Kabanata 24

46 4 3
                                    


HINDI mawala sa isip ko ang naging usapan namin ni Allennon kahapon. Katatapos lang naming mag-meeting ng mga kagrupo ko sa Research para pag-usapan ang title at balak na sana namin iyong ipa-check kay Sir Domagso pero wala siya sa faculty. Tapos na ang klase ko para sa araw na ito at wala na akong ibang maisip na puwedeng puntahan. Wala ring nanggugulo sa akin dahil nagsabi si Joy na hindi siya makakapasok at masama ang pakiramdam.

Naupo ako sa park bench at pinalipas ang oras hanggang sa lapitan ako ni Lothaire. Tumabi siya sa akin at gaya ko, pinagmasdan niya rin ang mga puno na abot ng paningin namin. Walang nagsasalita sa amin. Kapuwa namin hinayaang mamayani ang katahimikan hanggang sa magpasiya akong basagin iyon.

"Nasaan si mama?" tanong ko.

"Nasaan ba sa tingin mo?" Hindi tumitingin sa akin niyang sagot.

"Balak niya ulit magluto sa susunod na araw at gusto ka niyang imbitahan, papayag ka ba?"

"Pupunta ako." Hindi makapaniwala akong humarap sa kaniya. Hindi iyon ang sagot na inaasahan ko.

"B-bakit?" Kung isa siyang Berbalang at hindi mabuti para sa kaniya ang pagkain ng tao, bakit niya tinanggap?

"Dahil kabastusan ang pagtanggi sa paanyaya." Hindi ako nakasagot. "Uuwi ka na ba o may balak ka pang puntahan?"

"Hindi ko pa gustong umuwi. Pero hindi ko rin alam kung saan ko gustong pumunta."

"Sumama ka na lang sa akin." Wala sa sarili akong pumayag.

Nagmaneho siya sa katamtamang bilis hanggang sa marating namin ang bukana ng isang gubat. Pagbaba ko pa lang ng sasakiyan ay hindi na maganda ang pakiramdam ko. Habang binabaybay namin ang daan papasok, para akong nauubusan ng hangin. Itong lugar na ito, sobrang pamilyar. Pakiramdam ko nakapunta na ako rito dati. Hinanap ko ang impormasiyon na iyon sa isip ko hanggang sa marating ko ang mga panaginip ko.

Nahinto ako sa paglalakad at nanigas sa kinatatayuan ko. Ito iyon . . . Ito iyong eksaktong lugar kung saan ako sugatang tumatakbo at hinahabol ng Berbalang. Nanginginig ang buong katawan kong tumingin kay Lothaire na tumigil na rin at humarap sa akin.

"G-gusto ko ng umalis dito," nanghihina kong sabi.

Tinalikuran ko na siya pero mabilis niyang nahawakan ang galanggalangan ko.

"Dito ka lang."

"Bakit, papatayin mo na ba ako rito?" akusa ko. Hindi ko naitago ang panginginig ng boses ko. "Sana man lang hinayaan mo akong makita si mama kahit sandali . . . Kapag napatay mo na ako, huwag mo na siyang pakikialaman. Ako lang naman ang kailangan mo, hindi ba?"

Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang mga salitang iyon. Imbis na tuwa o galit, lumbay ang kumikislap na emosiyon sa matalim niyang mga mata na gaya ng sa pusa. Malumanay siyang ngumiti, na unang beses kong nakita, saka nagpatuloy.

"Hangal. Sumunod ka na lang sa akin."

Natatakot ako pero kusang gumalaw ang mga paa ko pasunod sa kaniya. Pagkakita ko sa magandang talon, napawi ang lahat ng nararamdaman ko. Malakas ang pagbagsak ng sobrang linaw na tubig at maraming malalaking bato sa paligid ang nagkalat. May lumot ang ilan pero hindi iyon naging pangit sa paningin. Sa halip, lalo lang iyong nakadagdag sa ganda ng tanawin.

JanjiWhere stories live. Discover now