Hindi na ako nangatwiran. Ibinaling ko na lang ang aking paningin sa labas ng bintana ng sasakyan.


Pagkababa namin ni Mommy sa Pinagtipunan ay umalis na si Daddy. Ang gusto pa ni Mommy ay sabay kaming papasok sa gate. Tinawag lang siya ng head teacher na si Mrs. Aguilar. 


Habang naglalakad ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang mga lalaking nakatambay na naman sa gilid ng school. Sina Lucky Columna, Bimbo Zaragosa, Francis Molina, at ang isa na hindi namin kaklase, si Lexus Comandante. Sa second floor ang section nito.


Nandoon sila sa paradahan ng mga motor. Hindi pwede na hindi sila mapapansin dahil umuusok ang mga bibig nila.


Ang pinakakumuha sa aking atensyon ay ang lalaking bukod tanging hindi naka-school polo. Naka-tshirt lang siya na bagamat kulay puti ay hindi naman plain. May print iyon sa harapan na ADIDAS.


Pangisi-ngisi siya habang nakikipagkwentuhan sa mga kasamang lalaki. Ang kanyang kamay ay may hawak na vape—hindi sigarilyo. Siguro kung ano lang ang ma-trip-an niya ay iyon ang gagawin niya. Nasobrahan sa laya. Naiinis ako sa kanya.


Binawi ko na agad ang aking paningin bago niya pa ako makita. Binilisan ko ang aking mga hakbang patungo sa gate. Malapit na ako nang maramdamang biglang may sumabay sa akin.


Pigil ko ang sarili na lingunin kung sino ang amoy usok ng vape na aking katabi. Malakas ang kutob ko kung sino pero nagpatay malisya ako.


Sa room namin ay sa upuan muna ako ni Dessy naglagi. Hinintay ko muna kung papasok din sa room namin ang lalaking kasunod ko sa labas kanina.


"Okay ka lang, Jillian?" tanong ni Dessy sa akin.


Napakurap naman ako sa tanong niya. Ako? She was asking me if I was okay? Of course, okay lang ako. Kailan ba ako hindi naging okay? Everything was fine and under control.


Kimi akong ngumiti kay Dessy. "May assignment ka sa Science?"


Napakamot ng pisngi ang babae. "Wala. Pakopya naman o."


Tumango ako na ikinatanga niya. Kahit ako ay biglang napatanga dahil hindi ko ugali ang magpakopya ng assignment sa kanya o kahit kanino. Ano bang nangyayari sa akin? Bakit ang lutang ko?


Nang makabawi sa pagkabigla ay nagmamadali si Dessy na nagkalkal sa bag ko. Natatakot marahil siya na bigla na lang magbago ang isip ko. Hindi ko naman na siya inawat pa.


Pangalawang subject namin sa hapon ang P.E. Kung about Music, Arts, and Health lang ay okay lang ako, pero tagilid ako pagdating sa Physical Education.


Kung puro memorization lang sana ang lahat ay kayang-kaya ko naman kaya lang hindi pwedeng mawawala sa P.E. ang pagkilos at pagpapapawis.


Pinapila ang buong klase namin at pinapunta sa tapat ng stage. May bubong naman pero dahil mataas pa ang sikat ng araw sa bandang alas tres ng hapon ay mainit pa rin.

South Boys #4: TroublemakerWhere stories live. Discover now