THIRTEENTH WHAT IF

Start from the beginning
                                    

Nabali ko ang pangako ko.

Sorry, Eric. Sorry talaga.

"Allen. Ba't hindi ka pa pumapasok? Baka papakin ka ng lamok dyan,' narinig kong sinabi ni Ate kaya agad akong napalingon sa kaniya. Nakita ko naman ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya. "A-Anong nangyayari sa 'yo? B-Ba't ka umiiyak?"

Agad niya akong hininla papasok sa loob ng bahay. Kinapa ko naman ang mata't pisngi ko saka napatunayang umiiyak nga ako. Inalalayan ako ni Ate paupo sa sofa saka siya tumabi sa akin at niyakap ako.

"Len, nandito lang si Ate ha? Kung ano man 'yang pinagdadaanan mo, malalampasan natin 'yan. Hindi ka iiwan o pababayaan ni Ate." Marahan niyang hinahagod ang likod ko at hindi ko namalayang mas lalo pang nagsibagsakan ang mga luha ko.

Hindi ko alam pero nasasaktan akong isipin na iniwan ko siya. Paniguradong nasasaktan din siya kung totoo nga ang sinabi niya. Nangako kasi akong kahit anong mangyari ay hindi ko siya iiwan, pero 'yun pa lang ang sinabi niya ay agad akong umalis.

"Allen?" mahinang tawag sa akin ni Ate nang kahit papaano ay kumalma na ako. Pareho na rin kaming kumawala sa yakap saka nag-aalala niya akong tiningnan, mata sa mata. "Ayos ka lang ba?"

Hindi ko alam kung pwede ko bang sabihin sa kaniya ang tungkol sa bagay na iyon. Nakakakot din kasi ako na baka husgahan ako kaagad ni Ate kapag nalaman niyang natuwa ako sa pag-aming ginawa ni Eric.

Oo nga at hindi ako nagka-nobya kahit kailan dahil sa busy ako sa pag-aaral, pero alam ni Ate na may ilan-ilan din akong naging crush sa school at puro iyon na mga babae. Kaya hindi ko alam kung paano tatanggapin ni Ate kapag sinabi ko sa kaniyang may kakaiba akong nararamdaman para kay Eric—para sa isang kapwa ko lalake.

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan dahil kahit ako ay hindi ko rin alam kung ano ba talaga ang totoo at eksaktong nararamdaman ko. Noong una ay akala kong purong pagkakaibigan at pag-aalala lang ang nararamdaman ko para kay Eric, pero nang mas tumagal ang pagsasama namin ay napansin kong nagiging iba.

Mabilis akong maapektuhan ng mga ngiti at tawa niya. At ang ibig sabihin ko ng maapektuhan ay ang paghirap sa paghinga at pagbilis ng tibok ng puso. Noong una ay hindi ko pinansin dahil baka pagod lang ako o ano, pero hindi siya nawala, at sa totoo lang ay mas lumala pa iyon sa hindi malamang kadahilanan.

Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Ate na nagpatigil sa pag-iisip kom "Kung ayaw mong sabihin o hindi mo kayang sabihin, ayos lang din naman. Basta siguraduhin mong alam mong nandito lang ako kung may gusto kang kausapin ha?"

Huminga naman ako nang malalim habang nakatingin kay Ate. Kahit kinakabahan ay pinilit ko ang sarili kong magsalita. Kahit anong mangyari, ate ko pa rin siya at nakababatang kapatid niya pa rin ako. Sana lang ay hindi niya ako pag-isipan ng masama katulad panigurado ng ibang tao. "Kasi, Ate..."

Nginitian naman niya ako. "Kung hindi kaya, 'wag pilitin, Allen."

Umiling nama ako. "K-Kaya ko po pero sana hindi maging iba ang tingin mo sa akin."

Naging seryoso ang mukha ni Ate saka ako tinanguan. "Sige. Susubukan ko." That's enough for me.

"Kasi Ate... A-Anong mararamdaman mo k-kung malalaman mong nagkakagusto sa kaparehong kasarian ang matalik mong kaibigan?" Hindi ko pa rin pala kayang i-deretso.

Nakita ko namang ngumiti si Ate. "Normal. Ano ba ang dapat kong maramdaman?"

Nalilito ko siyang tiningnan. "Hindi ka mandidiri o maiinis?"

Kumunot naman ang noo niya. "Ba't ko naman mararamdaman 'yan? Una sa lahat, tao pa rin naman ang gusto niya. At pangalawa, sino naman ako para husgahan siya't magalit o mandiri sa kaniya? Buhay niya naman 'yun kaya kung ano ang ikasasaya niya, edi susuportahan ko siya."

Para naman akong nakahinga nang maluwag sa sagot ni Ate. So hindi niya ako huhusgahan kahit umamin ako?

"Yung matalik ko bang kaibigan sa scenario na 'yan eh bago pa lang na nararamdaman 'yung pagkagusyo niya sa kaparehong kasarian niya?" tanong naman ni Ate.

