Ito na ba iyong matagal mong hinihintay, Yna?

"'Nay?" sa halip na pansinin ang sarili kong tanong, paulit-ulit ko na lamang na tinawag si Nanay. Pero nanginginig iyong kamay kong pumipihit sa bawat seradura ng mga pinto sa palapag na iyon.

"Nasaan ka ba, 'nay? Puwede bang tagalan mo pa riyan kila Azon? Sana pinapalitan niya iyong cutix na una mong inilagay, kasi hindi pala niya gusto ang pinili niyang kulay kaya ginabi ka na."

Pihadong ganoon na nga ang nangyari. Malamang sa malamang din ay dahil sa kaartehan ni Azon kaya nagpa-home service ito sa kalagitnaan ng gabi; hindi nito nagustuhan ang serbisyo ng parlor sa kung saan ito nagtungo ngayong araw. Vlogger ito at kilalang nanghahamak ng mga beautician dito sa bansa. Si Nanay ang sumasagip dito sa lahat ng pagkakataon.

"Azon, mag-inarte ka pa nang todo, please," panalangin ko pang pinagdaop ang aking mga palad. Hindi naman sa hindi ako nag-aalala kay Nanay. Alalang-alala ako sa kanya. Hindi ako sanay na umuuwi akong hindi ko siya nadadatnan. Nagkataon lang talaga na kabado rin ako sa kung anong balak na gawin ni Cas ngayong gabi.

Humingang malalim ay bumaba na ako sa salas. Naroon pa rin iyong makahulugang ngiti ni Cas. "Wala si Nanay sa taas. Tatawagan ko. Baka napaano na iyon."

"Nag-chat ako kay Azon. Paalis pa lang daw si Tita. Napakuwento raw kaya hindi agad nakaalis."

Nakahinga ako nang maluwag maski paano. Pero panay pa rin sa paghurumentado ang puso ko. "Mabuti naman. So, uhm..." Pinilit ko pang maging kaswal pero nanginig pa rin ang boses ko. "Hihintayin mo pa si Nanay? Gabi na. May pasok pa tayo bukas."

Bumuntonghininga ay tumayo na si Cas. "Kaya nga, e. Bukas na lang siguro; daanan kita sa work mo."

"Bukas ang alin?" Hindi nagpaawat ang bibig ko sa tanong na iyon.

"Sus! Kunwari hindi alam."

Natawa ako pero, Dios mio! Hindi na tumigil ang puso ko sa pagkabog.

"We've been talking about this for a while, remember?" Kinuha niya ang kamay ko, saka ako hinila at niyakap. Ganoon kadali ay bumuhos ang emosyon ko. Nanginginit at agad na namasa ang aking mga mata. Mabuti na lang ay nakasubsob ako sa dibdib niya; hindi niya nakikita. Masabi mang naiiyak ako, iyong puso ko ay lunod sa saya.

Masaya, dahil para sa akin, si Cas na ang right one; hindi sa umpisa, pero noong lumalim ang pagkakakilala ko sa kanya ay alam kong siya na talaga. Siya na ang matagal kong hinihintay. Siya iyong unang lalaki sa buhay ko, at ganoon ako kasigurado.

Galing sa may kayang pamilya si Cas. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ako sigurado. Gaano man kalaki ang kapintasan sa pagkatao ko, sa pag-uugali ko, ay willing siyang mag-adjust—nang paulit-ulit. Doon ko napatunayang sa kanya ko maaaring ipagkatiwala ang buhay ko.

"Ngayong secured na ang kinabukasan natin," humigpit ang pagkakayakap niya sa akin, "ito na iyong tamang panahon para—"

"Saglit lang." Pinutol ko ang dapat na sasabihin niya. Nagmamadaling pinunasan ko muna ang aking mga luha bago ko siya harapin. "Akala ko ba sa harap ni Nanay mo iyan sasabihin?"

Mahinang natawa siya. "Right. Pero naisip ko lang: kanina pa natin pinag-uusapan ang tungkol sa akin—sa atin. Ikaw naman. How's work? Masaya ka ba?"

"Ayos naman. Wala akong maireklamo sa opisina kahit sa buhay ko, mahal." Hangga't kasama ko sina Nanay at Cas, maski pa masabi kong nabuburyo ako sa trabaho, kumpleto ako.

Kumpleto...

Ang salitang iyon, parang naging susi sa biglaang paninigas ng kalamnan ko. Tumigil din sa pagdaloy ang dugo ko, at namanhid ang dulo ng mga daliri ko dahil doon. Sumulpot sa balintataw ko na namawawala sila—si Cas at si Nanay.

Mantovani Maids: CaterinaWhere stories live. Discover now