Bakasyon (Part 2)

Start from the beginning
                                    

Napabalikwas ako ng bangon habang patuloy pa rin sa pagsigaw. Narinig ko ang pagkalampag ng pintuan kasabay ang pagluwa roon nila Papa at Mama.

"Michelle!" sigaw nila. Agad naman akong nilapitan ni Mama habang si Papa ay abala sa paggalugad ng tingin sa buong paligid.

"Nasaan na 'yon? Michelle, saan tumakbo ang taong iyon?" tanong sa akin ni Papa na puno ng pag-aalala. Pumasok na rin si Lola at Aling Rose sa kwarto ko.

"Ano'ng nangyayari rito?" tanong ni Lola na may pagtataka. "Madaling-araw palang pero ang ingay niyo na."

"May nakapasok sa kwarto ni Michelle, Ma," turan ni Papa.

"Pero wala namana akong nakita pagkapasok natin," saad ni Mama habang yapos-yapos ako. Kaunti ay nakaramdam ako ng seguridad. "Nilalagnat ka, Michelle," bulalas niya nang salatin niya ang noo ko.

"Nakita kong may silweta sa taas ng kama maliban kay Michelle. Nakita ko pa ngang tumakbo iyon papalayo," paliwanag ni Papa.

Pakiramdam ko, ang tinutukoy ni Papa ay iyong bata kanina. Ramdam ko pa rin ang pangangatog ng buo kong katawan dahil sa kanya. Hindi ko pa rin magawang ikilos ang kamay at paa ko na sa tingin ko ay agad na bibigay sa tuwing ikikilos ko.

"Aling Rose, pakikuha naman ako ng maligamgam na tubig at paracetamol," utos ni Mama habang hinahaplos ang naglalagablab kong katawan.

Mabilis namang sinunod ni Aling Rose ang utos ni Mama. Habol-hininga tuloy ito nang bumalik sa kuwarto. Ibinigay niya kay Mama ang paracetamol at bimpo. "Ma'am Aira, sa tingin ko po ay nabati ang anak niyo," turan ni Aling Rose.

"Nabati?" nagtatakang tanong ni Mama. Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy niyang nabati. Basta ang alam ko, masakit ang buo kong katawan.

"'Yong tinutukoy siguro ni Sir Ian na silweta ay 'yong batang sumama kay Michelle dito. Kanina ko pa po kasi nakikita iyon na laging nasa tabi ni Michelle. 'Yon din po marahil ang tinutukoy ng inyong Mama na kasama niyo kanina nang dumating kayo," kwento nito.

Napapatango na lang ako. Tumpak ang mga sinabi ni Aling Rose. Nakapagtataka tuloy kung paano niya nalaman ang bagay na iyon.

"Mas kailangan po ng anak niyo ang isang albularyo," suhestyon nito. Tila nakumbinsi naman sila sa naging pahayag ni Aling Rose.

Sumali na rin ako sa usapan nila para patunayan na tama ang sinasbai ni Aling Rose. "Ma, simula kahapon nang huminto tayo papunta rito, may kakaiba na akong nararamdaman. Pero sa tingin ko ay sumama sa atin ang batang nakita ko sa kakahuyan," natatakot kong sabi.

Isinilid naman ni Mama ang aking ulo sa kanyang dibdib. Ramdam ko ang kanyang pagkaawa sa kalagayan ko. "Bukas na bukas rin, ipapatawag natin ang pinakamagaling na albularyo sa bayan," ani Mama.

Desidido na talaga silang ipagamot ako sa albularyo. Hiling ko lang na sana ay walang mangyaring masama sa akin o kung sa sinoman sa amin. Gusto ko ring matulungan ang batang kanina pa gumugulo sa akin.

Ano bang kailangan niya sa akin?

Kinaumagahan, maaga akong ginising nila Papa dahil dumating na raw ang albularyong pinatawag ni Mama para gamutin ako. Unang pagkikita palang namin ng albularyo ay pinangmulatan na ako nito ng mata.

"Hija, hindi mo ba alam na may sumunod sa iyong bata?" tanong kaagad sa akin nito. Napailing lang ako. "Nakararamdam ka ba ng lamig sa iyong likuran?"

Pinakiramdaman ko ang aking likod. Naroroon pa rin ang kakaibang lamig. Marahil ay hindi ko lang napapansin dahil nakasanayan ko na. "Opo pero hindi pangkaraniwang lamig."

"Alam mo ba kung bakit ka nilalamig?" Huminto siya saglit bago ulit nagsimulang magsalita. "Dahil nakasampa siya sa likuran mo."

Kinilabutan ako sa kanyang sinabi. Halos mamutla ang buo kong katawan nang biglang magsiakyatan ang dugo ko papunta sa taas. Namamawis ang buo kong katawan. Nararamdaman ko na naman siya sa paligid ko.

"Ano'ng kailangan mo sa kanya?" tanong ng matanda patungkol sa aking likod.

Ewan ko kung may kausap ba ang matandang albularyo pero sa nakikita ko, napapatango siya na parang may kausap. Matapos 'yon ay mariing pumikit ang albularyo at saka bumuntong hininga.

"May nakita ka bang bata habang papunta kayo rito?" tanong niya sa akin. Tumango ako at sinabi ang lugar. Nag-alok siya kung maaari bang puntahan namin ang lugar na iyon. Hindi naman nagpapigil sila Mama at agad na sinunod ang matanda.

Kalahating oras lang ang inabot namin sa buong biyahe. Pagkarating naman ay itinuro ko ang puno kung saan ko nakita ang bata. Sumalubong naman kaagad sa amin ang masangsang na amoy kaya awtomatiko naming naitakip ang aming kamay sa aming ilong.

"Ang baho naman," saad ko. Dahan-dahan kaming lumapit doon.

Nanlalaki ang mata ko nang makita kung saan nanggagaling iyon. Dahil sa likod ng punong itinuro ko ay isang naaagnas na bangkay ng isang bata. Agad akong napaluhod dahil sa nanghihina kong tuhod.

Sino naman ang walang hiyang makagagawa nito?

Hindi ko napigilan ang maluha. Humaplos ang awa sa aking puso nang mga sandaling iyon. Minsan kong pinangarap ang magkaroon ng kapatid pero nakakapanghinayang na ang pangarap ko ay walang halaga para sa iba.

Agad na nagpatawag ng pulis sila Mama para ipaalam ang tungkol dito. Siniyasat nila ang buong lugar. Kinuha rin nila ang katawan ng bata at dinala para ipa-autopsy.

Inilahad sa amin ng albularyo kung bakit ako ang napili ng bata na makasama. Minsan daw ay nagkaroon ito ng nakatatandang kapatid na babae. Madalas daw siyang nasampa sa likod nito. Pero sa kasamaang-palad ay iniwan siya nito sa puno at sinabing babalikan siya.

Naghintay siya pero hindi bumalik ang kanyang kapatid kaya nang makita niya ako ay inakala niyang ako ang nakatatanda niyang kapatid. Hindi na ito ikwinento ng albularyo sa pulisya dahil tiyak na mas pinaniniwalaan ng mga nito ang ebidensya kaysa sa pakiramdam.

Matapos 'yon ay naging maayos din ang natitira kong araw na bakasyon. May mga pagkakataon na paminsan-minsan ay pinakikiramdaman ko ang aking likod kung naroroon pa rin ang lamig.

Pero wala na... At marahil ay nakamtan na nito ang tunay na katiwasayan.

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Where stories live. Discover now