Chapter 2

37 4 2
                                    

CHAPTER 2

YNA

NAWAWALA. Iyon ang estado ko sa kasalukuyan. Kabibigay ko lang ng kopya ng deposit receipt sa client. Aware akong nabati ko siya ng "have a nice day". Lalong alam ko rin na mayroon pang susunod na client ang dapat kong harapin.

Alas dose na ng tanghali, ayon sa digital clock na nasa pader sa kabilang panig ng silid. Paparami nang paparami ang mga tao. Iyong iba, magwi-withdraw ng malaking halaga ng pera, ang iba ay magbubukas ng account, pero karaniwan ay mag-a-apply ng loan.

Dalawang taon na akong bank teller. Dalawang taon na akong nagtatrabaho sa bangkong ito kung saan din ako nag-intern noon. Araw-araw ay iisa ang routine kaya saulado ko na lahat. Maski ang ibang mukha ng mga client na pumupunta rito, kahit iyong mga pusang gala sa labas ng bangko, lalong-lalo na ang daang tinutunton ko papasok sa trabaho at pauwi sa bahay ay sauladong-saulado ko na.

Kumbaga, alam ko kung nasaan ako, kung ano ang ginagawa ko. Pero sa dumaang apat na araw, nawawala ako na parang isang batang hinahanap ang ina. Sa beinte dos na taon akong nabubuhay, sanay akong parating nariyan si Nanay. Inabot ko ang mga naabot ko, at inaabot ang bagay na hanggang ngayon ay pinapangarap ko, dahil sa kanya.

Pero iyon nga... wala na si Nanay.

"Hoy, Yna, ano na? Mukhang hindi ka na naman tatayo diyan. Lunch break na."

Sa boses pa lang ay nawari ko nang si Ivan iyon, isa ring teller.

Kusang pumihit ako sa likuran. Kasama niya si Rica, isa sa mga loan processor. Kusang ngumiti ay kusa ring kumilos ang kamay ko para kunin ang aking bag. Sumobra marahil pagkaligaw ko ngayong araw. Hindi ko man lang namalayang mabilis na lumipas ang oras. Alas dos na pala.

Dios mio, hanggang kailan ba ako magiging ganito?

Ilang ulit ko na bang itinanong iyon? Ilang ulit ko na rin ba na hinanap ang sagot? Marami na. Sa sobrang dami ay hindi ko na mabilang pa. Sa halip ay nagpatuloy na lang ako sa pagngiti sa mga katrabaho ko. Tumatango at tumutugon din ako sa kung anumang pinag-uusapan ng dalawa hanggang sa makarating kami sa karinderiya na marahil ay kung saan sila karaniwang kumakain.

"'Buti naman at sumama ka na sa amin," si Rica, nakatanghod sa mga pagkaing nakahatag sa glass display cabinet. "Isang order nga po nito, 'te, itong adobong baboy. 'Tapos isa nitong binaggoongang talong. Ikaw, Yna? Ano sa iyo?"

Humugot ako ng hininga at nagbukas din ang bibig, pero sa huli ay hindi pa rin ako nakapagsalita. Sinasabi na ni Ivan kung ano ang ooder-in niya. Samantalang ako, nanatiling nakatitig sa mga pagkaing naroroon. Lahat sa mga nakahatag ay niluluto rin ni Nanay. Nagkataon lang talaga na hindi ako makapili.

Wala na si Nanay, Yna. Kailangan mo nang tanggapin iyon. "K-kung ano iyong in-order mo, ganoon na lang din sa akin."

Nagkatinginan ang mga kasama ko. Noon ko lang nagawang pansinin ang pag-aaalala sa mukha nila. Pilit na ngumiti akong muli saka nagpatianod papasok sa kainan, hindi pa rin maproseso sa isip iyong nais kong madama sa nakikita ko roon sa mukha nilang dalawa.

"So, ayun nga," pagkaupong-upo namin ay sabi agad ni Rica, "'buti naman at sumama ka sa amin. Akala ko kanina, tatanggi ka ulit."

"Ay! Ako rin," si Ivan. "Two years na tayong magkakasama sa trabaho, ngayon ka lang namin nakasama sa pagkain dito."

No choice kasi ako. Nauta ako sa apat na araw na puro hotdog ang binabaon ko. Bukod sa pritong itlog ay hotdog lang ang kaya kong lutuin.

"Hindi ako nakapagluto." Kaswal lang ang pagkakasabi ko pero itong dalawa ay nag-aalalang tingin na naman ang ibinibigay sa akin.

Mantovani Maids: CaterinaWhere stories live. Discover now