Patagilid niyang tiningnan ang mayordoma at bahagyang iniyuko ang ulo. "Magandang gabi, Manang." kanyang bati na sinuklian naman ng isang tango.

Mula sa sa isang screen door sa aming kanan ay lumabas naman ang isang babaeng may hanggang balikat ang haba na buhok. May dala itong mop at balde sa magkabilang kamay.

"Magandang gabi po, Manang!" bibong pagbati niya sa matanda. Sinuklian ulit ito ng matanda ng tango bago tumigil sa harapan niya.

"Reese, linisin mo ang putik na nagkalat sa sala at baka maabutan pa ng Señor." kasalungat ng kanyang pagbati sa akin ay malumanay niya itong iniutos sa batang babae na may kasamang tapik sa balikat.

"Opo, sige po! Uunahin ko po iyon bago lilinsin ang kusina. Baka sakaling dito maghahapunan si ser." tumatangong saad ng babaeng nagngangalang Reese. Dumapo ang tingin niya sa akin na bahagyang nanlaki ang mga mata sa gulat na may ibang tao palang kasama.

Kalaunan ay nawala ang gulat at napalitan ito ng isang matamis na ngiti. Bahagya niyang kinaway ang kamay na may dalang mop. Sinuklian ko ito ng isang tipid na ngiti bago niya tuluyang nilisan ang kusina.

Matapos ang ilang pasikot-sikot ay narating namin ang isang pasilyong may higit pitong puting pintuan. Huminto kami sa ika-apat na pinto sa dulo ng pasilyo at gamit ang susi ay binuksan ito ng matandang babae.

Bumungad sa akin ang isang puting silid. Tanging ang kama at isang maliit na lamesa sa gilid nito ang tanging mga muwebles na makikita mo. Sa isang gilid naman ay isang pintong sa tingin ko'y ang banyo.

Napakaputi. Huwag naman sana akong mamental dito.

Nilahad ng mayordoma ang susi na dagli kong tinanggap. Tinuro naman niya ang ang dingding sa loob ng silid kung saan naroon ang cabinet.

"Nasa loob ang magiging uniporme mo sa mga susunod na araw." kanyang saad. "Magpahinga ka na at alas singco ang oras ng trabaho bukas. Magandang gabi." dagdag pa niya bago tumango at tuluyan ng umalis.

Huminga ako ng malalim bago kinarga and maleta papasok sa silid at sinara ang pinto. Tinungo ko ang cabinet at binuksan ito. Bumungad ang apat na set ng nasasabing magiging uniporme ko.

Sunod kong pinasok ang banyo. Maayos naman. Walang lumalangoy na mermaid sa inidoro at hindi naman naglalabas ng ginto ang shower.

Hinarap ko ang salamin at napa buntong hininga sa nakita. Nabura ang liptint na nilagay ko kanina bago bumiyahe at nagmamantika ang mukha ko sanhi ng pinaghalong pawis at alikabok. Ang itinaling buhok ay nagmukhang pugad ng mga ibon na dinaanan ng napakalakas na bagyo.

Binuksan ko ang gripo at yumukod upang maghilamos. Pag-angat ng aking mukha ay nagtagal ang aking paningin sa babaeng nasa salamin. Sa ilalim ng mga mata'y makikita ang malalalim na eyebags dala ng gabi-gabing pagpupuyat mula sa pagtatrabaho sa isang 24/7 na tindahan sa probinsya. Sa umaga nama'y nakabilad sa araw upang makahanap ng kaliwa't kanang raket gaya ng pagdedeliver o kaya'y pagsuroy sa mga ibinebentang banana cue sanhi ng kulay kayumanggi kong balat.

Sa edad na bente dos ay marami na ang pinasukan kong trabaho. Huling taon ng aking pagkokolehiyo, labag man sa aking loob, ay napilitan akong tumigil sa pag-aaral dahil sa kakapusan ng pera pambayad ng tuition. Kinailangan kong tumulong kay nanay pambayad sa renta at iba pang gastusin sa aming pang araw-araw na buhay. Sa halip na mga libro at make-up ay walis at basahan ang aking nakasanayan.

Marami akong bagay na natutunan sa aga ng pagsabak ko sa realidad ng buhay. Minsan ay nakakapanghinayang subalit pinupursigi kong makapag-ipon. Kapag nakaluwag-luwag na ay ipagpapatuloy ko ang aking pag-aaral.

Ganito man ang buhay na nakasanayan, hindi ako nagtanim ng galit sa Kaniya. Naniniwala akong lahat ng pinagdadaanan ko ngayon ay may dahilan at may maginhawang kapalit sa huli.

Sa bawat problema ay laging may solusyon. Ang bawat pagsubok ay nakakayanan. Determinasyon at tiwala sa sarili ang dalawang bagay na laging pinapaalala ng Nanay na kailangan upang mabuhay sa masalimuot na mundong ito. Kaya naman lagi kong pinapatatag ang sarili at isinasaisip ang mga magagandang kinahihinatnan ng aking trabaho.

Nagpakawala ulit ako ng isang malalim na buntong hininga bago ngumiti sa sariling repleksyon. Hinawakan ko ang suot-suot na bracelet na gawa sa itim na sinulid at nilaro ang maliit na hugis bilog na bakal sa gitna.

Ito ang una at huling bagay na natanggap ko mula kay kuya na hindi ko na muli nakita simula ng maghiwalay ang aming mga magulang. Sumama kasi siya kay tatay, sampung taon na ang nakalipas. Wala kaming naging ugnayan sapagkat palipat-lipat kami ng tirahan sa probinsya gawa ng hirap sa buhay. Sinubukan ko naman siyang hanapin sa Facebook ngunit ibang litrato ang laging lumalabas. Bago kami naghiwalay ay nangako kami sa isa't-isa na magkikita kapag nakapagluwag-luwag na sa buhay at itong pulseras ang aming palatandaan sa isa't-isa.

Napaigtad ako sa gulat ng magkasunod na malalakas na katok ang narinig ko sa aking pintuan. Gamit ang laylayan ng aking puting polo ay ipinahid ko ito sa aking basang mukha habang nilalakad ang daan palabas ng banyo.

Pagkabukas ay bumungad ulit sa aking paningin ang problemadong mukha at magkasalubong na kilay ng mayordoma.

"Magbihis ka ng iyong uniporme at tulungan mo kami sa kusina. Dito maghahapunan ang mga Altamirano." dali-dali niyang utos at bakas sa kanyang mukha ang pagkatarantang nilisan ang silid.

Pasimple kong minasahe ang aking sentido. Mukhang mapapasabak agad ako ngayon sa unang gabi ng trabaho.





When The Eyes SpeakWhere stories live. Discover now