Chapter 7

24 4 1
                                    

CHAPTER 7

Yna

"Maggagamitan tayo? Iyon kasi ang intindi ko."

Nabigla ako sa sinabi ni Riguel. Nablangko rin ako saka nawala sa isip. Siya naman ay parang binuhusan ng malamig na tubig, parang may napagtantong hindi mawari. Inayos pa nga niya ulit ang sombrero niya.

Sa puntong iyon ay hirap na siyang makatingin sa akin. "T-That's not what I meant." Nautal siya.

Naunawaan ko naman. Marahil ay naisip niyang mali ang termino na ginamit niya.

"Oo. Parang ganoon na nga: maggagamitan."

"Wala akong kailangan sa iyo, Cat—Caterina." Iyong klase ng tingin na ipinukol niya sa akin kahapon ay nakita ko na naman. Pero mas natuon ang pansin ko kung paanong mula sa direktang tono na ginamit niya, nauwing bigla sa pag-utal-utal nang bigkasin niya ang pangalan ko.

Noon niya isinara ang pinto ng kotse niya saka hinarap ako muli. "Ikaw, Cat. Ikaw ang may kailangan sa akin."

Hindi pa man ako nakakapagbigay ng reaksiyon ay tumalikod at naglakad na siya.

Nagpatianod naman akong sumunod sa kanya, taas ang isang kilay. "So, ano iyon? Tutulungan mo lang ako nang walang kapalit?

"Hindi lahat ng bagay, e, dapat may kapalit." Doon sa entrance ay nakaharang kami. "At bakit ba gusto mong mapalapit sa tiyahin ko?"

"Ganoon naman talaga ang rule ng buhay, hindi ba? Give and take?"

Pumasok na siya. Sumunod ako muli.

Pero muli't muli ay humarap siya sa akin nang makarating kami sa mesa kung saan ako napuwesto kanina. "Hindi mo sinagot ang tanong ko: bakit gusto mong mapalapit sa tiyahin ko?"

Atrasado akong sagutin ang tanong.

Adrenaline rush. Iyon ang dahilan kaya ko sinabing tulungan niya ako sa tiyahin niya. Malinaw na kasing wala na talaga kami ni Cas, na ayaw na niyang maayos pa, at ngayon ko lang iyon natanggap.

Mula nang dumating ako rito sa Tarlac saka napagtantong hindi lang basta pangmamata ang gagawin sa akin ng asawa ni Dad kundi maging alipin sa Palazzo, pinagsisihan kong bigla ang pagpunta rito. Nasa unang gabi pa lang ako ay hindi na ako nakatiis na hindi padalhan ng text message si Cas. Inaabot palagi ng ilang oras ang reply namin sa isa't isa. Sobrang civil. Pero kahapon ay dumating na ako sa puntong pinapupunta ko siya rito, at mag-usap kami—ng tungkol sa amin. Nag-set pa ako ng eksaktong oras at lugar kung saan kami magkikita.

Hindi siya nag-reply. Masabi mang ganoon ang nangyari, kilala ko si Cas—pupunta siya kaya nakiusap ako kay Manang Lupe na ako ang mamamalengke ngayon.

Umasa akong magiging okay pa kami. Iyong pagpapalakas ko ng loob sa sarili, ganoon kadaling natibag kani-kanina lang.

Sa huli, hindi ko na alam kung ano ba ang mas masakit: iyong nalaman kong mas pinili ni Cas ang mapagod kaysa mahalin akong maghihintay siya, o iyong alam ko na kailan lang ay nasa palad ko na ang tsansang maabot ang pangarap ko para kay Nanay ay nawala na lang nang ganoon kadali, na iyong ideyang mamumuhay akong mag-isa ay posibleng mangyari.

Kaya, oo. Kailangan kong mapalapit sa tiyahin ni Riguel hangga't wala pa si Dad. Magbabakasakali akong umayos nang kaunti ang lahat habang hinihintay ko ang pagdating niya. Nahihirapan kasi ako sa Palazzo, higit pa roon ay nahihirapan na rin si Ate Kang. Kada-trabahong binibigay sa amin ni Emilia, parati siyang hinahapo. May hika siya at bawal mapagod.

Plano ko nga sanang isama siya pabalik sa Cavite kung sakaling magkakabalikan kami ni Cas. Hindi naman na mangyayari iyon. Wala pa rin akong pagpipilian. Mas gugustuhin ko pang tiisin ang masamang ugali ni Emilia; at least, masasabi kong totoo ang ipinapakita niya kumpara sa mga taong maaari ko ngang takbuhan pero hindi ko masabing katiwa-tiwala.

Mantovani Maids: Caterinaحيث تعيش القصص. اكتشف الآن