Muling nanumbalik ang yamot sa magandang mukha nito nang gumawi ang tingin sa kanya na para ba siyang hindi kaaya-ayang bagay sa paningin.

"Gusto ko lang makita kung saan mo itinataho ang iyong babae." Mariin niyang itinikom ang bibig para pigilang mapangiti. Ramdam niya ang selos nito.

"Ipagpapatuloy pa ba ang selection? Mukhang may nanalo na sa puso ng prinsesa," sinabi niya ang panunuksong iyon kay Baltazar sa wikang Filipino na mukhang nagsindi sa mitsa ng pinipigil na galit ng babae.

"Are you going to bring her in the present time?" she continued teasing Baltazar, and this time she spoke in English.

"Lapastangan!" galit na sabi ng babae sa kanya.

"Hey, relax! Wala kang dapat na ikagalit. Si Baltazar ay kaibigan lamang." Nilapitan niya si Hieronimos, hinawakan ito sa braso.

"May nobyo ako." Kung agad na nawala ang galit ng babae ay gulat naman ang mayroon sa mukha ni Baltazar higit kay Hieronimos. Matamis niyang nginitian si Hieronimos.

"Nobyo kita sa panahon ko. At babalikan kita sa oras na makabalik kami." Bahagya lang itong tumango bilang pagsang-ayon.

"Siya nga pala, Beatrix, may dala ako para sa 'yo." Inabot ni Baltazar ang isang puting supot na gawa sa seda.

"Nakita ko sa isang tindahan. Mas bagay 'yan sa 'yo kaysa diyan sa itim. Para naman hindi ka lalong kinatatakutan." Binuksan niya iyon at kinuha ang kulay pulang seda. Nang iladlad niya ay noon niya nakitang isa iyong mahaba na pulang hooded cloak. Gawa iyon sa lana habang ang loob ay yari sa bulak. Mainam sa malamig na klima.

"Wow! Nice. Para ako nitong si Red riding hood kapag isinuot ko."

"I'm glad you like it."

"Para pala sa kanya ang bagay na iyan?" pagsabat ng infanta.

"Tinanong kita kung bagay sa akin ang pula pero sinabi mong kunin ko ang gusto kong kulay," sumbat nito kay Baltazar. Ang mga mata kahit na galit ay napakaamo pa rin.

"Bagay sa 'yo ang kulay na paborito mo, Infanta Maria Barbara. Angkop sa maamo mong mukha ang mapusyaw na kulay." Ang maamo nitong mukha ay higit pa ang pag-amo nang mawala ang galit. Mukhang may gusto ito kay Baltazar at kung tama ang hinala niya ay wala ng silbi pa ang pagpapatuloy sa selection dahil may nanalo na. Mapapagod lang ang mga kakompensiya ni Baltazar gayong si Baltazar na ang tiyak na pipiliin. Ang kaso lang paano na lang kapag nakabalik na sila ni Baltazar sa kanilang panahon? Pero paano rin kung umaasa na lang siyang makabalik nga?

***
PINUNTAHAN ni Beatrix at Hieronimos ang baryo kung saan nakatira si Peter at Thomas. Nadadaanan lang ito sa patungo sa kabayanan. Maliit ang baryo. Kakaunti lang ang tao. Malapit lang ito sa bungad ng gubat  at hindi lalagpas sa ilog. Sa parteng ito naroon ang Elysium at ang baryo na ito na walang pangalan. Baryo lang itong tinatawag ng mga tao rito. Nakakaawa ang lagay ng mga tao rito dahil sa pandemya. Nagkakahawaan ng sakit. Nilalagnat. Nagsusuka at nagtatae. Ang iba naman ay nagkakaroon ng paltos sa balat.

Naalala niyang sinabi ng ama ni Celtici na may magaling na manggagamot sa Elysian kaya ginawan niya nang paraan para makausap at makumbinsi itong tulungan ang mga taga baryo sa tulong ng ama ni Celtici. Napapayag niya naman si Columban na kasalukuyan ngayon ginagamot ang ibang may sakit sa labas. Siya naman ay nasa munting bahay nina Thomas, kinakausap ang ama nitong nakaratay.

"Celtici, halikan mo si ama katulad ng ginawa mo kay Hieronimos," paghihimok sa kanya ni Thomas. Humakbang siya palapit sa nakaratay na lalaki pero natigil din nang may kamay na dumapo sa kanyang balikat at pumisil.

"Hindi epektibo ang halik ni Celtici. Ginagawa iyon sa ibang kaso." Nilingon niya si Hieronimos. Mapanganib ang anyo nito dahil sa matalim na mga mata na para ba itong galit. Ngumiti si Celtici saka ibinalik ang tingin kay Thomas na nakatayo sa gilid ng papag na kinahihigaan ng ama.

A Vidente Where stories live. Discover now