2 | Samahan ng mga Alkemista

30 5 0
                                    

Walang nagbabantay sa labas ng Tore ng Alkemista

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Walang nagbabantay sa labas ng Tore ng Alkemista. Walang nangangahas na gumawa ng gulo dito. Sapat na ang mga nakatagong pwersa sa loob para ang Samahan ng mga Alkemista ay maging isa sa pinakaligtas na lugar sa Tianshui.

Itinulak niya ang pinto at pumasok. Mas malaki kaysa sa hitsura nito mula sa labas ang maluwang na bulwagan sa loob. Mas naging masigla sa loob ng tore ang ingay ng mga tao, na nagbigay sa kanya ng pakiramdam na parang bigla siyang nakapasok sa isang mataong pamilihan mula sa isang tahimik na kanayunan.

"Maligayang pagdating sa Samahan ng mga Alkemista!"


Isang malamyos na boses ang pumasok sa kanyang tenga. Nakita niya ang isang magandang babae na may magarang damit at matamis na nakangiti sa kanya. "Ano ang maipaglilingkod ko sa'yo, mahal kong munting ginoo?"


Isa itong tagapagsilbi na mayroon ang bawat Samahan ng mga Alkemista, na dalubhasa sa pagtanggap ng mga bisita. Sa tuwing bumibisita siya sa samahan noon, palaging magalang na sumasalubong sa kanya ng nakayuko ang mga tagapagsilbi. Ilang taon na siyang hindi nakakita ng ganoon kakaswal at banayad na pagbati.


Bahagyang ngumiti si Yunxiao at sinabing, "Munting ginoo?"


Ngumiti ng matamis si Yao Lu sa binata. "Ikaw ang pinakabatang panauhin na natanggap ko kailanman! Maaari ba kitang tulungan?" Bagama't maganda ang ngiti sa kanyang mukha, mas binibigyang pansin niya si Yunxiao sa loob-loob niya.


Karaniwang kinakabahan at nasasabik ang mga taong unang pumupunta sa Tore ng mga Alkemista. Mas maingat naman ang mga bata at nagtatago sa tabi ng mga matatanda upang manood. Walang sinuman ang tumingin sa paligid ng bulwagan sa sandaling pumasok sila tulad ni Yunxiao, na kalmado at may payapang hangin. Malinaw na pag-uugali ito ng isang taong sanay sa mga magagarbong tagpo.


Matapos magtrabaho bilang tagasilbi sa Samahan ng mga Alkemista sa loob ng maraming taon, marami na siyang nakasalamuhang tao galing sa mataas na antas ng lipunan. Sinanay din niya ang sarili na kumilatis ng tao. Binigyan niya ng mataas na pagtatasa si Yunxiao.


"Hinahanap ko si Di Yang. Andito ba siya?" mahinang tanong ni Yunxiao habang gumagala ang mata sa bulwagan.


"Di... Panginoong Di Yang?" Muntik nang makagat ni Yao Lu ang dila. Mataman niyang tinitigan ang binata ng ilang sandali. Bagaman pakiwari niya na pinaglalaruan siya nito, nagsasabi ang kaswal na akto nito na wala itong ibang ibig sabihin. "Ang dating pinuno na si Panginoong Di Yang ba ang tinutukoy mo?"


"Dating pinuno? Kung gayon, wala na siya dito?"


May kislap ng paggalang ang dumaan sa mata ni Yao Lu. "Matagumpay na nakasulong patungong ikaapat na gradong alkemista si Panginoong Di Yang dalawampung taon na ang nakalipas. Kaya naman inilipat siya sa punong-tanggapan ng Samahan ng mga Alkemista," sabi niya na may pananabik habang nasa dibdib ang kamay at namumula ang pisngi.


Malaking abala ito... Hihilingin sana ni Yunxiao rito na gawan siya ng tabletas na gagamitin niya para makawala sa kasalukuyan niyang antas. Sa tingin niya, siya na mismo ang gagawa ng paraan para mabuksan ang mga natutuyo niyang meridyan.


Tinitingala siya sa dati niyang buhay sa buong kontinente ng Tianwu bilang isang dalubhasa sa Sining ng Pakikidigma at Alkemiya. Hindi lang siya isang siyam na gradong alkemista at isa sa pitong gabay ng Samahan ng mga Alekmista, hindi rin magawaran ang mga nagawa niya sa Sining ng Pakikidigma na nasa rurok ng Pangsiyam na Panlangit na Estado. Dahil dito, ginawaran siya ng bansag na Manlulupig na Pinakadakilang Makapangyarihan ng banal na lungsod at nakahanay sa sampung pangunahing dalubhasa ng kontinente ng Tianwu.


Maging ang aking mga taga-sunod ay kilalang tao sa mundo.


At ngayon, nauwi ako sa isang basura na mayroong baradong meridyan...


Ang katawang ito ay nasa labinlimang taong gulang na. Kung hindi ko malilinis ang mga meridyan sa lalong madaling panahon, mas mahihirapan ako na ibalik ang tugatog ng aking lakas.


Magkagayunman, ang pagbubukas ng aking mga meridyan ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin ko sa ngayon.


"Mayroon akong listahan ng mga halamang-gamot. Pwede mo ba akong tulungan na maghanap ng mga ito? Kailangan ko ng sampu ng mga ito."


Binasa ni Yao Lu ang listahan at saka siya biglang tumawa. "Munting ginoo, hindi kaya nagkamali ka sa binigay mong listahan? Nasa samahan na ako sa loob ng tatlo o apat na taon, ngunit hindi ko pa naririnig ang mga pangalan sa listahan."


Mabilis na nagalala si Yunxiao. Kailangan niyang magtimpla ng gamot para linisin ang kanyang meridyan. Alam niyang maliit na sangay lang ito ng samahan at tiyak ng wala ito ng mga pambihirang sangkap na kailangan niya. Kaya naman, mga kahaliling sangkap lang ang inilista niya. Sa huli, bigo pa din siya.


"Yao Lu, sino ang kausap mo?"


Isang lalaki na may itim na roba ang lumapit sa kanila. Tipikal na pang-alkemista ang roba nito. May nakasabit na bilugang sagisag sa dibdib nito. Makikita sa ibabaw ng sagisag ang matingkad at nakakasilaw na pulang marka. Tumitigil ang lahat ng nakakakita rito at sumasaludo bilang tanda ng paggalang. Kalmado ang mukha nito at maaliwalas na naglalakad. Kung titingnang mabuti, sa sagisag sa kanyang dibdib nakatingin ang mga tao, puno ng paghangga at inggit.


Pinikit ni Yunxiao ang mga mata at ngumiti. Ito ang sagisag ng isang unang gradong alkemista, isang simbolo ng katayuan. Ang sinumang may suot ng sagisag na ito ay igagalang saan man sa kontinente ng Tianwu. Katulad ng sa mandirigma ang pamunuan ng mga alkemista— nahahati rin sila sa siyam na baitang at magkapareho ng bansag. Malinaw na isang unang gradong alkemista ang lalaki.


Lumingon si Yao Lu at sinulyapan ang pulang sagisag sa dibdib ng alkemista. "Panginoong Rong Jia! Humihingi ng tulong para maghanap ng mga sangkap ang ginoong 'to."


Kinuha ni Rong Jia ang listahan at pinaraanan niya ito ng tingin. Pagkaraan ng ilang saglit, bahagayang siyang sumimangot, nilukot ang papel at saka ito itinapon. "Anong kahibangan ito? Hinahanap ka ni Panginoong Liang, magmadali ka!"


Nagulat si Yao Lu nang marinig na hinahanap siya ni Liang Wenyu. Agad siyang nagpaalam. "Masusunod!"


Nagmadali na siyang umalis at saka nakahinga ng maluwag. Maging si Panginoong Rong Jia ay hindi kilala ang mga nasa listahan. Mukhang nanloloko lang ang binata. Nakakatawa na ang dami kong sinayang na oras sa kanya.

ANCIENT ONEWhere stories live. Discover now