chapter 4

12 5 0
                                    

Napakunot ang noo ko nang marinig na tunog nang tunog ang doorbell. Nang tignan ko ang mga kasama ko sa kwarto, hindi man lang sila gumalaw kahit na ang ingay. Napailing nalang ako at lumabas na ng kwarto para tignan kung sino ba ang nasa labas.

Napaawang ang labi ko nang makitang si Aaron pala ang nagdo-doorbell. 

"Hello," bati niya sa akin nang buksan ko ang pinto. Natawa siya nang makita ang gulat kong mukha. 

Sino ba namang hindi magugulat kung may darating kang bisita ng 5 AM at wala man lang pasabi?!

"Anong ginagawa mo rito?! Ang aga mo naman! Alas-singko pa lang ng umaga para mangulit, Aaron!" sabi ko kaya naman natawa siya at prenteng umupo sa sofa na akala mo ba taga rito siya.

"Nandito ako para bisitahin si Leah." sabi niya habang iniikot ang mga mata sa loob ng condo na para bang first time niyang makapunta rito. 

Si Aaron ang dating kaklase namin noong high school kami. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nahihiwalay sa amin dahil sunod siya nang sunod, lalo na kay Leah.

"Bakit mo hinahanap si Leah? Anong gagawin mo sa kanya? Anong ginagawa mo rito ng ganitong oras?" sunod-sunod kong tanong habang nakataas ang isang kilay at naka-krus pa ang dalawang braso sa dibdib.

"Nandito ako para kamustahin siya." sagot niya lang.

"At bakit naman?" masungit kong tanong. Napatingin siya sa akin at mahinang natawa.

"Kasi may pinagdadaanan siya?" sarkastiko niyang sabi, patanong pa. Napairap nalang ako at pumunta sa kusina para magtimpla ng kape. 

"Tulog pa si Leah dahil napuyat kakaiyak kagabi. Gusto mo bang gisingin ko at sabihing nandito ka?" tanong ko sa kanya. Lumapit naman siya sa direksyon ko at umupo sa dining area.

"Huwag na, iintayin ko nalang siya na magising. Deserve niya rin naman ng pahinga." sabi niya naman habang nakatulala. Tumango nalang ako at hinalo na ang tinimpla kong mga kape.

"Kape muna sa umaga," pagbibiro ko at nilapag sa harapan niya ang kape.

"Uy, salamat," tumango lang ako sa kanya at umupo na rin sa upuan. "Ang init pala!" reklamo niya nang mapaso. Natawa ako sa kanya at napailing-iling. Kita mo naman nga 'tong taong 'to.

"Malamang kape 'yan! Nakita mo naman 'atang umuusok!" umirap ako sa kanya kaya natawa naman siya at ginaya ang mga salita ko.

"Lizze-"

"Leah!" kaagad na napatayo si Aaron sa kinauupuan niya para yakapin si Leah na kakalabas lang galing ng kwarto.

"Anong nangyayare rito?" tanong sa akin ni Leah, naguguluhan kung bakit nandito si Aaron. 

Natawa lang ako at nagkibit-balikat lang sa kanya. Tumayo ako at pumunta sa kusina para magluto na ng agahan. Pinipigilan ko ang tawa ko habang nagluluto dahil naririnig ko ng usapan nilang dalawa.

"Gusto mo ba sapakin ko ang mukha noong lalaking 'yon para sa'yo?! Aba! Malaki na pa naman 'tong muscle ko!" rinig kong pagyayabang ni Aaron kay Leah.

Natawa nang malakas si Leah at hininaan din nang mapagtantong may tulog pa. "Ang yabang mo naman."

"Totoo nga! Sabi mo sparing kami diyan sa may kanto. Ay teka lang! Diba mayaman 'yon?! Baka naman kidnappin ako ng mga tauhan niya tapos bigla akong itapon sa dagat at ipapatay?!" hindi ko na napigilan ang tawa ko.

"Ang O.A. mo naman! Hayaan na natin si Zeus, karma na ang bahala sa kanya." sabi naman ni Leah.

"Tama! Ipagdadasal ko nalang pala siya kaysa ayain siya ng sparing sa may kanto."

Falta De Tiempo | ellajasfWhere stories live. Discover now