Sagupaan ng Kapangyarihan

3 1 0
                                    

Ilang oras na ang tinatagal ng digmaan, subalit ang labanan sa mahiwagang gubat ay saksi pa rin sa kung gaano ka-determinado ang bawat isa na maipanalo ang kanilang sariling adhikain sa labanang ito. Nais ng isa na maibalik ang kapayapaan sa minsang payapa na Sorceria, habang ang isa naman ay nais pagharian ang bawat isa sapul ng kanilang kapangyarihan.

Mabilis na nilamon ng lupa ang ilang mga sisellayan gamit ang kapangyarihan ng Reluvious, at ang iba pang mga kalaban ay pinatamaan nito ng ginintuang kapangyarihan. Sa sobrang lakas ng pwersa sa kapangyarihang inilabas ng aklat ay nagkanda butas-butas ang katawan ng mga sisellayan na natamaan nito.

Pagtapos ng ilang saglit, namataan na ni Brianna ang kaniyang mortal na kaaway matapos na maubos ang ilang mga kalaban sa paligid nito. Nakita niya itong naglalakad papalapit sa kaniya, dahilan upang gamitin nito ang aklat ng Reluvious upang magpatama ng ginintuang pwersa sa kaniya.

Magkagayon man, hindi tumalab sa kaniya ang kapangyarihang pinakawalan nito. Bagkus ay gumanti rin siya nang magpatama ito ng asul na apoy, dahilan upang tumilapon ito sa simula ng kanilang labanan ngayon.

"Wala ka nang laban sa'kin— Brianna," sabi ni Arthana. "Kahit hawak mo pa ang Reluvious ay mabibigo ka lamang na puksain ako— hindi mo na kami matatalo."

"Gagawin ko ang lahat upang matalo kita," balik ni Brianna sa kaniya. "Lalo na at nagngingitngit ako ngayon na maibalik ang katahimikan dito sa Sorceria."

"Iyan ay kung madadaig mo ako," hamon ni Arthana sa kaniya, kasabay ng paglitaw ng asul na apoy sa kaniyang kanang kamay.

Nagsimula silang magpalitan ng kanilang angking kapangyarihan. Gamit ang kapangyarihan ng Reluvious ay nagagawa nitong pantayan ang kapangyarihang mayroon ngayon ang katunggali nito. Sa katunayan nga, kahit na hawak nito ang Reluvious ay nahihirapan pa rin itong makipag-sabayan sa kapangyarihang ibinubuga ngayon ni Arthana.

Sa halip na magpatalo, ginamit na lamang ni Brianna ang kaniyang utak upang lamangan siya sa kanilang laban. Ipinatama nito ang kapangyarihan ng Reluvious sa lupa, at ito ay naging sanhi naman upang bumuo ng pansamantalang lindol na aabala sa kaniyang mga kalaban kabilang na si Arthana.

Sinamantala naman ni Brianna ang pagkakataon habang abala pa ito, at saka ito sunud-sunod na nagpakawala ng ginintuang kapangyarihan patungo sa kaniya. At panghuli ay ginamit naman nito ang lakas ng Reluvious upang pataubin ang iba pang mga kalaban sa paligid.

Sa kabilang dako naman ng digmaan, abala pa rin ang mga itim na sorcerer sa kanilang laban sa pamumuno ni Ilyanna bilang ang pinunong hukbo. Sama-sama nilang pinapaulanan ang mga kalaban ng kanilang itim na salamangka, habang ang mga makakalapit naman sa kanila rito sa timog ng kagubatan ay mabilis na pinapaslang ng mga taga-Cerulean gamit ang kanilang mga sibat.

"Ilyanna— nangangailangan ng tulong ang kanlurang panig ngayon," ulat ng itim na sorcerer, ito ay habang siya ay hinihingal na lumalapit sa kanila.

"Marami pa kami rito sa timog na bahagi," tugon ni Ilyanna. "Mga itim na sorcerer— sumama ang ilan sa inyo pabalik ng kanluran."

"Hindi n'yo na kailangang magbawas ng pwersa rito," sabi naman ni Adam. "Ang mga kawal ko na lamang mula sa Cerulean ang isama n'yo roon."

Lumisan nang muli ang itim na sorcerer, at sa pagkakataong ito ay kasama nito pabalik doon sa kanlurang labanan ang malaking bilang ng mga mandarayo. Tangka nilang pigilan ang nalalapit na pagbagsak ng kanilang panig doon, at ito ay dahil sa hindi nila kinakaya ang bagsik ng mga sisellayan doon katuwang pa ang mga kawal na gawa sa bato.

Sakto naman pag-alis nila ang pagdating ng mga polari sa lugar kung nasaan ang mga itim na sorcerer ni Ilyanna ngayon. Mabilis nilang pinabagsak ang ilang itim na sorcerer, ngunit agad din naman silang nakitaan ng kahinaan.

Reluvious: Ang Sigalot Sa Sorceria ᵇᵒᵒᵏ ᵗʷᵒTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon