Lalaki pala.

"Dito ka na," sabi niya sa lalaking katabi ko. Palabas na siya mula sa hanay ng inuupuan niya.

Nagpalit nga sila ng puwesto. Kaswal na umupo ang bagong katabi ko. Hindi siya nag-abala pang muli na tapunan ako ng tingin. Nakabaling lang iyong mukha niya sa harap.

Napairap ako sa ere. Mukhang mas maarte ang isang ito, pero hindi tulad noong isa, kung mas maarte nga itong bagong katabi ko ay mas bagay naman sa hitsura. Hindi ko ide-deny iyon. Bagay iyong kanina kong katabi sa pampublikong sasakyan, pero itong isa ay nakapagtatakang sumakay siya rito. Sa unang tingin pa lang ay klarong may sarili siyang kotse—mamahaling kotse. Mamahalin din kasi ang damit niya maski simpleng itim na shirt at itim na maong pants na pinarisan ng itim na baseball cup. Mamahalin din ang kutis; mas maputi pa sa akin at mas makinis. Mamahalin maski ang amoy niya.

Singkit.

Prominente ang panga.

Kung hindi lang siya nag-Tagalog, aakalaing Koreano siya na nahaluan ng ibang lahi.

Ngumiwi akong bumaling sa direksiyon ng bintana. Bakit ko ba sila pinoproblema? Mas malaking problema ang kakaharapin ko kapag nakarating na ako sa Tarlac.

Pihadong wala pa rin doon si Dad. Dahil kung naroroon na siya, dapat ay nagparamdam na iyon sa akin. Ang madadatnan ko roon ay iyong asawa niya—legal at tanging asawa ng aking ama.

Kung mayroon lang akong ibang puwedeng matakbuhan... Atrasado ako sa mga kamag-anak ni Nanay, lalo na sa mga ka-trabaho ko. Hindi ko sila kilala. Hindi sila katiwa-tiwala.

Sa puntong iyon, natulala na lang ako sa nadaraanan ng kinasasakyan ko. Madilim pa. Ayon sa relos na suot ko ay alas dos na ng madaling araw. Malamang ay alas singko ng umaga ako makakarating sa Tarlac.

***

"MISS, IYONG BALIKAT KO, NGALAY NA."

Unang bumungad sa paningin ko iyong puting headrest ng isang upuang nakatalikod. Matapos niyon ay nagsabay ang pag-uga ng paligid sa pagbalya ng katawan ko sa kung sino.

Lumilindol! Lumilindol! Pumikit ay bahagyang napatayo ako at kumapit kay Nanay. Itinabing ko rin ang isang kamay ko sa ulo niya.

Sisigaw sana akong muli dahil umuga na naman. Pero noong umalingawngaw iyong malakas na singaw ng hangin na sinabayan ng biglang pagtigil ng mga uga, napamulat ako.

Parang... parang air brake ng bus iyong narinig ko!

Mabilis na sa bintana tumungo ang paningin ko. Bus na puno ng pasahero na nagsisibabaan ang naroon sa labas. Sumisilip na rin ang araw; maliwanag na. Dios mio! Papunta nga pala ako sa Tarlac!

"Miss, n-nasasakal ako."

Mabilis na napabitiw ang mga braso ko sa kung saan ang mga iyon nakakapit. Halos umakyat ang dugo ko papuntang ulo. Sa lalaking katabi ko, sa kanya pala ako nakayakap! Namula na ang mukha niya kakaubo.

"Hala! Sorry po!" Alanganin akong daluhan siya. Pero wala pa man, itinaas na niya sa ere iyong isang kamay niya na parang inaawat ako sa kung anumang naisip kong gawin.

"Just s-stay away from me—" umubo siya ulit, inayos iyong brim ng suot niyang itim na sombrero na nawala sa ayos.

Dahil sa pagkapahiya, hindi na ako nakapag-react pa, lalo na nang magsitayuan ang mga pasahero at nakatingin pa sa direksiyon ko.

Nakakasora! Bakit ba kasi ako nakatulog?

Hindi na nawala sa isip ko ang kahihiyang pinaggagawa ko hanggang sa makasakay ako ng tricycle na maghahatid sa akin sa bahay ni Dad. Ipinagpapasalamat ko na rin iyon. Maski paano ay na-distract ako. Hiling ko lang na sana ay ayos lang iyong Koreano na katabi ko kanina. Sa pamumula pa lamang ng mukha niya ay masasabi kong napahigpit ang pagkakakapit ng braso ko sa leeg niya.

Mantovani Maids: CaterinaWhere stories live. Discover now