Agad akong tumango. "Medyo nalilito pa po siya sa nararamdaman niya pero mas malaki yung parte sa puso't isip niya na nagsasabing totoo niyang gusto 'yung taong 'yun."

"So parang ngayon mo lang na-realize na gusto mo si Kuya Eric?"

Tumango naman ako—saka agad na nanlalaki ang mga matang napatingin sa kaniya. "A-Ate..."

Nakita ko naman siyang napangiti saka napailing. "Ngayon mo lang talaga na-realize? Eh noong nakaraan pa nga ako nakakapansin eh. Grabe ka naman, Len. Kapatid ba talaga kita?" Mahina pa siyang natawa.

Ilang beses akong napakurap habang nakatingin sa kaniya. A-Ano raw? "N-Nakaraan?"

Tumango naman siya. "Oo. Nung nakasuot ka ng Mickey Mouse na polo shirt. Eh diba nag-dinner tayo nun? Nalaman ko kay Tita na paborito ni Kuya Eric ang Mickey Mouse." Muli siyang natawa. "Ang cute cute naman magpa-impress ng kapatid ko."

Isinara ko ang kanina pa pala nakabukas na bibig ko. "T-Teka... Hindi ka talaga galit o nandidiri sa akin?"

Muling kumunot ang noo niya. "Hindi nga. Kahit sino pa ang gustuhin mo, lalake, babae, bakla, tomboy, hindi magbabagong kapatid kita at si Dax Allen Acenas ka. Kaya kumalma ka lang."

Napabuga ako ng hangin dahil sa sinabi ni Ate. Sobrang luwag noon sa dibdib ko dahil tanggap niya pa rin ako kahit anong mangyari.

"Saka hindi lang naman ikaw ang nagkakagusto sa kaparehong kasarian eh." Ako naman ang kumunot ang noo hanggang sa ma-gets ko ang sinabi niya.

"M-May gusto ka sa babae?" Tumango siya. "Sino?"

"Sikretong malupet."

"Andaya. Kilala mo 'yung akin, Ate."

Tinarayan lang naman ako ni Ate. "Ikaw ang topic ngayong gabi, hindi ako. Saka na lang ako."

"Sige na nga."

Muli akong tiningnan ni Ate. "Oh eh bakit ka pala umiiyak kanina?"

Para tuloy bumalik ang lahat sa isip ko. "S-Sinabi niyang sa tingin niya ay gusto niya ako. Romantically, Ate."

Nagtataka niya akong tiningnan. "Eh ba't ka nga umiiyak? Tears of joy?"

Umiling ako. "I-Iniwan ko siya. Hindi ko sinabing gusto ko rin siya. Basta na lang akong umalis sa harap niya, sa mansyon nila."

"Bakit?"

Nagbaba ako ng ulo saka nakipagtitigan sa lapag. "Kasi mali, Ate. Hindi kami pwedeng magkagusto sa isa't isa."

"Sabi nino?"

"Ng mundo. Ng mga tao. Ng karamihan."

"Bakit ka nakikinig sa kanila? Sila ba ang nagpapakain sa 'yo? Sila ba ang nagpapaaral sa 'yo? Sila ba ang bumubuhay sa 'yo? Ba't mo sisirain yung kasiyahan mo dahil lang sa sinabing mali ng ibang tao?"

Agad kong inangat ang ulo ko't tiningnan siya. Nagsisimula na namang tumulo ang mga luha ko. "Pero si Tita Evelyn, Ate. Paano kung mag-iba ang tingin niya sa akin? Kay Eric?"

"Ipa-intindi mo sa kaniya," seryoso niyang sagot. "Saka mukha namang hindi magiging negatibo ang reaksyon ni Tita sa inyo. Alam mo naman kung gaano kabait si Tita."

"'Yun na nga, Ate eh. Paano kung magbago siya? Paano kung hindi na siya maging mabait dahil sa nararamdaman namin ni Eric?" Bakit andaming problema?

Umiling naman si Ate. "Kumalma ka nga. Saka mo na problemahin kapag nagawa mo na. Paano mo malalaman ang sagot sa mga tanong mo kung hindi mo susubukan?"

Ako naman ang umiling saka muling tumingin sa lapag. "Hindi ko na alam, Ate. Hindi ko alam kung ano ang tamang gawin."

Naramdaman ko ang pahinang tapik ni Ate sa balikat ko saka tumayo. "Kung saan sa tingin mo ang mas sasaya ka, 'yun ang piliin mo. Tandaan mo, Allen. Wala kang makukuhang maganda at matibay kung hindi ka marunong sumugal at makipaglaban."

Naiwan naman ako sa sofa at tumuloy na si Ate sa pagluluto. Hawak-hawak ko ang ulo ko at hindi ko malaman kung ano ang gagawin.

"Kung saan sa tingin mo ang mas sasaya ka, 'yun ang piliin mo."

Sa tabi ni Eric. Sa kaniya ako sasaya. 'Yun lang ang alam ko. So kung pipiliin ko siya, anong... Anong gagawin ko para makuha siya at bumalik sa tabi niya?

15 What Ifs [COMPLETED]Where stories live. Discover now