Kabanata 23

32 4 0
                                    


HINDI ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Sa loob ng kuwarto ni Timo ay wala siyang damit pang-itaas kaya kita ang mahahabang sugat na hindi ko sigurado kung matulis na kuko ba ang may gawa o ano. Sa lapag ay nagkalat ang mga gamit panggamot at kung ano-anong bago sa paningin ko; patalim na korteng alon at kuwintas na may malaki at bilog na pendant.

"Maupo ka muna," pagod na pagod ang boses niya, halatang hindi pa nakakatulog.

Imbis na magtanong, hinayaan ko siyang dalhin ang usapan. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na makaramdam ng awa habang tinitignan ang katawan at hitsura niya. Ibinalik niya ang medical kit sa loob ng cabinet saka tumabi sa akin. Hindi ko maalis ang tingin ko sa mga sugat niya. Mamula-mula pa iyon at halatang sariwa kaya malamang na bago lang iyon. Pero saan niya nakuha?

"Iniisip mo kung saan ko nakuha itong mga sugat ko?" aniya.

"Oo," sagot ko.

Itinukod niya ang siko sa kaniyang hita at sinapo ang mukha. "Siguradong magagalit si Verly kapag nalaman niyang sinabi ko sa iyo . . . Baka nga patayin niya pa ako."

Napanganga ako. "Bakit?"

Hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong sabihin pero nagsimula akong makaramdam ng galit para sa babaeng tinutukoy niya. Gusto ko na siyang hanapin at sugurin ngayon pero ano ang mabuting maidudulot no'n? Kasasabi lang ni Timo, papatayin siya ng babaeng iyon. At hindi siya nagbibiro.

"Ipangako mo muna sa akin na wala kang pagsasabihan na kahit sino." Humarap siya sa akin. Pagod pero kita ko ang apoy sa mga mata niya, desididong makuha ang salita ko bago magsimula.

"Ipinapangako ko."

"Sa kahit na sino."

"Sa kahit na sino," pag-uulit ko sa sinabi niya.

Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin bago siya nagsimula. "Si Verly, si Herbert at ang pamilya nila . . . Mga Manunugis sila . . ." Kumunot ang noo ko. "At nagdesisyon akong maging kaisa nila . . . Pinagbawalan nila ako na ipagsabi ang bagay na ito sa kahit na sino, pero heto ako, sinusuway ang utos na iyon dahil hindi ka nakikinig sa akin." Natawa siya.

"Hindi ko naman hiningi sa iyo na sabihin ito sa akin. Ikaw ang nagkusa," may diin kong sabi. "At kung wala naman itong kinalaman sa akin, hindi mo na kailangang ipagpatuloy. Aalis na ako."

Lalabas na sana ako ng kuwarto niya pero natigilan ako at napabalik ng banggitin niya ang pangalan ni Lothaire.

"Isa siyang Berbalang kaya dapat mo siyang layuan. Hindi ka magiging ligtas kasama siya."

Hindi agad naproseso ng utak ko ang mga sinabi niya. Si Lothaire isang Berbalang? Kaya ba nagkasakit siya noong kumain siya ng luto ni mama dahil hindi kaya ng sikmura niya ang pagkain ng tao? At iyong mga kakaibang napansin ko na sa kaniya noon . . . Pahiwatig ba iyon? Hindi, kabaliwan iyon.

"Sino ang nagsabi sa iyo?"

"Si Allennon . . . Siya ang nagsabi sa akin tungkol sa ginagawa nila Verly at sa tunay na katauhan ni Lothaire. Siyempre hindi agad ako naniwala. Pero pagkatapos ng mga ginawa kong pagsisiyasat, napatunayan kong hindi siya nagsisinungaling."

Hindi mawala ang pagkagulat na rumehistro sa buong sistema ko. "Si Allennon at Lothaire ay magkapatid!"

Nanlaki ang mga mata niya, halatang hindi inaasahan ang sinabi ko. "Imposible!" Tumayo siya.

JanjiWhere stories live. Discover now