Unang Kabanata

10 0 0
                                    

Halos okupado ang lahat ng mga upuan sa hapag kainan. Kung kanina pagdating ko'y tila nilulumot ang mansyong ito dahil sa kakulangan ng tao, ngayon nama'y nalulula ako sa dami ng nakikitang naggagandahang mga mukha.

Nagmumukha silang mga kakampon ni Adonis sa taglay na kagandahan ng parehong mukha at pangangatawan. Ang ilan ay halatang may edad na dahil sa maliliit na mga kulubot sa mukha, subalit papasa namang sugar daddy ang mga ito at paniguradong habulin ng mga chics noong kabataan nila. Hindi maipagkailang ang mga lalaki ay may halong dugong banyaga dahil sa hugis ng kanilang mga panga at ilong.

Tatlo lamang ang babaeng namamataan kong hindi rin naman papatalo sa kanilang mala-diyosang mga anyo. Napakapinong kumilos at para kang dinuduyan sa hinhin ng kanilang mga boses.

Kasabay si Reese at isang babaeng may bob cut na buhok, dahan-dahan naming nilakad ang hapag bitbit ang putaheng kanilang pagsasaluhan maya't maya. Inilapag ko ang aking dala sa gitna at umatras na upang dumiretso sa gilid kung saan kami nakatokang tumayo upang pagsilbihan ang mga bisita.

"Maraming salamat sa pagkain." saad ng babaeng nakaupo katabi ng kabisera. Hindi ko matukoy kung kanino siya nagpapasalamat sapagkat nakaharap lamang siya sa hapag at nakangiting binabaybay ng tingin ang mga putahe sa harpan.

"Shall we eat? Mukhang matatagalan pa ang uwi ni Javier." kausap ng babae sa lalaking nasa kabiserang sa tingin ko'y ang kaniyang asawa. Tumugon naman ng tango ang lalaki at nilahad ang kanang kamay sa hapag, senyales na maari na silang kumuha.

Pasimple kong dinilaan ang mga labi habang pinagmamasdan silang nagsalu-salo sa hapag.

Isang pirasong tinapay at C2 lamang ang aking pinanghalian kanina at planong itulog nalang sana ang aking panghapunan pagkarating ko rito sa mansyon. Subalit eto nga at hindi inaasahang makakapagtrabaho ako ngayong gabi dahil sa biglaang pagdating ng mga bisita.

Naramdaman ko ang pagkalam ng aking sikmura nang mamataan ang ginisang hipon na kasalukuyang pinagpapasahan sa hapag. Iniwas ko ang tingin dito at pinagmasdan na lamang ang malaking halaman sa aking tabi. Kagaya ko ay mukhang hindi pa ito nabibigyan ng tubig.

Lumipas ang ilang minutong kainan at magaang pagbabato ng mga tanong tungkol sa kanilang negosyo. Ramdam mo ang kanilang kasanayan sa paggamit ng wikang Ingles habang sila'y nagsasalitan ng kanilang mga pahayag at saloobin.

"Ro, check this out." dinig ko ang mahinang bulong ng lalaking nakaupo malapit sa aking kinatatayuan. Sa kanyang hitsura ay hula kong ilang taon lamang ang kanyang tanda sa akin. Sinisiko niya ang kumakaing katabi at may pilit na ipinapakita sa ilalim ng lamesa.

Inis itong nilingon ng lalaking nagngangalang Ro na naistorbo ang kain at sinilip ang sa tingin ko'y cellphone na ipinapakita ng lalaking kahawig niya.

Kung anuman ang nakita niya sa cellphone ay sigurong nakakagulat dahil bigla nalang siyang nabulunan at napaubo. Humagalpak ng tawa ang lalaking katabi habang pinagmamasdan ang kakambal na hinahampas ang dibdib at inaabot ang baso ng tubig.

Nang matapos uminom ay inis niya itong sinuntok sa braso. "What the hell, Ry?!" mahina niyang singhal sa lalaking hindi parin matapos sa katatawa dahil sa kanyang ipinakitang reaksyon.

Sa tapat nilang upuan ay matalim ang tingin sa kanila ng lalaking naka-high fade at kulay abong buhok. Sinipa nito ang paa ng lalaking tumatawa sa ilalim ng lamesa.

"Shut up, Ryder. You're laughing like a pig." magaspang ang kanyang boses. Sinenyas niya gamit ang ulo ang mga matatanda na mukhang hindi naman natinag sa malakas na pagtawa ni Ryder at patuloy paring nag-uusap.

Imbis na masindak ay binelatan lamang ito ni Ryder at ngising pinagpatuloy ang pagkain.

Hindi kalaunan ay narinig ko ang mahinang kalansing ng mga susi at yabag ng mga paang papasok ng silid. Tumahimik ang hapag na tila hinihintay ang pagdating ng panauhin.

When The Eyes SpeakWhere stories live. Discover now