'Di Ko Kasalanang Mahal Kita | PAPA ERAN

0 0 0
                                    

Nakakunot na naman ang noo ng isang ginoong itinatanggi ang masalimuot na tagpo. Siraulo ba 'to o ano? Hindi ko mapagtanto.

Habang walang pahingang paulit-ulit na humahampas sa kan'yang isipin ang mga alaalang nagpapaalalang hindi ikaw ang gustong makasama,
Na parang alon sa dalampasigang dumadarating at umaatras din naman, depende sa lakas ng hanging may ipinaparating na mensaheng umahon ka na!

Nanatili s'yang nakangiti at singungaling. Hindi ka marunong lumangoy! Ayaw mo lang aminin. Pabasta ka na lang itinapon sa malalim at imbis na sabihing "tulong", ang binigkas mo pa'y "wala lang ito".

Hindi ka pa rin umaahon sa katotohanang maalat ang tubig at hindi mo kailangan lunurin ang sarili mo, sumisid hanggang sa pinakailalim nagbabakasakaling mapatunayan mong kaya pa ng baga mong kontrolin ang hangin kahit gipit na gipit ka na.

"Hindi! Lahat naman natuto." Pagmamaktol niyaong tao na mayroong matibay na motibo na nagwiwika sa mga bagay na hindi naman niya kontrolado:

"'Di ko kasalanang mahal kita," pagtatangging ipinahayag ng puso n'yang puno na ng galos kakalagpak sa mga matitilos na bato.

"Paborito ko rin pala ang kape," pagpapaliwanag n'ya kahit ang totoo ay mahina ang puso n'ya sa ganito.

"Gusto ko rin ng matamis," sambit niyang may halong paninidigan kahit ang totoo ay maanghang at mapait ang kinasasabikan niyang matikman- lahat ng mga ito ay pilit niyang pinabubulaan dahil takot siyang mapagbintangan na hindi marunong makibagay.

May dahilan kung bakit maalat ang dagat at ang luha.
May dahilan kung bakit malayo ang tala, kung bakit masakit ang madapa at magkasugat- pero wala nang dahilan para magmaang-maangan at tumanggi pa.

Kaunting kirot lang naman ito, malayo sa bituka. Magagawa pang tumawa, makihalubilo sa ingay ng iba at gumalaw na parang normal.

Marami akong ginagawa at hindi ako hihiga lamang at tutunganga sa kawalan dahil kasama mong nawala ang ulirat ko at kapayapaan.

Minsan lang kita maiisip; hindi sa paggising, hindi bago matulog, hindi sa bawat sandali, hindi parati.

Sandali lang naman ito. Hindi ako maglalaan ng mahabang panahon para masaktan sa taong dati naman ay hindi ko rin lubusang maunawaan.

Hindi ako umiiyak, hindi ako naiinggit, hindi naman ako gabi-gabing nadudurog sa pagkawala ng dating alab ng mga braso at dibdib nating nagdidikit na sumasalubong at uuwi rin sa mahihigpit na mga yakap at oo, hindi ako nanlalamig sa pagkatunaw ng pagtitig ng ating mga mata na kung magtatagpo ngayon ay iiwas at yuyuko na na para bang hindi na tayo magkakilala.

'Di ko na kailangan kalimutan ka dahil tanggap ko naman ang lahat.
'Di ako pagod. 'Di ako naguguluhan.
'Di ako nasasaktan. 'Di kita hinahanap-hanap.
Pangako, 'di ko kababaliwan ito.

Dahil 'di rin naman kasalan ang mahalin kita. 'Di ko kasalanang mahal kita.

____________

Date Finished: 20 Sept 2023 | Wednesday

Mga Tula Ni Papa EranWhere stories live. Discover now