approve naman siya kay mama at papa. Pero mas gusto namin ay studies ang priority mo, ha?"

Tumango ako. "Thank you po, mama..."

"Walang ano man 'yon, anak. Teka, 'yung dalawang itlog mong kuya, alalang-alala sa 'yo." Ibinaling ni mama ang paningin sa pinto. "Pasok na mga kuya. Okay na si baby girl."

Bumukas ang pinto at pumasok sa loob ang dalawa kong kuya na nakangisi pa sa akin.

Unang lumapit sa akin si kuya Blue at tumabi sa akin "O, ayos ka na, ha? Pinag-alala mo kami! Ang bigat mo kayang buhatin! Buti na lang malapit lang ang clinic."

"Mama! Si kuya Blue, o!" Napanguso ako at halukipkip.

Tumawa lamang si kuya Blue at sinapak naman siya ni kuya Red. "Loko ka talaga, Blue. Hindi naman ikaw ang nagbuhat kay Pinkie, eh. Si Kevin naman."

Si Kevin? Siya ang nagdala sa akin sa clinic? Ayokong isipin kung papaano niya ako binuhat. Naku! Nabigatan kaya siya sa akin kanina?

Lumuhod sa harapan ko si kuya Red. "Pero baby girl, 'wag mo nang uulitan 'yan, ha."

"Promise hindi na po," sagot ko sabay ngiti nang maliit.

"O, tama na ang drama!" sabi ni kuya Blue. "Group hug na! Group hug!"

Natawa na lamang ako nang sumunod naman sina mama at kuya Red kay kuya Blue at nagyakapan kaming tatlo. Kahit madalas kaming nag-aaway na magkakapatid, ramdam ko pa rin na mahal na mahal namin ang isa't isa.

"Kayo lang talaga ang naggu-group hug? Papaano naman ako?" Si papa 'yon, nakanguso pa sa amin. Ngayon alam ko na kanino ko namana ang kadramahan.

"Halika na, papa," sabi ko. "Group hug!"

#DiwataNgMgaChubby

Diwata ng mga ChubbyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon