Simula

24 0 0
                                    

"Pasok." matigas na utos ng babaeng hula ko'y nasa singkwenta pataas ang gulang dahil sa maabong kulay ng buhok at ilang mga kulubot sa mukha. Kunot-noo niya akong binigyan ng huling tingin mula ulo hanggang paa bago tuluyang tumalikod at pumasok sa loob.

Yumuko ako upang tingnan ang puting sandals na nabili kong 'Buy 1 Take 1' sa lumang tiangge bago ako lumisan sa aming probinsya at hindi maiwasang mapangiwi sa nakitang mga putik na nakadikit dito. Malakas ang ulan kanina sa byahe at hindi ko inaakalang maputik pala ang daan papunta rito.

Kung alam ko lang, hindi ko na sana sinuot ang bagong ukay na binili kong puting polo at dilaw na palda na hanggang tuhod ang haba. Natunaw ang polbong nilagay ko sa mukha na kadalasan ko lamang ginagamit upang magmukhang presentable, at ang bagsak kong buhok ay basta ko nalang itinali kanina habang nasa biyahe sa dyip.

Mariin akong napapikit at huminga ng malalim, nagbabasakaling sa ganito'y mawala ang inis at pagod sa katawan. Chillax.

Nang makuntento ay minulat ko ang aking mga mata at gigil na kinuskos ang aking sandals sa mabatong daan bago sumunod sa matandang mayordoma.

Doble ang pagkamanghang naramdaman ko nang tuluyan ko nang nakita ang loob ng bahay. Halatang mamahalin ang mga gamit na naririto at nakalulula ang mga antigong disenyong maihahantulad mo sa isang palasyo. Kita mo ang mga bakas ng espanyol na ternong-terno sa fountain na nakadisplay sa labas ng bahay. Nagmumukhang museo na nakikita ko sa mga brochure ang labas ng bahay dahil sa kulay warm white na mga ilaw na nakatutok sa bahay mula sa mga damuhan.

Lumipad ang aking kanang kamay saking bibig upang takpan ang nakaawang kong labi. Aba, kapag tinatansya ko'y, kasing laki ng bahay namin ang kanilang sala! Hindi, mas malaki pa!

Tiningala ko ang malaking chandelier na nakasabit sa gitna na kumikinang at nagmumukhang diyamante kagaya ng nasa palasyo ni Elsa sa Frozen.

Dumapo ang panignin ko sa likod ng naglalakad na mayordoma at napangisi sa ilalim ng aking palad nang naisip siyang kumekendeng at kumakanta ng 'Let it Go' habang nagwiwisik ng kanyang superpowers at gumagawa ng mga muwebles.

Mariin kong nilapat ang isang palad sa aking bibig upang pigilan ang bungisngis na kumakawala dahil sa naisip na kalokohan. Sinubukan kong abalahin ang sarili sa patuloy na paglinga sa paligid. Aksidenteng nahagip ng paningin ko ang malaking maletang ginuguyod at nanlalaking-mata itong dali-daling kinarga sa hiya nang makita ang nilikhang bakas ng putik sa puting tiles ng sahig.

Ay Diyos! Pagod ako sa biyahe at ayokong magsimula agad sa trabaho!

Laking pasasalamat ko ng walang lingon-likod na pumasok ang mayordoma sa isang malaking bukana sa kaliwang bahagi ng sala. Bitbit ang malaking maleta ay paika-ika kong sinundan ito papasok.

Ngayon ay binabaybay namin ang gilid ng isang napakahabang hapag-kainan. Kasya bente katao. Sa tingin ko'y ganoon din karami ang nakatira sa bahay na ito? Sa amin kase ay dalawa lang ang upuan sa hapag sapagkat dalawa lamang kami ni Nanay na naktira doon. Wala naman kaming bisitang nakikikain sa amin kasi wala naman kaming pagkaing maihahanda dahil kapos sa pera. Sapat na ang isang pack ng Sky Flakes at baso ng tubig para sa mga bisita. To-go.

Isang malakas na tikhim ang nagpagising mula sa aking pagmumuni-muni. Sinundan ko ang pinagmulan ng tunog at nakita ang matandang babaeng nakatayo sa malayong parte ng silid na may maliit na bukana sa gilid. Nakataas ang kaniyang kaliwang kilay at malaki ang mga matang nakatingin sa akin.

Hiya akong napangisi at tarantang nilakad ang kanyang kinaroroonan. Dumapo naman ang kanyang paningin sa dala kong maleta bago umiiling na pumasok sa loob.

Sa kusina ay may nadatnan akong babaeng nakaharap sa lababo at kasalukuyang naghuhugas ng mga pinggan. Nakasuot ito ng itim na damit na hanggang tuhod ang haba na may puting kwelyo at manggas. Sa kanyang baywang naman ay nakatali ang isang puting apron.

When The Eyes SpeakWhere stories live. Discover now