Kabanata 13 : Kasintahan

17 3 0
                                    

"BINIBINI..."

"Shhhh!" saway ni Krayola kasabay ng iba nang bigla na lamang magsalita si Enrico sa gitna ng silid-aklatan. "Kung magrereklamo ka na naman diyan sa suot mo, mamaya mo na lang ako kausapi, okay? Magtiis ka muna diyan sa suot mo at may hinahanap akong importante dito sa libro na ito," dugtong ni Krayola sa pabulong na paraan sabay turo sa libro.

"Maari ko bang malaman kung ano ang hinanap mo?" tanong nito sa mahina na boses matapos suriin na naman ang damit na suot. "Dahil sa totoo lang ay nangangati na talaga ako sa suot ko, Binibini. Hindi ako sanay magsuot ng ganito."

"Hinahanap ko ang pangalan mo, Ginoo," sagot niya para matigilan si Enrico nang ilang segundo.

"A-Aking pangalan?" tanong nito habang turo ang sarili. "Ngunit bakit, Binibini? Anong mayroon sa aking pangalan?"

Nag-isip si Krayola habang himas ang baba. "Parang nabasa ko na ang iyong pangalan sa isa sa mga makalumang libro ng sining noong ako pa ay nasa kolehiyo. Iyong libro ang hinahanap ko."

"Katotohanan ba iyang sinasabi mo?"

Napailing-iling si Krayola at pinatirik ang mga mata sa iritasyon. "Ano ba ang tingin mo sa akin? Manloloko? Joker? Siyempre naman, 'no. Noong unang beses ko narinig ang pangalan mo, alam kong pamilyar na ito sa akin. Na parang nabasa ko na ang iyong pangalan noon sa isang libro o narinig ko na sa kung saan. Kaya iniisip ko ngayon kung saan ko iyon nabasa para ipakita sa 'yo."

"Pero makakaya mo ba na hanapin pa iyon, Binibini? Patong-patong ang libro na nasa iyong harapan. At kanina pa tayo rito sa pagkakatanda ko," ani Enrico habang nakatingin sa mga libro. "Kailangan mo ba talagang mahanap iyon? Ganoon ba talaga iyon kaimportante?"

"Hindi ba at nangako ako na papatunayan kong karapatdapat ka na maging guro? Ito ang ginagawa ko ngayon," sagot ni Krayola at desidido na tumingin sa kanya.

"Pero pansin ko napapagod ka na, Binibini. Nag-aalala ako. Mahigit-kumulang na bienteng libro na ang iyong nabuksan pero hindi mo pa rin natatagpuan ang hinahanap mo. Baka napapagod ka na," wika ni Enrico para mapangiti siya rito.

"Nako. Kung hindi ko lang alam na isa kang maginoo lalaki at galing ka sa nakaraan ay baka nahulog na ako sa mga salita mo," natatawang wika ni Krayola sabay umiling-iling sa harap nito. "Huwag ka mag-aalala. Nakaupo lang naman ako at mata lang ang ginagamit ko. Madali lang ito."

"Hindi ko mapigilang mag-alala. Paano kung mahanap mo na ang iyong hinahanap at hindi pa rin ako napapayag?" tanong ni Enrico. "Masasayang lang ang pinaghirapan mo. Nag-aalangan pa rin ako sa alok mong pagiging aking estudyante, Binibini."

"Kung hindi kita mapapayag? Eh 'di gagawa ulit ako ng paraan para mapapayag ka. Nangako ako na kukumbinsihin kita, hindi ba? At hindi ako titigil hanggat hindi ka napapapayag. Isa pa, para naman ito sa aking pangarap. Lahat ng ginagawa kong ito ay para sa aking pangarap at ikaw bilang aking guro ay ang magiging simula niyon," wika ni Krayola sabay ibinalik na ang mga mata sa libro at naghanap. "Kung nababagot ka, may dala akong lapis at malaking papel. Libangin mo ang sarili mo sa pagguhit dahil hindi ako aalis dito hangga't hindi ko nahahanap ang pangalan mo."

Wala ng nagawa si Enrico kundi sumang-ayon. Pinulot nito ang lapis at papel pagkatapos ay gumuhit nang tahimik. Nang hindi na ito nagsalita ay nagpasalamat si Krayola hanggang sa lumipas ang ilang oras at pinagkaguluhan na ito ng mga kababaihan nang madiskubre ng mga ito ang aking-galing ni Enrico sa pagdidibuho. Isa-isa na ang mga itong nagpaguhit kay Enrico na naging dahilan ng ingay sa silid-aklatan.

Hindi niya na iyon pinansin hanggang sa halos dumugin na ito ng mga kababaihan na naroon. Dalawang babae na ang nakakapit rito at ni isa ay hindi man lang nito sinaway ng binata. Hindi alam ni Krayola ang nangyari nang bigla na lamang ang uminit ang kanyang ulo at tumikhim nang malakas para kunin ang atensyon ni Enrico. Hindi siya pinansin ng binata hanggang sa padabog na inilapag niya ang libro na hawak sa mesa.

Arts and GoodbyesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon